12 patay, 28 sugatan sa karambola sa SCTEx

UMABOT 12 katao ang nasawi habang 28 iba pa ang nasugtan matapos magkarambola ang limang sasakyan sa Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEX) sa may bahagi ng Tarlac toll plaza Huwebes ng tanghali.

Ayon sa ulat, anim sa mga nasawi ay mga bata.

Pasado alas-12 ng tanghali nang maganap ang aksidente.

Sa ulat ng Radyo dzBB, sinuwag ng bus ang isang van na nakapila na sa toll gate para magbayad. At pagkabundol sa van, tinamaan nito ang isang SUV at sumalpok naman sa isang tractor na nasa harapan nito.

Dahil dito sinalpok naman ng tractor ang nasa harapan nitong SUV na nasa payment lane.

Sa pahayag ni Police Lt. Col. Romel Santos, hepe ng Tarlac Provincial Police Office, 10 sa mga pasahero na nasawi ay sakay ng van na sinuwag ng bus samantala ang dalawa ay sakay ng compact SUV.

Kritikal naman ang lagay ng driver ng van.

Ayon pa sa mga ulat, mabilis umano ang takbo ng Solid North bus at nawalan ito ng kontrol kaya inararo nito ang nakapilang mga sasakyan.