POOK: Tipas-Labis
Ito ay isang malawak na latian sa timog-silangang bahagi ng Katagalugan kung saan pinamumugaran ng iba’t ibang lahi ng mga butiki, hunyango, bayawak at tuko.
Kung bakit hindi gaanong bantog ang Tipas-Labis, ay dahil na rin sa kakabit nitong nakakahawang sumpa.
Noong unang panahon—ayon sa mga kwento ng mga matatanda—ang Tipas-Labis ay isang malinis at napakagandang lawa na hitik sa lahat ng isdang tubig-tabang, alimango’t hipon. Dito namamalakaya ang mga tao noong araw, at ang palibot ng lawa ay sagana sa gulay maging mga halamang-gamot.
Bantilan ng kabataan, ito rin ang lugar kung saan nagpapalipas-oras ang mga taga-ibayo sa panahon ng tag-araw, at kanlungan ng mga palaka sa panahon ng tag-ulan. Sa umaga’y palaruan ng mga pato’t gansa, at tahanan naman ng mga alitaptap sa gabi.
Sa kabila ng yaman at kasaganaan ng lawa, isang mapag-imbot na hayop ang naghahari rito. Si Lelong, ang buwayang suwapang. Bukod na siya ay malaki, si Lelong rin ay masiba.
Kapalit ng malayang pag-aani ng mga biyayang-lawa, ang mga tagaroon at maging ang mga namamalakaya ay nagbibigay ng arawang buwis sa buwaya.
Araw-araw nililibot ni Lelong ang tabing-ilog para makita siya ng mga tao at hayop—bilang paramdam sa mga di pa nakakapagbigay ng buwis.
Minsan, di na niya kailangan pang pumaroon sa pangpang para maramdaman siya. Sapat na ang mala-kulog na tunog mula sa paghampas ng kanyang buntot sa tubig—hudyat na siya’y galit at para maningil sa mga mangangalakal ng “lukob” o ang tawag sa butaw pamproteksyon. Sa madaling salita, “suhol”.
Mayaman at masagana ang Tipas-Labis, ngunit nababalot ang lawa ng takot at ligalig.
Ganito na ang naging kasanayan at kalakaran sa loob ng maraming siglo. Lukob ang umiiral na kalakal ng mga taong nagpapakasasa mula sa biyaya ng lawa. Suhol ang kalakaran sa proteksyong inaasahan.
Simple lamang ang patakaran sa lukob ni Lelong: Ang sinumang makapagbibigay ng higit, sa lawa ay may naghihintay na kapalit.
Nang lumaon, naging mas gahaman si Lelong. Labis-labis na naging haragan. Sa lawa, dahas ang siyang nagpapatupad ng batas.
Nilakihan n’ya ang lukob. Kapag ang lukob ay kulang, sapilitang nangingikil ang buwaya sa mga hayop at mga taga-nayon ng salaping higit pa sa kung anumang nararapat na ipinapataw na buwis.
Isang araw, hindi pamilyar sa mga reptilya sa lawa, puwersahang humingi si Lelong ng malaking halaga ng suhol sa isang hamak na butiki.
Lingid sa kaalaman ni Lelong, ang butiking ito ang paboritong alaga ng engkantada ng lawa. Ang lawa ang palaruan ng butiki sa gabi kung kaya’t malimit itong namamasyal doon kasama ang mga bayawak. Ang butiki ang dahilan kung bakit nabibiyayaan ng engkantada ng sari-saring isda ang lawa.
Nakarating sa engkatada ang balita. Galit na pinuntahan nito ang buwaya sa kanyang yungib.
“Binigyan kita ng pribilehiyong pamunuan ang mga nilalang sa lawa na ito. Pinayagan kitang magkaroon ng kayamanan at mamuhay ng masagana, ngunit kapalit nito ay inaasahan kong ika’y kikilos sa panig ng katuwiran at katarungan. Subalit iyong inabuso ang aking pagtititiwala,” galit na sambit ng engkantada.
Iwinagayway ng engkantada ang kanyang mahiwagang baston, at nagsabi sa buwaya: “Dahil sa iyong kasakiman, mula ngayon, binabawi ko ang lahat ng iyong kayamanan. Bilang parusa, gagawin kitang tuko. Dahil sa ugali mong pagkagahaman, habambuhay ay madidikit sa anumang iyong hawakan. Napakahigpit na pagkakakapit bilang tanda ng iyong kasakiman.”
Unti-unting nagbago ang anyo ni Lelong—mula sa pagiging dambuhalang buwaya, nasaksihan ng lahat kung paano ito namuhay bilang tukong kakalabit at kakapit.
Samantala, hinirang ng engkantada ang paborito niyang alagang butiki bilang kapalit ni Lelong na tagapag-alaga ng lawa ng Tipas-Labis.
“Maliit ka man sa paningin ng ilan, sa akin wari’y busilak ang iyong kalooban,” sambit ng engkantada sa butiki. “Ngunit sadyang nakakabulag ang kapangyarihan. Di ko rin masasabi na sa paglipas ng panahon, nanaisin mo rin ang buhay na masagana ng buwaya, kaysa sa buhay na mapayapa.”
“Bilang kapaniguraduhan, ako ay mag-iiwan ng sumpa,” pabulong niyang sabi sa butiki. “Ang sinumang nagmamahal sa lawa, ay aking susuklian ng biyaya. Ngunit ang sinumang sa lawa ay labis-labis na nakikinabang—supling man ng bayawak man o hunyango—ay matutulad sa buwayang suwapang at sa tukong gahaman.”
Lumipas ang maraming taon, ang minsa’y malinis na lawa ng Tipas-Labis ay unti-unting nawalan ng buhay. Paligid nito’y naging maputik, tubig nito’y naging madilim.
Mga alitatap ay nawala na. Wala na ring nagnanais na mamalakaya.
Ang malawak na latian sa timog-silangang bahagi ng Katagalugan, ngayon ay pinamumugaran ng iba’t ibang lahi ng mga hunyango, bayawak, tuko at buwaya.
At nanatili sa lawa ang sumpa ng engkantada.
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
At para sa kapayapaan ng mundo, walang butiki ang nasaktan sa pagsulat ng artikulong ito.
(Sa mga nagtataka kung ano ang nangyari sa buwaya. Dumami na po sila. Sa katunayan, kasama ng mga hunyango, pangalan nila’y muling nasa balota.)