1 sa 10 Pinoy na edad 10-19 umiinom ng alak

NASA 13.2 porsyento o isa bawat 10 Pinoy na may edad 10 hanggang 19 ay kasalukuyang umiinom o nakainom ng alak, ayon sa pag-aaral ng Department of Science and Technology- Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI). 

Mas marami naman ang lalaking manginginom (16.1%) kumpara sa mga babae (10.4 porsyento).

Sa kanilang 2021 Expanded National Nutrition Survey (ENNS) na inilabas ngayong linggo, inilahad ng DOST-FNRI na 4.9 porsyento sa kabuuang bilang ay mga kasalukuyang umiinom habang higit sa kalahati sa kanila o 51.4 porsyento ay binge drinker o labis kung tumoma.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang binge drinking ay ang “excessive consumption of alcoholic beverages, specifically the intake of four or more standard drinks in a row for females or five or more for males by those who reported drinking alcoholic beverages in the past month.”

Napag-alam din sa pag-aaral na beer ang iniinom ng karamihan sa Pilipinas o 72 porsyento ng nakukunsumong alkohol.

Ayon sa DOST-FNRI Food Exchange List 4th Edition, mayroong 140 hanggang 200 calories ang isang 330 ml. na bote ng beer.

“Thus, excessive drinking of beer will add up to the total caloric intake of an adolescent and may lead to different health problems,” dagdag nito.

Iniulat naman ng WHO na ang pag-inom ng alak ang “main risk factor for early mortality and disability among people 15 to 49 years old,” kung saan 10 porsyento ay nagreresulta sa kamatayan.