Ang Pulang Ilaw sa Kagubatan

SA isang natatanging nayon na matatagpuan sa gitna ng malawak na kagubatan, may nakatirang isang matandang Tupa na kilala ng lahat bilang “Babaylan”.

Ang kanyang karunungan ay pinagtibay ng panahon gaya ng matataas na puno, at ang kanyang puso ay nagliliwanag ng kabaitan tulad ng araw sa umaga. Ang iba’t ibang hayop mula sa malayo’t matataas na lugar ay sa kanya humihingi ng payo at pagpapala, at siya ay iginagalang bilang isa sa mga espirituwal na nakatatanda sa gubat.

Isang maginaw na umaga, isang paanyaya ang dumating sa Babaylan. Ang isang mayaman at makapangyarihang Sawa sa nayon ay nagkaroon ng bagong bahay na nangangailangan ng banal na pagpapala, at ang Sawa ay walang ibang hiling kundi gawin ng kagalang-galang na Babaylang Tupa ang
sagradong ritwal.

Ang puso ng Babaylan ay dalisay at mahabagin, at kusang-loob siyang pumayag na ipagkaloob ang kanyang mga pagpapala sa bagong tahanan ng Sawa.

Ang paglalarawan na ibinigay ng Sawa sa Babaylan—yaong bahay na may natatanging pulang ilaw sa kagubatan—ay humantong sa isang bahay na malayo sa karaniwan. Nang kumatok ang Tupa sa pinto, isang talubata’t napakagandang Maya ang sumalubong sa kanya at siya’y pinapasok sa loob.

Ipinaalam sa kanya ng Maya na ang Sawa ay may mahalagang mga bagay na dapat asikasuhin.

Itinagubilin ng Sawa sa Maya na ang pagbabasbas sa bahay ay maaari nang magsimula oras na dumating ang Babaylan.

Hindi mapakali ang Babaylang Tupa habang ipinapasyal siya ng Maya sa loob ng bahay. Hindi niya inasahan na ang bahay na pagbabasbasan niya ay, sa katunayan, isang bahay-aliwan. Ngunit ang isang pangakong ibinigay ay isang pangakong dapat tuparin, at siya ay kilala sa kagubatan bilang isang tupang may isang salita.

Kaya, iniyuko niya ang kanyang ulo at nanalangin para sa banal na patnubay, sapagkat ito ay kanyanG marangal na tungkulin na gabayan ang bawat kawan sa kagubatan.

Ang batang Maya ay nagsimulang samahan ang Babaylan sa loob ng bahay. Binubuo ito ng humigit-kumulang dalawampu’t apat na silid, bawat isa ay idinisenyo upang tumanggap lamang ng isang pares.

Ang mga kakaibang silid ay malinis, maayos, at ginayakan ng magagarbong palamuti—bawat silid ay may puting tabing na waring naging kulay rosas mula sa liwanag ng pulang ilaw.

Habang naglalakad ang Babaylan, kanyang ipinagkaloob ang mga basbas sa bawat silid. Hindi niya maiwasang mag-isip tungkol sa mga kuwento ng mga madalas pumunta sa ganoong lugar.

Nang makarating siya sa dulo ng bahay, natuklasan ng Tupa ang isang maliit na pasilyo kung saan nakatayo ang tatlong batang Kalapati, nakayuko ang kanilang mga ulo—tila nahihiya.

Nilapitan ng tatlo ang Babaylan, nangingilid ang kanilang mga luha, at nakikiusap kung maaaring bendisyunan ang kanilang abang silid.

Malaki ang kaibahan ng kanilang silid-tulugan sa karangyaan ng ibang mga silid—masikip, may dalawang katre na kawangis ng pugad, isang maliit na hapag-kainan, at isang simpleng altar na may nakailaw na mga kandila at may ilang handog.

Ang tatlong batang Kalapati ay nakiusap sa Tupa na basbasan ang kanilang munting santuwaryo at mag- alay ng panalangin para sa kanila. Sa pusong puno ng habag, pumayag ang Babaylan. Nagwisik ito ng pinagpalang tubig, umawit ng mga panalangin, at humingi ng kapatawaran para sa kanila.

Ang mga Kalapati ay nakaramdam ng mainit na yakap ng banal, at lumabas ng pasilyo na may kakaibang gaan sa puso, dala-dala ang mga pagpapala ng Babaylan sa kanila.

Lumipas ang ilang linggo, at isang umaga pagkatapos ng misa sa gubat, napansin ng Babaylan ang tatlong mapanglaw na pigura na nakatayo sa labas ng sambahan. Ito ang parehong trio ng kalapating nakilala niya sa bahay-aliwan.

Nang makita sila ng Tupa, napukaw ang pagkamausisa nito at nilapitan ang tatlo at tinanong kung bakit hindi sila sumama sa kongregasyon sa loob ng sambahan upang makibahagi sa komunyon ng pananampalataya.

Nag-alinlangan ang mga Kalapati, at pagkatapos ay nagsalita ang isa sa kanila, “Kagalang-galang na Babaylan, nahihiya kaming pumasok sa sagradong lugar na ito. Kami po ay mga makasalanan, at natatakot kaming pahiyain at husgahan ng iba.”

Sumagot ang Tupa: “Kung tutuusin, mas mapalad kayo kaysa sa akin. Marami ang tumatawag sa aking ‘Babaylan’, ngunit ako rin ay isang mahina at makasalanang nilalang. Dahil sa inyong dalisay na puso, malamang, kayo pa nga ang unang makapasok sa langit kaysa sa akin.”

Nagpatuloy ang Tupa na may matamis na ngiti, at malumanay na nagsabi: “Mahal kong mga Anak,
huwag ninyong hayaan na ang kahihiyan ay humadlang sa inyo mula sa biyaya ni Bathala. Sa Kanyang bahay, walang diskriminasyon at pagtatangi. Tinatanggap ni Bathala ang mga makasalanan, sapagkat
ninanais Niya ang pinakamabuti para sa Kanyang mga anak. Binibigyan Niya ng liwanag ang daan ng mga naliligaw ng landas upang mahanap nila ang kanilang daan pabalik sa Kanya. Tulad ng pagmamahal ng isang magulang sa kanyang nawalay na anak, mahal ni Bathala ang mga humihingi ng kapatawaran, awa, at pagalingin ang anumang hapak at nabasag saiyo—at Kanyang ipinanunumbalik ang lahat para ika’y muling mabuo.”

Basa man ng luha sa kanilang mga mata at bumubulong man ng himig ng pasasalamat ang kanilang mga
puso, ang tatlong Kalapati ay buong galak na pumasok sa sambahan.

Naantig sa mga salita ng karunungan at pagbasbas ng Babaylan, ang tatlong Kalapati ay nagkaroon ng lakas ng loob na manalangin, at humingi ng kapatawaran kay Bathala.

Dahil sa kanilang mga nakaraang nagawa, naging mabigat ang kanilang mga puso—ngunit alam nila na,
sa pananampalataya, pagpapatawad, at pagnanais na mahango sa putikan, sa ngayon ay damang-dama
nila ang mapagmahal na yakap ng kanilang Manlilikha.

Sa kanilang paglalakbay sa buhay, natuklasan nila ang nakapagpabagong kapangyarihan ng pagpapatawad at ang walang hanggang pag-ibig ng isang maawaing Bathala, at kanilang natutunan na hindi pa huli ang lahat para humingi ng katubusan at ayusin ang kanilang mga paraan.

***

PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Sa simpleng kuwentong ito, malinaw ang aral: Ang taos-pusong pagpapakita ng pagsisisi ay maaaring humantong sa pagpapatawad. Kung paanong tinanggap ng Babaylan ang mga Kalapati, tinatanggap din ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak nang bukas ang mga kamay, anuman ang kanilang mga naging pagkakamali sa nakaraan.

Sa paghingi ng kapatawaran at pakikipagkasundo natin sa Diyos ay matatagpuan ang tunay na biyaya at kapayapaan sa loob.Ang kuwento ng tatlong Kalapati ay nagsilbing paalala sa lahat na ang paghingi ng kapatawaran, pagsisisi, at kahandaang magbago ay maaaring mag-akay kahit na ang pinakamaligaw na nilalang pabalik sa landas ng biyaya ng Diyos.

At kaya, sa puso ng Pulang Ilaw sa Kagubatan, isang malakas na mensahe ang umalingawngaw sa mga puno—isang mensahe ng pagpapatawad, at ang walang hanggang pag-ibig na makapagpapagaling kahit na ang pinakawasak na nilalang.