18-anyos na estudyante patay sa hazing sa Nueva Ecija

ISANG mag-aaral mula sa Jaen, Nueva Ecija ang nasawi matapos umano itong sumailalim sa fraternity hazing rites nitong Linggo.

Ang biktima na si Ren Joseph Bayan, Grade 11 student mula sa Barangay San Pablo nang nasabing munisipalidad.

Natagpuan si Bayan na walang buhay matapos sumailalim sa huling bahagi ng initiation rites ng Tau Gamma Phi Fraternity.

Bago ito, nagpaalam umano ang biktima na sasali ito sa fraternity hazing pasado alas-2 ng hapon noong linggo.

Alas-5 ng hapon, iniuwi si Bayan sa kanilang bahay ng dalawang kapitbahay ni Bayan na sina Baron Cabado at Patrick Guinto.

Bugbog ang mga hita ng biktima at ayon umano sa doktor na tumingin sa katawan ng biktima, matinding kumplikasyon ang idinulot ng pagkakabugbod sa kidney at puso nito kaya ito nasawi.

Pinaghahanap na ngayon sina Cabado at Guinto na ikinukonsiderang mga suspek.