BALIK-PASADA na ang may 11,000 bus, jeep at UV express simula sa Lunes, Agosto 22, kasabay ng pagbubukas ng klase.
Ang 11,000 PUVs na ito ay may mga ruta na labas sa Edsa, na una nang isinara dahil sa pandemya.
Sa anunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sinabi nito na bubuksan na ang 68 prepandemic routes sa mga jeep, habang 33 sa city bus, at 32 naman sa UVEs, sa Metro Manila, na magiging epektibo sa Huwebes.
Inaasahan naman na hindi rin agad sila makakapag-byahe dahil kailangan kumuha muna sila ng special permit mula sa LTFRB.
Sa pagkuha ng permit, kailangan i-present ang kanilang certificate of public convenience (CPC) o aplikasyon para i-extend ito. Kailangan namang ipresenta ng mga operators ng modernized jeepneys at UVEs, ang kanilang request para i-extend ang kanilang provisional authority to operate.
Ayon kay LTFRB Chair Cheloy Garafil kailangan nang mas mabilis na daan para maprubahan ang mga special permit dahil na rin sa nalalapit na pagbubukas ng mga klase sa Lunes.
Karamihan sa mga rutang bubuksan ay ang Espana Boulevard at Taft Avenue at mga lugar kung saan maraming paaralan gaya ng university belt.