NAGSAGAWA ng isang makasaysayang kick off motorcade rally ang isang party-list group na kumakatawan sa mga fire at rescue volunteers sa buong Pilipinas Martes ng umaga, simula ng 90-day campaign period para sa national elections.
Sinimulan ng grupo ang pag-arangkada ng kanilang kampanya sa harap ng Bureau of Immigration sa Intramuros, na nilahukan ng 200 sasakyan ng mga fire at rescue volunteers at 3,000 supporters mula sa iba’t ibang organisasyon.
Ang rally ng Ang Bumbero ng Pilipnas (ABP) party list, na No.134 sa balota, ay pinangungunahan ni first nominee Jose Antonio “Ka Pep” Goitia kasama ang iba pang nominado na sina Leninsky Bacud, Catleya Cher Goitia, Jose Mari Alfonso Goitia, Carl Gene Moreno Plantado at Howie Quimzon Manga.
Ilan sa mga isusulong na batas ng ABP sakaling mahalal sa darating na halalan ay mapaigting ang kapakanan ng mga fire volunteers at rescuers na katuwang sa mabilis na pagtugon sa mga sunog, sakuna at kalamidad sa bawat komunidad sa buong bansa.
Sinabi pa ni Ka Pep Goitia na magsusulong sila ng batas para magkaroon ng benepisyo ang lahat ng firefighters, fire and rescue volunteers at iba pang volunteers.
Layunin din ng grupo ang pagpapaulad ng kakayahan ng bawat Pilipino at magkaroon ng sapat na kaalaman sa pagtugon at paghahanda sa lahat ng kalamidad na haharapin ng bansa.
Ang campaign period para sa mga tumatakbo sa national position ay tatagal ng 90 araw na mag uumpisa mula Pebrero 11 at magtatapos sa Mayo 10 alinsunod sa batas.
Sa opisyal na listahan ng Commission on Elections (Comelec), nasa 155 na party list groups ang maglalalaban-laban para sa 63 bakanteng pwesto sa Kamara.