2 Australian, Pinoy natagpuang patay sa Tagaytay hotel

DALAWANG Autralian at isang Filipino ang natagpuan patay sa loob ng kanilang silid sa isang hotel sa Tagaytay City.

Kinilala ng Tagaytay City Police ang mga biktima na sina David James Fisk, 57; Lucita Barquin Cortez, na ipinganak sa Pilipinas at Australian citizen, at ang manugang nitong Pinoy na si Mary Jane Cortez, 30, na mula sa Oriental Mindoro.

Naka check-in ang tatlo sa The Lake Hotel sa barangay Maharlika West sa Tagaytay City.

Sa inisyal na imbestigasyon, Miyerkules nang katukin ng staff ng hotel na si Allan Manza ang silid ng tatlo para sabihan ang mga ito na oras na ng kanilang check-out.

Nang hindi sumagot ang mga ito, binuksan ni Manza ang pinto at tumambad sa kanya ang bangkay ng tatlo.

Nakatali ang mga kamay ng mga biktima ng electrical cord at sintas ng sapatos habang naka-tape ang kanilang mga bibig.

Sa CCT footage, nakita ang isang lalaking suspek na nakasuot ng black hoodie, maroon shorts at snearkers na may dalang knapsack habang papalabas ng kuwarto ng mga biktima.

Ayon pa sa pulisya, Miyerkules ng umaga nang makita umano ang suspek sa hotel at tinanong ito ng guard. Sinabi nito na naka-check in umano siya sa kuwarto ng mga biktima. May keycard din umano ang suspek.