Sa mga nakalipas na linggo, mabibigat na mga tanong ang pinakawalan ni Melay.
Bagama’t malimit mag-usisa ito tungkol sa mga bagay-bagay, hindi inakala ng inang si Marilag na ang kanyang anak ay magkakaroon ng interes tungkol sa mga usaping pangtao. Hindi gaya ng mga nauna nilang pag-uusap, mas may lalim ngayon ang pagtatanong ng batang malamute, at tila hindi maubusan ng mga katanungan ang kanyang isip.
Huminga ng malalim si Marilag. Sa pagkakataong ito, sadyang ramdam niya ang dala-dalang pagkauhaw ng anak sa mga usisain.
“Melay, Anak… akin nang nabanggit sa’yo na ang Bayan ay maihahalintulad sa isang ina—simbolo ng pagmamahal, kagandahang-loob at sakripisyo, ngunit ang mga paglalarawang ito ay hango sa mga mapandayang mata ng tao. Ang Bayan ay isang kabalintunaan, dahil kung ang bayan ay ihahalintulad sa isang ina, sa kabila ng pagdurusa, siya ay matapang na humaharap sa buhay kahit alam niyang ang kanyang tadhana ay kakambal ng maraming kabiguan,” paliwanag ng matandang malamute.
Muling napukaw ang isip ni Melay sa marami pang katanungan. Hindi pa rin niya matanggap na ang pagdurusa ay sadyang itinadhana mapa-mundo man ng tao o hayop.
“Pero, ‘Nay—hindi mo pa rin po ako sinasagot… Kailangan ba ng bayan na magtiis, maghirap, at magdusa? Bakit kailangang magdusa kung tapat ka?” nababagabag na tanong ni Melay.
Alam ni Marilag na kahit sa napakasimpleng tanong, ang sagot ay hindi basta sinusungkit na lamang sa alapaap, o iniluluwal mula sa mga pahina ng libro. Sa isang hamak na malamute, hindi niya gaanong batid ang kasaysayan ng Bayan maliban sa mga naging kwento ng ilang banyagang aso na nanirahan sa mga Severino. Kung tutuusin, kahit siya ay nahihirapang unawain kung bakit napaka-komplikado ng daigdig ng tao.
“Ang Bayan ay mahina, at siya ay malakas. Siya ay pinaparangalan, at siya ay hinahamak. Siya ay maligaya, at siya ay malumbay. Siya ay buo, at siya ay basag. Siya ay nakakakita, at siya ay bulag. Perpekto at di-perpekto. Ang Bayan ay isang kabalintunaan. Nasa kanya ang lahat—ligaya at pagdurusa—kumpleto, pero di-kumpleto,” wika ni Marilag.
“Siya ay nagdurusa dahil napakaraming mga mapagsamantala sa Bayan… Noon, mga banyaga. Ngayon, ang kanya namang mga anak. At bakit kailangang niyang magdusa? —dahil ang mundo ay kapos sa mga taong busilak ang puso,” patuloy ng matandang malamute.
Hindi na naitago pa ng inang malamute ang saloobin nito. Maraming beses na siyang naging saksi sa kabaliwan ng mga tao, ngunit kailangan niya ring linawin sa anak na ang tao mismo ang siyang nagpapahirap sa bayan.
“Pero hanggang kailan magiging bulag ang bayan? Hanggang kailan siya magtitiis at matatauhan? Hahayaan na lang ba niyang siya’y lapastanganin at pagsamantalahan?” madiin na tanong ni Melay habang naghahanap ng isasagot ang ina.
Sa puntong ‘yun ng kanilang pag-uusap, nabibigatan na rin si Marilag na sagutin ang bawat tanong ng anak. Gusto niyang ipaliwanag pa sa anak na kailangang dumaan sa matinding pagdurusa ang bayan para makapagtanto’t mamulat. Ngunit alam niyang hindi bastang matatanggap ng anak ang ganitong baluktot na paliwanag.
Para kay Marilag, sadyang isang palaisipan kung bakit sa kasaysayan, ang tinig ng katwiran ay nilulunod ng mga kasinungalingan, at ang mga bunga nito ay malimit na itinuturing na katotohanan.
“‘Nay, niloloko ang bayan dahil hinahayaan nitong siya’y lokohin. Tulad ng isang martir na kabiyak, ang bayan ay hindi na nakuhang makaalpas pa mula sa mapang-abusong relasyon. Paulit-ulit, pabalik-balik mula sa isang nakadudustang krus patungo sa isa pa. At nang bumalik sa kanya ang abusadong dating kabiyak, alam niyang maaaring maulit ang pananakit… ngunit muli niyang binigyan ng pagkakataon ang lalake, at kinalimutan ang lahat ng mga nagawang pagkakasala nito. Martir, tanga, bulag ba o nagbubulagbulagan? At alam na natin kung ano ang susunod na mangyayari,” matalas na bitaw ng mga salita ni Melay.
Napaisip si Marilag ng malalim. Sa totoo lang, madaling iwanan at talikuran ang bayan. Sino ba naman ang may nais makipisan ang kagaya ng bayan na punung-puno ng pighati, dalamhati at dusa?
Pabawing nagsalita si Marilag.
“Ang bayan ay hindi iniluwal para lang magdusa at lunurin ng hinagpis. Hindi kaloob ng langit na siya’y sikaran, tumangis at manatiling walang-imik. Ang kanyang pagdurusa ay dahil sa kanyang sariling mga pagkukulang,” aniya.
“Maaaring tama ka, ‘Nay… pero bakit hindi na natuto ang bayan sa kasaysayan? Sa kabila ng kanyang ugaling likas na mapagpatawad, hinahayaan niya ang kanyang mga anak na maging mapagmataas. Napapansin nila ang lahat ng kamalian na para bang sila’y perpekto. Pumupuna na para bang sila’y ‘di makasalanan. Kinukutya nila ang iba na para bang sila’y matuwid at moral. At ang hindi ko maintindihan, ay kung bakit ang Bayan ay naging tahimik sa kabila ng mga kalapastanganan,” paangil na wika ni Melay.
“Mali ka riyan, Anak… Sa totoo lang, bilang isa ring ina, naging makabuluhan sa akin ang mga pinagdaanan ng Bayan. Ang patuloy na nananatiling tanong ay ‘Bakit?’—kung siya ma’y nasa mapang-abusong relasyon, bakit kailangan niyang pakinggan ang mga kasinungalingan ng kanyang mga anak? Bakit hindi manaig ang katotohanan?” malalim na tanong ni matandang malamute sa anak.
Muling nag-usisa si Melay: “‘Nay, sinasadya ba ng bayan na ibaon sa limot ang katotohanan, lalo na ang kanyang mga pinagdaanan sa kasaysayan?”
“Anak, kailangan laging manaig ng katotohanan. Yaong mga nagmamahal sa kasinungalingan ang siyang nagdadala ng pagdurusa sa Bayan dahil sila ang naghihimok na magsabi ng higit pang mga kasinungalingan. Alam ng Bayan kung ano ang tamang landas na dapat tahakin. Hindi ito usapin kung kaliwa o kanan; lumayo o manatili; langit o lupa; haharapin o tatalikuran, o ipaglalaban o susukuan… Ang talagang tanong ay kung ito ba ang gusto ng Bayan manatiling nasa dilim ng dusa’t kasinungalingan? Ito ba ang gusto nitong maalala siya ng tamang landas ng kasaysayan?” ani Marilag.
Kasinungalingan ang siyang naghihiwalay sa mga tao.
Sa mundo ng mga tao, sila ay naniniwalang ang pagiging mulat sa katotohanan ay isang malakas na pwersang may kakayanang magpalaya.
“Anak, katotohanan lamang ang siyang magbibigay liwanag sa lahat. Ngunit paano magiging mulat ang Bayan kung ang kanyang mga mata’y nababalot ng kabulaanan? Kaya huwag natin hahayaang manaig ang kasinungalingan,” paglalagom na sabi ni Marilag.
“‘Nay, sinasabi ng mga makapangyarihang tao sa lipunan na gagabayan nila ang Bayan sa tama at tuwid na landas? Pero bakit parang baluktok pa rin ang bukas?”
PAGTATATWA:
Para sa mga hindi sumusuko ang artikulong ito.
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.At para sa kapayapaan ng mundo, walang hayop ang nasaktan sa pagsulat ng artikulong ito.