5 aso sa La Union nilason dahil sa pinerwisyong manok ng kapitbahay

KINONDENA ng Animal Kingdom Foundation ang panibagong kaso ng animal cruelty matapos lasunin diumano ang limang aso sa Agoo, La Union kamakailan.

Ayon sa pet owner na si Kate Nalyn Bulacan, nilason umano ang kanyang limang alagang aso — Snappy, Yeona, Hayen, Lambana at Negra — noong Pebrero 28, 2025.

Kwento ni Bulacan, nagulat na lang umano siya nang makitang bumubula ang bibig ng mga alaga malapit sa kanyang tindahan at ang isa sa tabi ng kanilang bahay.

Nadiskubre anya niya na ang mga pagkain ng kanyang aso ay hinaluan ng lason at huli na niyang nalaman na ito ay kagagawan ng kapitbahay.

Sinasabing umamin umano ang kapitbahay sa ginawang panglalason sa mga aso dahil ang mga ito raw ang may kagagawan kung bakit namatay ang kanilang mga manok.

“Kung nagkasala ang aso namin, sana sinabi nila sa amin. Nagpunta sana sila sa barangay,” ayon kay Bulacan.

“This is very cruel. We condemn this act of cruelty… Bawal ito sa ating batas and siyempre, napaka-immoral naman nito,” ayon naman kay AKF Program Director Atty. Heidi Marquez-Caguioa.

Nagpaalala rin ang AKF sa mga pet owners na maging responsable sa pag-aalaga sa kanilang mga hayop at siguruhin ang kaligtasan ng mga ito at maging ang mga tao at iba pang hayop sa paligid.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang sinasabing responsable sa pagkakalason ng mga aso.