UMAKYAT na sa 103 ang bilang ng mga bayan at lungsod ang nasa state of calamity dahil sa matinding init dulot ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Presidential Communications Office Assistant Secretary at Task Force El Nino Spokesman Joey Villarama, halos buong bansa na ang apektado ng tagtuyot.
“Nabanggit ng Pangulo na halos buong Pilipinas na ang apektado. Pero again in varying degrees, kaya po ang tutok ng gobyerno at ang tulong na ibinibigay ay depende po sa pangangailangan ng bawat probinsiya,” ani Villarama.
Ang bilang aniya ng mga nasa state of calamity ay batay sa talaan ng Office of Civil Defense. Kabilang dito ang mga lalawigan ng Occidental Mindoro, Antique, Sultan Kudarat, Basilan at Maguindanao del Sur.
Sinabi ni Villarama na umabot na sa P3.94 billion ang napinsala sa agrikultura dahil sa El Nino, katumbas ng 66,000 ektarya.
Mula sa 66,00 ektarya ng mga pananim, 78 porsyento nito ay mayroong tsansa na maisalba pa at ang natitirang pananim na hindi na maaring mapakinabangan ay pakikinabangan o maaring pakain sa mga alagang hayop.