KULONG sa Kamara ang dalawang talent ng Sonshine Media Network International (SMNI) na sina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz matapos silang i-contempt sa gitna nang pagdnig ng House committee on legislative franchises nitong Martes.
Na contempt ang dalawa dahil sa pagiging “disrespectful” ng mga ito at pagtangging sagutin ang mga tanong hinggil sa fake news na diumano’y ipinakakalat ng mga ito na si gumasto ng P1.8 bilyon sa pagbyahe si Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Unang na-contempt si Celiz matapos nitong sabihin na nilabag ng komite ang kanyang karapatan para sa due process at pag-invoke ng Republic Act 52 o ang Sotto Law.
Ito ay matapos siyang atasan ni Deputy Majority Leader at Quezon Rep. David Suarez na tukuyin kung sino ang sinasabi niyang source na nagsabi na gumastos nga ng ganon kalaki si Romualdez. Ngunit hindi ito agad sinagot ni Celiz at sinabing hayaan siyang basahin muna ang kanyang pahayag.
Gayunman, pinilit siya ng mga kongresista na sagutin muna ang tanong, at dito na “nagwala” si Celiz at sabihan ang mga mambabatas na “you are not above the law.” At dahil hindi siya pinayagan na mag-avail ng legal counsel, pinatatanggal niya sa records ang lahat ng kanyang mga nasabi dahil sa nalabag umano ang kanyang mga karapatan.
Dahil sa ginawang asal ni Celiz, hiniling ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na i-cite for contempt ito, na sinusugan ng mga miyembro ng komite.
Samantala, na i-cite for contempt din si Badoy, dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF–ELCAC) spokesperson, dahil sa pagsisinungaling nito sa komite.
Una kasing sinabi ni Badoy na block timer siya sa SMNI, ngunit kinalaunan ay inihayag na co-producer siya ng kanyang programa Na “Laban kasama ng bayan”.
Sinabi rin nito na may mga ads ang kanilang programa bagamat pinabulaanan naman ito ni Mark Tolentino na siyang legal officer ng SMNI.