17 kakasuhan sa pagkamatay ng Adamson hazing victim

INIHAHANDA ang kasong kriminal laban sa 17 miyembro ng fraternity group na Tau Gamma Phi na sinasabing may kinalaman sa pagkamatay ng Adamson University Chemical Engineering student na si John Matthew Salilig.

Ito ay base na rin sa mga testimonya ng mga testigo, kabilang na ang mga kapwa recruit ni Salilig sa nasabing fraternity group.

Ayon kay Biñan City police chief, Lt. Col. Virgilio Jopia, apat na testigo ang hawak nila ngayon na umamin na sumailalim si Salilig sa initiation rites noong Pebrero 18.

Hawak na rin ng pulisya ang pito sa mga sinasabing kasama sa hazing para sa questioning habang idinitene ang ama ng isa sa mga persons of interest sa kaso dahil sa obstruction of justice.

Samantala, isang search warrant ang inilabas para makuha ang isang blue at silver na Ford Everest van (NBG 5732) na sinasabing ginamit para dalhin si Salilig mula sa Biñan patungong Imus.

Nito ring Miyerkules, iniutos ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa National Bureau of Investigation na magsagawa ng parallel investigation kaugnaya sa pagkamatay ni Salilig.