Sa paggunita sa ika-19 anibersaryo ng kamatayan ng Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr., nakatakdang magtungo ang anak nitong si Senador Grace Poe at apong si Brian Llamanzares sa Pangasinan sa Huwebes.
Sa pamamagitan ng FPJ Panday-Bayanihan na pinamumunuan ni Llamanzares, magsasagawa ng volunteer mission ang mag-ina para matulungan ang mga nangangailangan sa lalawigan.
Ang FPJ Panday Bayanihan ay nabuo bunga ng blockbuster film ni Da King na ‘Ang Panday’.
Ang salitang Panday ay may kahulugang bumuo o lumikha, at ang Bayanihan naman ay tumutukoy sa community action na isa sa katangian ng mga Pilipino.
Ang hangarin ng organisasyon ay buhayin at palakasin ang diwa ng Bayanihang Pilipino para matulungan ang mga kapus-palad higit sa lahat ang mga biktima ng kalamidad sa Pilipinas.
Sa gagawing pagbisita ng mga-ina, mamimigay ang mga ito ng tulong at ayuda sa mga piling komunidad sa nasabing probinsya.
“Lagi’t lagi si Brian na ang aking katuwang sa pagtulong sa mga nangangailangan. Ang iniwang pangako ng aking amang si FPJ para sa mga mahihirap ay magpapatuloy at ipagpapatuloy pa ni Brian,” pagbibigay-diin ng senador.
Si FPJ ay pumanaw noong Disyembre 14, 2004, ilang buwan makalipas ang pagkakaagaw sa kanyang pagkapanalo sa presidential elections bunsod ng malawakang dayaan.
Matatandaan na na-zero si FPJ sa isang bayan sa Pangasinan dahilan para almahan ito ng maraming mga Pangasinense dahil na rin ang ama ni Da King ay tubo sa nasabing lalawigan.