2 bangkay narekober: Missing beauty pageant candidate, BF na Israeli na nga ba?

DALAWANG bangkay ang narekober ng pulisya sa barangay Sta. Lucia sa Capas, Tarlac, at hinala ng mga awtoridad ay ito na nga ang mga pinaghahanap na beauty pageant candidate na si Geneva Lopez at Israeli na boyfriend na si Yitzhak Cohen.

Dalawang ex-police officer din ang iniuugnay sa pagkawala at sinasabing pagkamatay ng dalawa, ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos.

“Tinitingnan lang namin for autopsy ito ngayon ng NBI as requested ng pamilya,” Ayon kay Abalos.

“May lumabas nga na mga testigo at tinuro nga itong libingan na ito dito sa Tarlac. Ilalabas na lang namin ang buong detalye siguro mga Lunes. Iniipon pa talaga lahat ito,” dagdag pa ng opisyal.

Ayon sa ulat, isa sa dalawang itinuturong suspek ay siyang nagsilbing middleman ng magkasintahan na nagbabalak bumili ng lupa sa Capas.

Dapat ay katatagpuin ng mga ito ang sinasabing seller noon Hunyo 21, ngunit mula noon ay naglaho na si Lopez at ang Israeli.

Ang sinakyan din nilang sports utility vehicle ay natagpuang sunog.

“This heartbreaking discovery underscores our unwavering resolve to bring justice to all victims. We will not rest until those responsible are held accountable. Justice will be served,” ayon pa kay Abalos.