Si Bathala, ang Kuwago at mga Politiko

BUNGA ng palpak na pamamahala ng mga politiko, mas lumalala ang katiwalian sa mundo — at naghari ang kaguluhan.

Ang mga bukirin ay ginawang subdibisyon, ang mga gusali ginawang pasugalan, at ang mga eskwelahan ginawang paradahan.

Naging sunod-sunod ang mga sakuna sa Europa, Amerika, Aprika at Asya.

Dahil dito, nagalit si Bathala.

Ipinatinawag ni Bathala ang lahat ng kanyang mga pinagkakatiwalaang nilikha sa balat ng lupa. Sa bawat bansa, meron siyang itinalagang “Paubari”—ito ang tawag sa pinakamatalino’t pinakamatalas na hayop na hinirang ni Bathala upang matyagan ang mga tao at mga politiko.

At dahil may isang bansang sadyang sakit sa ulo ni Bathala, inuna nitong puntahan ang Pilipinas.

Nang bumaba siya sa Pilipinas, agad pinatawag nito ang Kuwago—ang mestisong paubari na may taglay ng kakaibang karunungan at talino sa pagpipili.

“Hoy, Mestisong Kuwago!” galit na sigaw ni Bathala, “‘Di ba’t ikaw ang aking tagamasid sa lupa—bakit marami akong natanggap na reklamo dito sa kalangitan? Ano ba ang nangyayari sa Pilipinas?”

“Paumanhin po, Mahal na Bathala,” abang sagot ng Kuwago, “pero sadyang wala na pong interes ang mga politiko na ayusin pa ang Pilipinas. Nanunuot na po sa kanilang mga ugat ang ganid na s’yang nag-aagnas ng kanilang pagkatao’t kaluluwa.”

Napaisip nang matagal si Bathala. Hindi n’ya akalaing kontento na lamang ang mga tao na pamunuan sila ng mga halang na politiko at tanggapin na lamang ang isang dekadenteng buhay.

“At ‘di lang po ‘yun…,” dagdag ng Kuwago. “Hitik po ang pamahalaan ng mga namumunong tamad, sinungaling, hunghang, kurakot, manloloko’t magnanakaw.”

Nakaramdam ng panghihinayang si Bathala. Hindi ito ang inaasahan n’yang marinig na balita sa bansa na kanyang bukod-tanging pinagpala sa lahat ng mga lipi.

“Kung gayon, ikaw Kuwago, bilang isang paubari, ay inaatasan ko at binibigyan ng kapangyarihang ipunin ang lahat ng mga Pilipinong politiko na mayroon pang natitirang busilak na kalooban. Mga politikong mabubuti’t tapat, mga masisipag at masisigasig, mga matatalino’t magagaling. Sila ang gagawin kong mga pinuno ng bagong Pilipinas na siyang magbabangon at magtutuwid muli ng landasin ng bansa,” utos ni Bathala sa Kuwago.

Binigyan ni Bathala ng anim na buwan ang kuwago upang tipunin ang lahat ng mabubuting politiko—at ipapatapon sa kumukulong lawa ng bulkan ang mga hangal, tamad, sinungaling at iba pang mga may masasamang budhi.

Pagkaraan ng anim na buwan, muling bumalik si Bathala sa Pilipinas para kumustahin ang kanyang ipinagagawa sa Kuwago.

Matapos itong mag-ulat, iniutos niya sa Kuwago na bumuo ng dalawang grupo: papuntahin sa kanyang kanan ang lahat ng mga politikong matatalino, mababait at matutuwid—at sa kanyang kaliwa naman ay yaong mga halang, hunghang, bobo’t sinungaling.

Mabilis na nagsikilos at nagsi-grupo ang mga ito ayon sa kanilang pagkakatangi.

Ngunit laking pagtataka ni Bathala dahil lahat ng mga ito ay napunta sa kanyang kanan —wala ni isang politiko ang nasa kaliwa.

Bagamat nagtataka, natuwa pa rin si Bathala. “Malamang nalipol na lahat ang mga politikong masasama ang budhi,” sabi nito sa sarili.

Kaya pinuri niya ang Kuwago: “Magaling at tunay kang maasahang paubari. Hindi mo ako binigo. Tinipon mo lahat ng mga politikong tapat at tuwid, mga matatalino’t maasahan, at yaong mga may mabubuting budhi. Inilayo mo ang mga hangal, sinungaling, manloloko’t kriminal. Dahil d’yan, magpatawag ka ng pambansang halalan para piliin ang mga karapat-dapat na mga bagong pinuno—sila ang pag-asa atmagsusulong ng bagong Pilipinas.”

Makalipas ang anim na taon mula nang mahalal ang mga bagong pinuno, muling pinatawag ni Bathala ang Kuwago at galit na galit ito.

“Paubari, ano naman itong nakarating sa akin na magulo at wala pa ring pinagbago ang Pilipinas? ‘Di ba’t tinanggal na natin at ipinatapon sa bulkan ang lahat ng mga politikong manloloko’t sinungaling?” galit na tanong ni Bathala.

“Iyan nga po ang gusto kong ipaliwanag sa inyo, Mahal na Bathala…,” mautal-utal na wika ng Kuwago, “na sadyang mahuhusay na po at magagaling magsinungaling ang mga politiko. Nagmumukhang matatalino na rin po ang mga bobo—at kayang-kaya na po nilang magbalatkayo.”

“Ibig mong sabihin noong una pa ma’y naisahan na tayo?” sumbat ni Bathala.

“Siyang tunay po! Wala na pong pagkakaiba ang huwad sa totoo,” anang Kuwago.

“Bakit nagkagayon? Bakit sila pa rin ang binoboto ng tao? ‘Di na ba kayang sumuri’t kumilatis ang mga Pilipino?” malungkot na tugon ni Bathala.

“‘Mismo. ‘Yan po ang dahilan kaya muling nakaupo sa puwesto ang mga sinungaling at manloloko—mula meyor, gobernador, mambabatas hanggang pangulo.”

***

PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, atpangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

At sa sobrang pagkadismaya, bumalik na lamang sa kalangitan si Bathala para magpalamig ng ulo.

Ngayon ay kanya nang naiintindihan kung bakit ang Pilipinas ay ‘di umaasenso: Kay dali palang lokohin at maisahan ang kawawang mga Pilipino.