Dalawang Timang at ang Timbangan

NOONG unang panahon, may dalawang pusa na nakatira sa isang malayong nayon. Dahil matagal na silang magkaibigan, anumang pagkain na mahahanap nila ay kanilang pinaghahatian at pinagsasaluhan.

Isang araw, ang kanilang nayon ay nakaranas ng tagtuyot at lahat ng mga naninirahan doon, kabilang ang mga alagang hayop, ay walang makain.

Gutom at uhaw ang inabot ng dalawang magkaibigang pusa, at ilang araw na rin silang naghahanap ng makakain.

“Kaibigan, gutom na gutom na ako. Pakiramdam ko’y unti-unti nang nanghihina ang aking katawan dahil sa kawalan ng pagkain ng ilang araw,” ani ng unang pusa.

Sumagot ang pangalawang pusa: “Sa totoo lang, kahit ako ay nawawalan na rin ng lakas, at pakiramdam ko’y malapit na akong mawalan ng ulirat. Tara, maghanap tayo ng makakain.”

Kaya sinimulan ng dalawang pusa ang maghanap ng makakain. Nakakita sila ng isang bahay kung saan nakabukas ang pinto nito. Nang mapansin ng dalawa na walang tao sa paligid, tahimik silang pumasok sa bahay at naghanap ng makakain. Sa loob ng kusina, nakakita sila ng isang malaking tinapay.

Ang unang pusa ang siyang nakakita ng malaking tinapay…

“Kaibigan, napakalaki ng tinapay na ito. Sa laki nito, maaari na natin itong pagsaluhan at iimbak muna para may pagkain tayo sa loob ng ilang araw,” mungkahi ng unang pusa.

“Ngunit kailangan na nating umalis. Ang may-ari ng bahay na ito ay maaaring dumating anumang oras ngayon,” pag-aalala ng pangalawang pusa.

Pagkasabi nito, biglang kinuha ng pangalawang pusa ang tinapay at tumakbo patungo sa kagubatan.

Nang makarating sila sa kagubatan, ang pangalawang pusa na siyang kumuha sa tinapay at nagsabi: “Nakaramdam na ako ng pagod at matinding gutom ngayon—ikaw na ang maghati sa tinapay na ito.”

Kaya, nagpasya ang dalawa na hatiin ang malaking tinapay.

Ang unang pusa ang siyang naghati sa tinapay at ibinigay nito ang mas maliit na bahagi sa pangalawang pusa.

Hindi nagustuhan ng pangalawang pusa ang ginawa ng kanyang kaibigan dahil ang isang bahagi ay mas malaki kaysa sa isa.

“Bakit mo ako binigyan ng mas maliit na bahagi? Ako ang nagpagod at ang nagbitbit ng malaking tinapay—dapat ako ang magkaroon ng mas malaking bahagi,” galit na sabi ng pangalawang pusa. “Lagi tayong naghahati sa anumang pagkain, at ibinabahagi sa isa’t isa ng pantay na sukat, ngunit ngayon, ikaw ay sadyang madaya. Ito ay hindi tama.”

“Ako ang unang nakahanap sa tinapay. Marapat lamang na mas malaki ang bahagi ko,” katwiran ng unang pusa.

“Hindi. Kahit ikaw ang unang nakakita’t nakahanap ng tinapay, pero ako ang nagdala rito sa gubat. Dapat mas malaki ang aking bahagi,” sagot ng pangalawang pusa.

Kaya’t nagsimulang mag-away ang dalawang magkaibigang pusa. Ngunit habang nag-aaway ang dalawa, may isang unggoy na nakatingin sa kanila. Nilapitan nito ang dalawa at nag-alok ng solusyon para hindi na sila mag-away.

“Bakit ba kayo nag-aaway? Kailangan bang magkasakitan kayo dahil lamang sa dalawang pirasong tinapay? Bakit hindi ninyo pag-usapan ito at ayusin kaysa masira ang inyong pagkakaibigan?” mungkahi ng unggoy.

“Kuyang Unggoy, totoong kami’y matagal nang magkaibigan. Anuman ang aming nahanap na bagay o pagkain ay aming maayos na pinaghahatian. Pero ngayon, naging madaya’t mapaglamang ang kaibigan ko, at kinuha niya ang mas malaking bahagi na dapat ay para sa akin,” galit na paliwanag ng pangalawang pusa.

“Huh?! Eh, talagang mali ‘yon. Pero huwag kayong mag-alala. May naisip akong magandang solusyon,” pabidang wika ng unggoy. “Kung pareho kayong sumasang-ayon sa akin, makakatulong ako sa paglutas ng inyong problema sa hatian. Hahatiin ko ang tinapay sa dalawang pantay na sukat.”

“Ngunit paano mo ito gagawin?” tanong ng pangalawang pusa.

“Ako ay may sariling timbangan. Aking titimbangin ang dalawang piraso sa magkabilaang iskala, at doon ako magpapasya kung aling bahagi ang mas malaki at alin ang mas maliit batay sa timbang ng bawat isa. Pagkatapos ay hahatiin ko ang dalawang bahagi nang pantay-pantay,” paliwanag ng unggoy.

“Ipagpaumanhin po ninyo Kuyang Unggoy—paano kung ako na lamang ang siyang magtitimbang?” sambit ng unang pusa.

“Hindi ako makapapayag dahil isa kang manloloko!” sigaw ng pangalawang pusa sa una. “Hayaan mo si Kuyang Unggoy ang siyang maghati ng pantay sa tinapay.”

Napangisi na lamang ang unggoy habang nagtatalo ang dalawang pusa. Kinuha nito ang timbangan, at inilagay ang dalawang piraso sa bawat panig ng iskala. Habang nagtitimbang, nakita ng unggoy na mas mabigat ang kabilang bahagi.

“Teka, mas malaki itong nasa kaliwa—hindi sila pantay at balanse. Hayaan ninyo akong bawasan ang bahaging malaki,” pangisi-ngising sabi ng unggoy. At habang nakatingin ang dalawang pusa sa timbangan, kinuha ng unggoy ang mas malaking tinapay at kinagat ang mas malaking bahagi.

Ngayon, ang kabilang panig naman ay naging mas mabigat.

“Kuyang Unggoy, anong ginagawa mo? Ito ay hindi patas. Ngayon ang isang piraso naman ang mas malaki,” reklamo ng unang pusa.

“Huwag kayong mag-alala. Ginagawa ko ito para maging pantay ang dalawang bahagi. Magtiwala kayo sa akin,” pagtitiyak ng unggoy sa dalawa.

Muli ay kinagat ng unggoy ang isa pang mas malaking piraso upang maging pantay ito. Paunti-unti nitong kinakagat ang kabilang bahagi. Ngunit ang kalahati bahagi ay palaging mas malaki kaysa sa isa.

“Kuyang Unggoy, halos nangalahati na ang aming mga tinapay at hindi mo pa rin maayos na hatiin ang aming mga bahagi. Ibalik mo na lang sa aming parte ng tinapay,” giit ng pangalawang pusa.

“Paano ko ibabalik ang tinapay?—hindi pa tapos ang aking tungkulin na gawing pantay ang inyong mga bahagi. Kapag nagawa ko na ang tamang sukat at timbang, saka ko lamang ibibigay ang inyong mga parte,” paliwanag ng tusong unggoy.

Muli ay kinagat ng unggoy ang iba pang mas malaking piraso nang paunti-unti hanggang sa halos wala nang natira sa malaking tinapay.

“Kuyang Unggoy, iiwan mo na lang sa amin ang tinapay. Kami na lamang ang bahalang maghati para sa aming mga sarili,” sabay sabi ng dalawang pusa.

“Sige, iiwan ko sa inyo ang inyong mga bahagi. Pero dapat ko ring kunin ang aking bahagi ng tinapay bilang kabayaran sa aking serbisyo, at ang isang bahagi naman para sa paggamit ng timbangan,” pagkasabi nito ay kinuha ng unggoy ang anumang tinapay na natitira—at biglang tumakas papalayo ng gubat.

PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Habang sinusulat ang artikulong ito, patuloy pa ring nag-aaway ang dalawang pusang timang—naghahanap ng sagot kung bakit palaging hindi sumasakto ang kanilang tinitimbang.