NASA maayos nang kalagayan ang limang Pinoy na sakay ng Singapore Airlines flight na nakaranas ng matinding turbulence kamakailan, ayon kay Philippine Ambassador to Thailand Millicent Cruz-Paredes.
“The good news is they’re out of danger,” ani Cruz-Paredes na sinabing binisita niya ang lima sa mga ospital kung saan naka-confine ang mga ito.
“Immediately after we were able to trace them, nadalaw ko naman sila sa ospital and doon ko na-confirm na they are out of danger,” aniya.
Kabilang ang limang Pinoy sa mahigit 200 pasahero ng London-to-Singapore flight SQ321 na nakaranas ng matinding turbulence habang dumadaan sa Indian Ocean noong Martes, May 21, at lumusong ng 6,000 talampakan sa loob lamang ng tatlong minuto.
Nagsagawa ng emergency landing sa Bangkok, Thailand ang eroplano.
Ayon kay Cruz-Paredes, wala pang balita kung kailan makalalabas ng ospital ang mga Pinoy na kinabibilangan ng dalawang babae at tatlong lalaki dahil inoobserbahan pa sila.
“Hindi pa sila nasabihan kung kailan puwede lumabas dahil sila ay still under observation pa,” ayon sa opisyal.
Apat sa mga ito ay mga pabalik ng bansa habang ang isa ay overseas Filipino worker (OFW) na nakabase sa Singapore.