NAGSUSPINDE ng klase sa dalawang unibersidad sa Cebu City Lunes ng umaga matapos makatanggap ng bomb threat na ipinost sa Facebook.
Unang nagsuspinde ang Cebu Technological University (CTU)-Main Campus matapos magpost sa FB ang isang John Steve na may bomba na itinanim sa loob ng paaralan.
“Bomb Successfully Planted. Say Goodbye CTU Main! You have approximately 5 hours nalang,” ayon sa post.
Dahil dito, dali-daling sinuspinde ng administrasyon ng unibersidad ang pasok sa eskwela at pinalabas ang mga nasa loob na ng campu.
Madali ring sumugod ang mga tauhan ng pulisya para siguruhin na ligtas ang mga mag-aaral at matapos masuri ay wala namang natagpuang bomba.
Matapos ang ilang oras, nakatanggap naman ng bomb threat ang Cebu Institute of Technology University (CIT-U) dahilan para magsuspinde rin ng klase ang nasabing unibersidad.
“Classes are suspended in all levels until further notice due to an ongoing emergency situation. Elementary and Junior High School students are currently being supervised by their teachers while safely evacuated on the school grounds,” ayon sa advisory ng CIT-U.