BALIK-SELDA ang apat sa walong persons deprived of liberty (PDL) na tumakas sa custodial facility ng San Jose Del Monte Police nitong Linggo ng madaling araw.
Ayon sa ulat, nasakote ang apat malapit sa kani-kanilang mga bahay.
“Based doon sa mga information na nakuha natin sa mga operatives is ‘yung iba nakuha sa nearest residence nila. ‘Yung iba naman sa mismong bahay nila,” MSgt. Rod Pating, investigator on case ng SJDM police.
Sa kasalukuyan ay tinutugis pa ang walong pugante.
Ani Pating, isa sa mga PDLs ay nakakulong sa kasong pagnanakaw, isa ay arson habang ang anim ay may kinalaman sa ilegal na droga.
Bago ito, nadiskubre ang pagpuga ng walo makaraan silang ikanta ng kapwa nila preso.
“Nakatakas ‘yung mga preso sa pamamagitan ng pagsira ng bakal na harang ng bintana sa may comfort room. ‘Yun po ay kanilang nilagare po,” dagdag ni Pating.
Limang bakal sa bintana ang nilagare ng mga PDL.
Nabawi ang ginamit nilang panglagare na nasa apat na pulgada ang haba. Inaalam pa ng pulisya kung paano ito naipasok sa kulungan.