Ang Paboritong Aso ni Ka Carding

ISANG araw, nagawi sa hacienda ang matalik na kaibigan ni Ka Carding na nagmula pa sa Europa.

Napagkwentuhan ng magkaibigan ang tungkol sa kani-kanilang mga alagang aso.

Unang nagkwento si Ka Orcel—ang kababata ni Ka Carding na halos dalawampu’t dalawang taon nang naninirahan sa Italya.

“Kaibigang Carding, hindi naman sa minamaliit ko ang iyong mga alagang hayop. Kung di mo na itatanong, itong aso kong Bergamasco ay sadyang napakatalino. Sa katunayan, tinawag na ‘Henyo ng Italya’ ang aking alaga dahil sa kakayahan nitong lutasin ang pinaka-kumplikadong suliranin sa matematika, ipaliwanag ang mga teorya sa siyensya, makipag-debate sa mga propesor sa pilosopiya, at makipaglaro ng chess sa mga tituladong manlalaro ng ahedres sa buong Europa,” pagyayabang nito.

Hindi maitago ni Ka Carding ang kanyang pagkairita sa kayabangan ng kanyang bisita.

Gustuhin man n’yang yabangan din ang kaibigan, ngunit alam niyang mahirap tapatan ang kakayahan ng henyong alaga.

At siyempre, ‘di rin patatalo sa kwentuhan ang matanda. Kung kaya’t sumipol ito gamit ang kanyang dalawang daliri, at dali-dali namang tumakbo palapit si Bloo, ang kanyang paboritong aso.

“Alam mo ba itong aso ko, ang tawag sa kanya rito sa aming lugar ay ‘Henyo ng Palengke’ dahil sa kanyang galing sa pamamalengke?” pagmamalaki ni Ka Carding sa kanyang kaibigan.

“Talaga?!” gulat na gulat na reaksyon ni Ka Orcel na may halong pagdududa.

“Oo. At tulad ng iyong alaga, henyo rin ‘yan sa matematika, madiskarte at walang makakatalo kay Bloo pagdating sa pera. Kahit ang mga tindera sa palengke ay manghang-mangha sa angking talino niya pagdating sa pagkuwenta ng babayaran, at alam niya kung magkano ang eksaktong magiging sukli,” patotoo ni Ka Carding.

Muling nagtanong si Ka Orcel: “Kaibigang Carding, ang ibig mo bang sabihin na itong aso mo ang siyang namamalengke dito sa hacienda araw-araw?”

“Totoo ‘yan, Kaibigan. Sa kanya ko ipinagkakatiwala ang pamamalengke. Bibigyan ko lamang siya ng listahan ng mga bilihin, at siya na rin ang bahalang pagkasyahin kung anuman ang ibinigay ko sa kanyang pera,” ani Ka Carding.

“Magkano ba ang iyong ipinapadalang pera kapag namamalengke ang iyong aso?” tanong nito
sa kaibigan.

“Depende. Merong mga araw na binibigyan ko lamang s’ya ng limang daang piso, minsan isang libo. Minsan nga, siya’y sinuklian ng kulang ng tindera. Tinahula’t inangilan ni Bloo ang bantay hanggang sa binigyan siya ng tamang sukli. At dahil nga magaling sa pagkuwenta ang aking alaga, sa kanya ko na ipinagkatiwala ang pamamalengke,” paliwanag ng matanda.

“Kakaiba ngang talino!” pagsusog ni Ka Orcel—”Maaari ko bang subukan ang kanyang galing sa pagkuwenta?”

“Naku, maniwala ka. Ibahin mo ang asong-Pinoy—wala sa lahi ‘yan, kundi nasa diskarte’t abilidad,” pagmamalaki ni Ka Carding.

“Kung gayon, masubukan nga ang galing ni Bloo,” pakutyang hamon ni Ka Orcel.

Kumuha ng lapis at papel si Ka Orcel at inilista nito ang ilang mga bibilhing gulay sa palengke.

Kumuha ito ng limang daang piso mula sa kanyang pitaka at iniipit ang pera kasama ang listahan sa dala-dalang napsak sa likod ng aso.

Bago umalis papunta ng palengke, nagbigay ng ilang tagubilin si Ka Carding: “Unahin mo munang bilhin ‘yung mga maliliit at magagaan, at saka mo na lamang balikan ‘yung may kabigatang dalhin. At huwag mong kalilimutang bilangin ang sukli bago ka umuwi.”

Tumahol ng tatlong beses si Bloo, agad na naunawaan nito ang tagubilin ng kanyang amo.

Nagmamadali tumakbo patungo ng palengke ang aso, at makalipas ang isang oras, bumalik ito dala-dala ang labindalawang tangkay ng sitaw, kalahating kilo ng kalabasa, sampung pirasong okra, dalawang mahahabang talong, isang pirasong ampalaya, dalawang maliit na piraso ng kamote, kamatis, luya, sibuyas, bawang, alamang, at ‘sang-kaapat na kilong karne.

Bumaling si Bloo sa kanyang kanan at mula sa kanyang tagiliran supot kinuha ang sukling barya. Iniabot ito sa kanyang amo, at tumahol ng limang beses.

“Ah, may sukling sinkwenta,” pagkumpirma na Ka Carding.

Napailing sa paghanga si Ka Orcel. Alam niya sa kanyang sarili na kahit may Italyanong lahi ang kanyang alagang aso, hindi kaya ng Bergamasco ang ginagawa ni Bloo. Ngunit kailangan n’ya ring ipakita ang gilas ng kanyang henyong alaga.

“O, subukan naman natin ang aso mo,” hamon ng matanda.

“Kaibigang Carding, ipagpaumanhin mo… pero ang aking Bergamasco ay sanay mamili sa mga malalaking departamento sa Italya: sa Portobello, sa Milano, Emporio at iba pa. ‘Di mo pa sinasabi—alam na n’ya ang gusto mong bilhin. Ganyan katalino ang alaga ko,” pagmamayabang din nito.

“Kung gayon, narito ang dalawang libong piso, at…,” di pa natatapos magsalita si Ka Carding ay biglang tumakbo ang Bergamasco patungo sa bayan.

Makalipas ang isang oras, bumalik ang Bergamasco dala ang isang pantalong maong, isang daa’t limampung pisong sukli, at resibong nakalista ang beinte porsyentong diskwento.

“Aba’y napakatalino nga ng iyong aso. Akalain mong sukat na sukat itong pantalon at ang kanyang binili ay ang mismong paborito kong disenyo—may diskwento pa,” gulat na sabi Ka Carding.

“Bakit ‘di nating subukan pagpalitin mamili ang dalawa nating alaga. Si Bloo sa mall sa bayan, at ang aking Bergamasco ay sa palengke naman,” pahayag ni Ka Orcel.

Nagkasundo ang dalawang magkaibigan na bigyan ng tig-sampung libong piso ang dalawang aso.

Kinabukasan muling nagkita ang magkaibigan sa hacienda.

“Hanga ako sa iyong Bergamasco, Kaibigang Orcel. ‘Yung sampung libong perang baon n’ya eh bumalik isang trak na groseri ang dala—at may apat na libong sukli pa,” anang matanda.

“Eh kumusta naman ang iyong alagang si Bloo?” tanong ng kaibigan kay Ka Carding.

Umiling-iling ang matanda na halatang may pagkadismaya sa kanyang mukha. “Pinalayas ko ang magaling kong aso!” galit nitong sambit.

“Huh?! Bakit?”

“Hay naku, sa sobrang diskarte’t ‘tinik, ayun, natutong mangupit!”

***

PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

At tuluyan na ngang pinalayas ni Ka Carding ang kanyang paboritong alagang aso. Makailang beses niya rin itong pinakiusapan ibalik, ngunit ayaw talagang ibigay ng aso ang sukling kinupit.