MATAPOS ang pitong taon, napatunayan ng korte na guilty ang 10 miyembro ng Aegis Juris fraternity sa pagkamatay ng hazing victim at freshman law student ng University of Santo Tomas na si Horacio “Atio” Castillo III noong 2017.
Sa inilabas na desisyon ng Manila Regional Trial Court Branch 11, hinatulan nito na mabilanggo ng parusang reclusion perpetua o 40 taon na pagkakakulong ang 10 fratmen na sina Arvin Rivera Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, John Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew Rodrigo, at Marcelino Bagtang Jr.
Ayon sa korte, guilty beyond reasonable doubt ang mga ito sa paglabag sa Anti-Hazing Law of 1995 matapos mamatay sa gulpi dulot ng hazing si Atio noong Sept. 17, 2017.
Pinagbabayad din ang mga ito ng korte ng P461,800 bilang actual expenses; P75,000 civil indemnity; P75,000 moral damages; at P75,000 exemplary damages.
“All the amounts shall earn interest at the rate of 6% per annum upon finality of the decision until fully paid,” ayon sa korte.