ARESTADO ang lalaki na matagal nang pinaghahanap ng mga otoridad makaraan siyang matunton sa Aklan dahil sa ipinost sa social media na graduation picture ng anak.
Ayon sa ulat, isang dekada nang pinaghahanap ang suspek kaugnay sa kasong panggagahasa sa menor de edad na pamangkin sa Pagbilao, Quezon.
Itinuturing ang suspek na isa sa mga “most wanted person” ng Region 4-A.
Sinabi ni Brig. General Paul Kenneth Lucas, regional director ng Police Regional Office 4A, na nakita sa Facebook ng isang kaanak ang larawan ng suspek na dumalo sa graduation ng anak kaya agad itong humingi ng tulong sa mga otoridad.
“Pinuntahan ng tracker team sa New Washington sa Aklan at napag-alaman natin na itong suspek ay naging tanod. Siya pa ‘yung head ng peace and order council sa barangay na ‘yon,” dagdag ni Lucas.
Sinabi ng opisyal na nag-iba na ang anyo ng salarin.
“Yung ten years na nagtago ang suspek na ito, nagbago na ang mukha niya. Nahirapan ang mga operatiba natin,” wika nito.