PATONG-patong na kasong frustrated homicide at paglabag sa election gun ban ang kinakaharap ngayon ng suspek sa Boso Boso road rage nitong Linggo sa Antipolo City na nagresulta sa pagkakabaril at pagkakasugat ng apat na katao.
Ayon kay Rizal Police Provincial Office director Col. Felipe Maraggun, inihahanda na ang mga kaso laban sa 28-anyos na suspek na si Kenneth.
Bukod sa frustrated homicide, biniberipika pa ng pulisya ang pahayag ng suspek na may exemption siya sa ipinatutupad na election gun ban.
Kwento ng suspek, nagawa lang aniya niya ang mamaril dahil sa banta sa kanyang buhay.
Dagdag nito, bubunot umano ng baril ang isa sa mga motorcyle rider na nakaalitan niya kung kayat pinaputukan nito.
Gayunman sinabi ni Maraggun na walang nakita sa CCTV video at maging sa mga phone video na magpapatunay sa sinabi ng suspek.
Samantala, tatlo sa apat na sugatan sa pamamaril ay nakalabas na ng ospital, kabilang ang live-in partner ng suspek.
Isa sa mga rider ang patuloy umanong nasa ospital at sumasailalim sa operasyon.
Naganap ang pamamaril pasado alas-5 ng hapon sa Barangay San Jose sa Marcos highway.
Tinangka pa ng suspek na tumakas ngunit naaresto rin ito sa isinagawang hot pursuit operation sa Barangay Mayamot sa nasabi ring lungsod sa Rizal.