11 patay, 6 sugatan sa salpukan ng bus, pick-up truck sa Cagayan

PATAY ang 11 katao habang anim pa ang sugatan matapos sumalpok ang pick-up truck na kanilang sinasakyan sa isang pampasaherong bus lalawigan ng Cagayan Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay Police Major Antonio Palattao, hepe ng bayan ng Abulug police, galing sa lamay ang pick-up truck na sinasakyan ng mga biktimang nasawi.

Nakaligtas naman ang driver at isa pang pasahero ng pick-up truck bagamat sila ay sugatan.

“Yung mga 11 po na patay, dead on arrival, ay passenger po lahat ng pickup. Tama po kayo, may karga pa po sa likod. Kasi itong pickup galing sila ng lamay sa kanilang kamag-anak,” ayon kay Palattao sa panayam ng dzBB.

Nangyari ang insidente alas-12 ng hatinggabi matapos matumbok ng bus ang truck sa Ayaga junction sa barangay Lucban.

Dahil umano sa tindi ng banggaan ay tumilapon sa kalsada ang mga biktima. Naisugod pa ang mga ito sa ospital ngunit binawian din ng buhay.

Sugatan din ang driver at kundoktor ng bus, habang isang pedestrian din ang nasugatan. Ilang pasahero rin ng bus ang nagkaroon ng galos.