Kwentong Pasko: Ang dalawang tupa

KALMADO ang gabi, ngunit ang hangin ay nagdala ng kakaibang tensyon.

Halos dalawang araw nang naglalakbay ang kawan ng tupa, sinusundan ang kanilang pastol habang tinatahak nito ang pinakamatingkad na bituin na kanilang nakita.

Si Obis—ang pinakabata sa kawan—ay tumakbo sa harapan ng kanyang amo para mas masilayan ang liwanag ng kakaibang bituin. Sa tabi niya, si Argali— ang pinakamatandang tupa—ay naglalakad nang may pagkainis, ang kanyang mga tainga ay kumikibot sa pagkadismaya.

“Kahibangan ito,” ungol ni Argali na pabulong. “Naglalakad tayo nang ilang araw, sinusundan ang bituin. Isang bituin, Obis! Hindi ko nakikita kung anong saysay ang meron sa isang butuin. Pati pastol natin ay hindi alam kung saan tayo pupunta.”

Bahagyang lumingon si Obis, ang kanyang banayad na tingin ay nakatuon sa kanyang kaibigan.

“Palagi kang nagdududa, Argali. Paano kung ang bituin ay may dalang isang mensahe? Isang pabilin? Hindi mo ba narinig ang mga kwento ng pastol tungkol sa Mesiyas?”

Napahinga nang malalim si Argali. “Mesiyas? Para sa mga tupa at pastol? At ano naman ang kinalaman nating mga hayop tungkol diyan?”

Ang kanilang paglalakbay ay umabot hanggang sa ikalawang gabi.

Habang nagpapahinga sa isang tahimik na bukid, ang kalangitan ay biglang nagliwanag, mas maliwanag pa kaysa araw. Isang makislap na anyo ang lumitaw, at ang mga pastol ay napaluhod sa takot.

Ang mga tupa ay hindi mapakali habang si Argali ay bumulong, “Ano’ng nangyayari?”

“Shhhh… ‘wag kang maingay,” pabulong na sabi ni Obis, ang kanyang mga mata ay nakatuon sa nagniningning na anyo.

“Huwag kayong matakot,” ang sambit ng isang anghel sa kanila. “Nagdadala ako ng magandang balita na magdudulot ng malaking kagalakan. Ngayon, sa bayan ni David, isang Tagapagligtas ang ipinanganak; siya ang Mesiyas. Matatagpuan niyo siya na nakabalot sa mga tela at nakahiga sa isang sabsaban.”

Ang kalangitan ay napuno ng koro ng mga tinig ng papuri, pagkatapos ay dahan-dahang nawawala sa katahimikan. Punong-puno ng pagkamangha ang mga pastol—at nagsimula na silang maghanda upang maglakbay patungo sa Bethlehem.

Nang sila ay nakarating sa Bethlehem, dumaan ang mga pastol pati mga tupa sa makikitid na kalye, ang kanilang mga mata ay patuloy na naghahanap ng palatandaan ayon sa sinabi ng anghel.

Sa muling pagsilip ng bituin, sa wakas ay nakarating sila sa isang maliit na sabsaban. Ang hangin ay punong-puno ng mala-oyaying awit mula sa huni ng mga hayop at ang mahinang iyak ng isang sanggol.

Sa loob, nakahiga sa isang sabsaban, naroon ang isang sanggol.

Ang mga pastol ay napaluhod, ang kanilang mga mukha ay punong-puno ng pagkamangha at kagalakan.

Si Obis at Argali ay nakatayo sa pasukan ng sabsaban, ang kanilang mga mata ay nakatuon sa sanggol.

“Siya na nga ba…” bungad ni Argali, ang kanyang boses ay halos pabulong.

“Ang Mesiyas?”

May pag-atubili. Mayroon pa ring pagdududa—ngunit ‘di maipaliwanag ni Argali ang kanyang nararamdaman.

“Kung siya ay isang mesiyas, bakit siya nasa isang sabsaban? Parang may mali?” tanong ng matandang tupa.

“Kaibigan, hindi kabawasan ang isilang sa isang sabsaban,” tugon ni Obis.

“Matagal na akong nagdududa sa kwento ng ating pastol,” wika ni Argali, “ngunit habang tinitingnan ko ang bata, nakakaramdam ako ng isang bagay na hindi ko pa naramdaman.

“Kapanatagan ba?” tanong ni Obis sa kaibigan.

“Isang pangako,” maiksing sagot nito.

Nang oras na para bumalik sa bukid, ibinahagi ng mga pastol ang mensahe ng anghel sa lahat ng kanilang nakasalamuha.

“Totoong may pag-asa,” tugon ni Obis kay Argali.

At habang sila’y naglalakbay kasama ang buong kawan, muling nagningning ang bituin, tila nangungusap.

Sa unang pagkakataon, pabulong na nanalangin si Argali para sa kababaang- loob ng isang batang ipinanganak sa sabsaban.

***PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Ang mga pastol ang unang nakatanggap ng balita tungkol sa kapanganakan ng Mesiyas at mahalagang bahagi sila ng kwento ng Pasko.

Ang kanilang gawain ay naglalarawan kung sino Ang Mesiyas at kung paano Siya mamumuno sa Kanyang bayan—tulad ng isang pastol na nagbabantay sa kanyang kawan.

At para sa kapayapaan ng mundo ngayong Kapaskuhan, walang hayop ang nasaktan sa pagsulat ng kwentong ito.