TATLO sa pitong persons of interest sa pagpatay sa beauty queen na si Geneva Lopez at sa kanyang Israeli fiancé na si Yitzhak Cohen ay mga dating pulis, ayon sa Philippine National Police (PNP).
“Dismissed na po yung tatlong pulis natin… Isa sa Angeles at dalawa sa NCRPO (National Capital Region Police Office). They were dismissed in late 2019, 2018, sa records po natin,” ani PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil.
Dagdag niya, pagnanakaw ang tinitingnan nilang motibo sa pagpatay.
“Yung motibo po practically is robbery. Baka may dalang pera po yung magkasintahan. Doon po nage-evolve ‘yung kaso natin,” sabi ng opisyal.
Limang persons of interest sa kaso ang nasa kustodiya na ng pulisya habang tinutugis pa ang dalawa, pahayag ng PNP chief. Samantala, malaki ang tiwala ng mga imbestigador na mayroon silang sapat na ebidensya na magdidiin sa pito dahil umamin ang isa sa mga ito na kabilang siya sa nagbaon sa bangkay ng magkasintahan, ani Marbil.
“Based doon sa evidence namin, based sa testimony niya, he was not part noong pagpatay. But he was part doon po sa paglibing po ng mga tao,” dagdag ng opisyal.
Naiulat na nawawala sina Lopez, 27, at Cohen, 37, makaraang katagpuin ang dating pulis na middleman sa bibilhin nilang lupa sa Tarlac noong June 21. Nadiskubre ang kanilang katawan sa isang quarry site nitong weekend.