2 nag-eat-and-run na sa bar, nambugbog pa ng waiter

BAGSAK sa kulungan ang dalawa katao makaraan nilang tanggihan bayaran ang kanilang bill sa bar sa Sampaloc, Maynila at saktan ang waiter na sinisingil sila.

Ani Maj. Philip Ines, Manila Police District spokesman, nahaharap ang mga suspek, isang babae at isang lalaki, sa mga kasong estafa at physical injuries.

Base sa ulat, nagpunta ang dalawa at iba pa nilang kasamahan sa bar at sinabihan ang manager na huwag nang magpapasok ng ibang kostumer.

Ayon sa lalaking suspek, despedida niya bago sumampa sa barko upang magtrabaho bilang seaman.

“Itong suspek natin na si alyas Adrian ay pumasok dito at may kasama siya. Kung saan nga pagpasok nila doon pinasarado niya itong bar na ito at ililibre niya lahat to include yung mga empleyado din ng bar,” ani Ines.

“At nung natapos na nga ang party at nalaman niya kung magkano ang babayaran niya na mahigit P80,000 ay nagalit siya dito sa waiter at nasaktan niya ito,” dagdag ng opisyal.

Agad namang humingi ng saklolo ang mga kawani ng bar sa mga pulis kaya nasakote ang dalawang suspek.