4 todas sa lasing na birthday boy

NASAWI ang apat katao, kabilang ang isang guro, nang salpukin ang kanilang sinasakyan ng pickup truck na minamaneho ng lasing sa Sta. Maria, Davao Occidental nitong Miyerkules.

Ayon sa ulat, pawang dead-on-the-spot ang mga biktima, dalawang babae at dalawang lalaking pahinante, dahil sa mga tinamong sugat sa ulo at katawan. Sugatan ang driver ng truck at ginagamot.

Nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property.

Base sa inisyal na imbestigasyon, unang nabangga ng pickup truck sa provincial road sa Brgy. Basiawan ang motorsiklo.

Sa lakas ng impact, tumalsik ang mga sakay ng motorsiklo bago sumalpok sa elf truck na may kargang bunot ng niyog.

Napag-alaman na kagagaling lang ng driver ng truck sa inuman para ipagdiwang ang kanyang kaarawan.