UMABOT sa Php372.33 bilyon ang gross gaming revenue (GGR) ng gaming industry sa bansa noong 2024—mas mataas ng 30.52% kumpara sa Php285.27 bilyon na naitala noong 2023, ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Kung isasama rito ang Php38.14 bilyong kinita mula mula sa offshore gaming operations na ipinagbawal noong huling bahagi ng 2024, aabot sa Php410.47 bilyon ang kabuuang kita ng buong industriya.
Ang mga licensed land-based casino pa rin ang nangungunang pinagkukunan ng kita sa industriya, na may Php201.83 bilyon o 54.20% ng kabuuang GGR.
“This GGR feat underscores the crucial role of licensed casinos in sustaining the growth momentum of the Philippine gaming sector,” ani PAGCOR Chairman and CEO Alejandro H. Tengco. “They remain our biggest revenue drivers and a major source of government funding for socio-civic programs.”
Bukod sa land-based operations, malaki rin ang itinaas ng kita mula sa E-Games at E-Bingo segment na umabot sa Php154.51 bilyon noong 2024—165.66% na pagtaas mula sa Php58.16 bilyon noong 2023. Sa kasalukuyan, 41.51% ng kabuuang GGR ay mula sa segment na ito.
“The significant leap in E-Games and E-Bingo revenues shows that the industry is evolving rapidly. PAGCOR is committed to keeping pace with technological advancements while strongly advocating responsible gaming,” dagdag ni Chairman Tengco.
Samantala, ang mga casino na pinatatakbo mismo ng PAGCOR ay nag-ambag ng Php15.97 bilyon, katumbas ng 4.29% ng kabuuang GGR.
Dahil sa pagtaas ng GGR, lumago rin ang kabuuang kita ng PAGCOR sa 40.74%—mula sa Php79.37 bilyon noong 2023 ay umakyat ito sa Php111.71 bilyon noong 2024.
Ang kontribusyon ng PAGCOR sa nation-building ay umangat din ng 37.61% sa Php68.20 bilyon mula Php49.56 bilyon habang ang net income ng ahensya ay halos dumoble ng 146% sa halagang Php16.76 bilyon mula Php6.81 bilyon noong nakaraang taon.
Kasama ang 50% cash dividends mula sa net income (Php8.45 bilyon), umabot sa Php76.66 bilyon ang kabuuang kontribusyon ng PAGCOR sa national government noong 2024.
“With a bigger GGR base, we’re looking at a stronger multiplier effect-more jobs, more investments, and more public funds for social programs,” ani G. Tengco.
“The Philippine gaming industry isn’t just growing-it’s evolving, and with it comes greater responsibility and opportunity,” dagdag niya.