DEAD on arrival sa ospital ang tatlong menor de edad na tinamaan ng kidlat habang naliligo sila sa ulan sa Pulilan, Bulacan nitong Miyerkules, iniulat ng pulisya.
Kinilala ang mga nasawi na sina Rexter Enriquez, 16; Roxanne Enriquez, 12 at April Almoradie, 11, pawang mga residente ng Sitio Tangos, Brgy. Inaon.
Base sa inisyal na imbestigasyon naglalaro sa ilalim ng puno ang magpipinsan alas-3 ng hapon nang bumuhos ang ulan na sinabayan ng kulog at kidlat.
Ayon sa nakababatang kapatid ni Rexter na si Santino, tinamaan ng kidlat ang puno bago nawalan ng malay ang mga biktima.
“Nung kinuha ko po yung bola sa likod ng bigla pong kumidlat nang malakas tapos paglingon ko po wala nang malay ang kuya at pinsan ko, umuusok po,” aniya.
Naisugod pa sa ospital ang mga biktima pero hindi na naisalba ng mga doktor ang kanilang buhay.
Paliwanag ng Pagasa weather bureau, maaaring “ground current” ng kidlat ang pumatay sa mga biktima.
“Kunwari naliligo sa ulan, siyempre, basa ang ground. Kapag nag-strike ang lightning doon, talagang malaki ang tiyansa na maabot ng current ‘yung mga naliligo sa ulan,” ani Pagasa weather forecaster Loriedin dela Cruz-Galicia sa isang panayam.
Payo niya sa publiko tuwing may kidlat: “Habang nasa labas ka hindi ka safe. As long as nasa labas ka, ang pinaka-safe niyan, ang lagi nating advice, pumasok tayo sa bahay at sturdy buildings.”
Dagdag nita, huwag sumilong sa mga puno at agad magpunta sa pampang kapag naabutan sa laot.