UMABOT sa 10,000 indibidwal ang lumahok sa Nutri Fun Run ng Mandaluyong City local government nitong Linggo na layong isulong ang “health and wellness” sa mga taga-siyudad ngayong Buwan ng Nutrisyon.
Pinangunahan nina Mandaluyong City Mayor Ben Abalos, kasama sina Vice Mayor Menchie Abalos at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, ang tatlong-kilometrong fun run na nagsimula alas-5 ng umaga sa City Hall patungo sa Martinez street at Fabella Road at pabalik.
Hinimok ni Mayor Abalos, ang chairman ng City Nutrition Committee, ang publiko na pumili ng sport na kanilang hilig o sumali sa iba’t ibang sports na itinataguyod ng lokal na pamahalaan gaya ng boxing, basketball, at martial arts para mapanatili ang kalusugan.
“Bilang suporta at pakikiisa sa 49th Nutrition Month, tayo po ay nakisaya at tumakbo kasama si SILG Benhur Abalos, mga kawani ng pamahalaang lungsod, konsehal, kapitan, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), mga mag-aaral, at maraming iba pa na mananakbong mula sa iba’t ibang sektor. Layon po ng aktibidad na ito na mas palakasin pa ang mga programang pangkalusugan at isulong ang wastong nutrisyon, pagkakaroon ng healthy at active lifestyle para sa lahat,” ani Mayor Abalos.
Samantala, pinayuhan naman ni Vice Mayor Abalos ang publiko na kumain ng masusustansyang pagkain imbes na junk food at matatamis na inumin. Siya ang vice chairman ng City Nutrition Committee at nutrition advocate ng siyudad. Tuloy naman ang kampanya ni Sec. Abalos, na dati ring alkalde ng Mandaluyong, kontra iligal na droga sa ilalim ng “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” o BIDA Program ng ahensya.
“The annual nutri-fun run is anchored to DILG’s BIDA Run encouraging every Mandaleños to be fit and healthy by giving importance on life by avoiding the use of illegal drugs,” ani Sec. Abalos.
Ang 14th Nutri Fun Run ay bahagi ng mga serye ng aktibidad ng lokal na pamahalaan sa pagdiriwang ng Nutrition Month.