APAT na kawani na ng lokal na pamahalaan ng Pili, Camarines Sur ang sunod-sunod na nasawi nitong nakaraang mga araw.
Naniniwala ang mga otoridad na may kaugnayan ang matinding init sa pagkamatay ng apat.
“Actually, pinapakuha ko ang death certificate nito to check kung ano ang other details ng kanilang kalagayan na posibleng nag-contribute para mamatay sila,” ani Dr. Rafael Salles, head of the Pili Municipal Health Office.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang mga nasawi ay nakatalaga sa engineering, public safety office, at market security. Sila ay may edad 40 pataas.
Bunsod nito, ipinag-utos ni Pili Mayor Tomas Bongalonta na i-adjust ang oras ng trabaho ng mga kawani na nabibilad sa araw.
“Halimbawa ‘yung traffic, dapat nandiyan sila. Kaya lang sabi ko, dapat mag-adjust kami. Halimbawa, one hour ka lang diyan, papalitan ka na ulit,” aniya.