Petroglyphs ng Rizal

MAIBA tayo ng kwento. Pahinga muna sa mga banat, lol!

Habang nanonood ako ng music video reactions ng foreigners sa Filipino artists, napansin ko ang vlog ni Moto Cookie na bumyahe papuntang Angono Petroglyphs o rock art nitong September 21, 2022.

Ang petroglyph ay rock art o rock carving hango sa Greek words na “petra” meaning bato,  at “glyphe” o ukit.

Matatagpuan ang Binangonan-Angono Petroglyphs sa hilly part ng Bilibiran, Binangonan malapit sa boundary ng Angono, higit isang oras na byahe mula Maynila.

Nauna itong tinawag na Angono Petroglyphs in honor of National Artist, Carlos “Botong” Francisco na taga-Angono na siyang nakadiskubre nito.

Bahagi ng Binangonan-Angono Petroglyphs.

Napansin ito ni Francisco sa isang rock shelter noong 1965 habang nakahiga at nagpapahinga sa  kanilang Boys Scout camping sa area,   na ayon sa Artes De Las Filipinas ay ginamit din ng Pinoy guerillas noong World War II.

Pakiwari ni Francisco, may pagka-primitive o ancient art ang nakaukit sa rock wall kaya minabuti niyang ibahagi ang natagpuan sa mga eksperto ng  National Museum of the Philippines (NMP)  para masuring mabuti.  

Nag-conduct ng archeological excavations October – November ng taon ding ‘yun. The rest is history, sabi nga.

Wonder of wonders.  Ang art carvings na nakita ni Francisco ay hindi pala matatawarang archeological gems ng Pilipinas.

Tinataya ng museum scientists na inukit ang mga drawing mula 3000-5000 BC o bandang Neolithic Age o New Stone Age!  Ibig sabihin, me ganun nang ka-sophisticated artworks ang pre-historic period nating mga ninuno.

Paliwanag ng Yodisphere.com, nagsisilbi ang mga ito na “visual expression” ng mga kumplikadong kaisipan at paniniwala ng mga sinaunang kultura na natatagpuan sa maraming parte ng mundo at nasa iba-ibang art genres gaya ng painting, drawing at inukit na mga imahe o engravings.

Sa archeological excavation na pinangunahan ni dating National Assistant Director Alfredo Evangelista, natagpuan nila ang ceramic sherds, obsidian flakes, charcoal at polished stone adze o matalas na bato na gamit sa pang-ukit.

Nasundan ito ng tatlo pang archeological undertakings para malalaliman pang pag-aralan.

Noon 1977, na-record ni dating Anthropology Chief, Dr Jesus Peralta ang 127 iba-ibang imahe sa rock wall  pero paliwanag niya, maaaring hindi ito konektado sa natagpuang artifacts nung 1965.

Ang sumunod na 1998 research nina Angel Bautista ng  NMP at Dr Victor Paz ng University of the Philippines Archeological Studies ay kapos sa mahahalagang impormasyon kaya kinailangan pa ng karagdagang pagsisiyasat.  

At noong 2016, bumisita sa site ang pioneering Digital Archeologist na si Dr Andrea Jalandoni ng Griffith University sa Australia.

Inaral niya ang rock carvings gamit ang Geographic Information System (GIS) para gumawa ng three-dimensional model ng buong rock art.

Ang 127 carvings ay nadagdagan pa hanggang 179 human at animal images.  Ayon kay Jalandoni,  ang ibang imahe ay kumpleto ang daliri, paa, head covering at female genitalia.

Nung 1973, sa bisa ng Presidential Decree 260, dineclare na  National Cultural Treasure ang oldest known work of art sa Pilipinas –  ang Binangonan-Angono Petroglyphs.

At nung 1985, isinama ng UNESCO ang  Binangonan-Angono Petroglyphs sa World Inventory of Rock Art. 

Talagang nakaka-proud na meron tayo nito at kinikilala sa buong mundo.

Sa Pilipinas, meron pang naiulat na 20 rock art sites kasama rito ang pictograms o  charcoal drawings ng

350 images ng geometric forms, anthropomorphs at botanical emblems sa mga pader ng cave sites sa Peńablanca, Cagayan;  petroglyphs sa Alab, Bontoc, Mt Province; red hand stencils sa Lamanok, Anda, Bohol; at cave art sa Singnapan Basin, Ransang, Palawan.  

Sa video ng travel vlogger, dumaan pa sila sa rock tunnel, then paglabas ay lakad-lakad pa nang konti sa bundok na marami pa namang puno hanggang marating ang site.

Malinis, maaliwalas at may maayos na viewing deck mga 10 meters mula sa rock wall art para maiwasang ma-vandalize. Sabi ng vlogger, sinita sila ng security personnel dahil bawal daw mag-vlog.

Naapektuhan na rin ang heritage art ito ng wear and tear dulot ng natural phenomenon tulad ng wind and rain, mga ugat ng halaman na tumutubo sa mga singit ng rock art.

Bukod pa ito sa development sa paligid ng site base sa naging report noon ng ABS-CBN online news na meron nang holiday resort, golf course at upper class housing.

Naniniwala ako na mahigpit itong pinangangalagaan ng mga eksperto, local at international institutions at ng local government units na nagtataguyod ng kulturang Pilipino.

Sa website ng angono.gov.ph/petroglyphs/,  ang preservation  at development ng Petroglyphs ay joint effort ng National Museum of the Philippines, World Monument Watch Fund, American Express International, Department of Tourism at Antipolo Properties.

Pero bilang mamamayan, tungkulin din nating makibahagi sa preservation at pagpapasikat nito sa buong mundo na di pa ganung popular batay sa kokonting local at foreign tourists na bumibisita rito. 

Malaki ang maitutulong ng mga ordinaryong mamamayan lalo sa mga mamasyal doon para panatilihing malinis ang site.

Bumisita at ikalat ang kwento ng Binangonan-Angono Petroglyphs Hindi ko alam kung hanggang ngayon ay bawal ang vlogging at kung ano ang dahilan sa prohibition.

Para sa akin, malaki tulong ng travel vloggers sa site dahil nalaman ko na meron palang maipagmamalaki ang Pilipinas na sophisticated ancient artistry na dapat kong bisitahin.

Dahil sa travel vloggers, nabubuksan ang mata ng buong mundo sa heritage sites at iba pang tourist attractions sa Pilipinas na napatunayan at napanood ko sa dami views ng foreign travel vloggers na binidyo ang adventures nila sa Pilipinas.