SINIMULAN na ngayong Miyerkules ng iba’t ibang transport groups ang kanilang kilos protesta na tatagal hanggang sa Biyernes.
Layunin ng protesta ay ang labanan ang ipinatutupad na Public Transport Modernization Program (PTMP) ng administrasyong Marcos, na ayon sa grupong Manibela ay papatay sa kabuhayan ng maliliit nilang mga miyembro.
Kontra ang grupo sa ipinatutupad na pag-phaseout sa mga traditional jeep na dapat ipa-consolidate sa isang korporasyon o kooperatiba, at kumuha ng modernong jeep na kadalasan ay aabot sa mahigit sa P2 milyon.
Nitong nakaraang linggo, ibinasura ni Marcos ang hiling ng mga senador na pansamantalang suspindihin ang programa dahil 20 porsiyento pa ng mga jeepney drivers at operatoris ang hindi pa nakakapag-consolidate.
Una nang sinabi ni Mar Valbuena, pinuno ng grupong Manibela, na may 11 lugar ang tinukoy na gagawing protest center sa Maynila kabilang na rito ang Caloocan, Las Piñas, Maynila, Marikina, Muntinlupa, Parañaque, Pasig at Quezon City.