SA kamalig ni Ka Carding.
Makalipas ang anim na buwan, hindi naging maganda ang karanasan ng mga hayop sa bukid sa loob ng panahong ginawa nilang ilustre ang isang unggoy.
Ang mga hayop ay pagod at sawang-sawa na sa mga kasinungalinga’t katiwalian ng unggoy, at lahat sila ay nanawagan para sa ganap na pagbabago sa pamumuno sa bukid. Sa pagkakataong ito, ayaw na nilang hiranging muli ang isang tusong matsing.
Dahil dito, nais ng mga hayop sa bukid na sumailalim sa isang serye ng mga hamon ang mga nominado upang malaman ang mga katangian ng bawat isa bilang kinatawan.
Kung kaya, bilang pinakamatanda at isa sa mga nirerespetong hayop sa bukid, muling nagpatawag ng pulong si Kikay Kalabaw.
“Alam nating lahat na nabigo ang unggoy na tuparin ang kanyang pangako sa atin ng magandang buhay. Ang ating nasaksihan sa mga nagdaang ilang taon ay walang patid na kasinungalingan, malawakang katiwalian at abuso sa kapangyarihan. Bilang pagwawasto, lahat ng nominado ay atin munang kikilatisin—ang kanilang mga katangian, ang kanilang mga kalakasan, maging ang kanilang mga kahinaan,” paliwanag ng nakakatandang kalabaw.
Pormal na binuksan ng konseho ang nominasyon, at limang hayop ang napili sa kawan: si Dadang Daga, si Moymoy Baboy, si Sebyong Soro, si Minyong Kuneho, at si Asyong Kabayo.
“Mga kasama, kung inyong mamarapatin, atin silang bigyan ng pagkakataon ipakilala ang kanilang mga sarili, at akma’t nararapat lamang na sila’y pakinggan kung ano ang maaari nating asahan sakali man sila’y manungkulan,” ani Kikay Kalabaw.
At nagsimula na ang pagpapakilala.
“Ako ang pinakamalakas sa mga hayop dito sa bukid, kaya ako ang karapat-dapat na maging bagong kinatawan ninyo,” bungad ng kabayo.
“Malakas ka nga, ngunit ako nama’y mas matalas. Ako ang mas karapat-dapat na maging bagong kinatawan ninyo,” payabang na sabi ng soro.
“Malakas at matalas nga kayo, ngunit ako ay maliksi’t mabilis, kung kaya ako ang nararapat na maging bagong kinatawan ninyo,” pagmamalaki naman ng kuneho.
“Malakas, matalas, at maliksi nga kayo,” ani ng daga, “ngunit mas matalino naman ako. Walang ibang hayop dito sa bukid ang mas gagaling pa sa akin.”
Nagtagal ang alitan at pagtatalo sa loob ng kamalig. Ang bawat isa ay nais higitan ang isa sa talino man o kisig. Walang nais na magpatalo—hindi matapos-tapos ang bangayan. Animo’y mga astang-tao sa loob ng sabungan.
Dahil sa ingay, hindi na nakuhang magpakilala ng baboy. Bagama’t may kalakihan, hindi rin siya napansin ng karamihan ng mga hayop sa loob ng kamalig. Maliban sa kanyang katawang katawa-tawa, wala rin ni isa sa mga kasamang hayop ang naniniwalang karapat-dapat ang isang baboy na maging nominado.
Sa nasaksihang kaguluhan sa loob ng kamalig, bakas sa mukha ni Kikay Kalabaw ang pagkadismaya. Nagtiim ang bagang ng kalabaw, ngunit kailangang niyang magtimpi.
“Ang bawat isa sa inyo ay may kanya-kanyang katangian at kakayahan, ngunit magiging hindi patas at makatarungan kung ibabatay natin ang mga pamantayan sa katalinuhan at lakas lamang,” sersyosong sabi ni Kikay.
Makaraan ang ilang sandali, nagkasundo ang Konseho na bigyan ang limang nominado ng isang uri ng pagsubok— silang lima ay paglalakbayin patungo sa isang engkantadong gubat sa ibaba ng talampas. Ang lakbaying ito ay isang pagsubok sa katapatan, katapangan, at kalinisang-budhi ng susunod na ilustre.
Binalaan sila ng kalabaw na hindi magiging ganoon kadali ang buhay nila roon. Walang sinumang tao o hayop ang nangahas pumasok sa nasabing gubat dahil na rin sa mga kwentong engkanto. Silang lima ay maninirahang magkakasama sa isang abandonadong kamalig sa loob ng tatlumpung araw. Kung nais nilang mabuhay sa susunod na mga araw, kailangang nilang maging mapagmatyag at magkaisa dahil ang lahat ng kanilang makikita ay maaaring bunga ng isang malikmata.
“Kung inyong mapagtatanto lahat kayo ay nakatali at nakakulong sa limitasyon ng inyong mga sarili. Ang bawat isa sa inyo ay may kanya-kanyang kakayahan at talino. Gamitin ninyo ito para protektahan ang bawat isa sa inyo, at makaligtas sa mga mandaragit sa gubat—lalung-lalo na sa mga engkanto,” ang dagdag na paliwanag ni Kikay.
“Ang kagubatan ang siyang maghuhusga sa bawat isa sa inyo. Tanging ang may pusong dalisay na walang pagkukunwari, walang panlilinlang, walang nakatagong motibo ang siyang magwawagi,” patapos na habilin ng matandang kalabaw.
Sumang-ayon ang lima sa hamon, at nagsimulang maglakbay sina Dadang Daga, Moymoy Baboy, Sebyong Soro, Minyong Kuneho, at Asyong Kabayo papunta sa engkantadong lugar.
Inabot sila ng tatlong araw bago makarating sa gubat at mahanap ang abandonadong kamalig.
Sa kanilang unang linggo sa kagubatan, napagkasunduan ng lima na gamitin ang kanilang kanya-kanyang talino’t kakayahan.
“Dahil ako ang pinakamalakas sa ating lima, itatayo kong muli ang kamalig na ito,” mabilis na sabi ni Asyong Kabayo.
“Dahil ako ang pinakamatalas sa ating lima, ako ang siyang magbabantay sa kamalig,” diretsong wika ni Sebyong Soro.
“Dahil ako ang pinakamabilis sa ating lima, ako ang siyang mangangaso ng mga ligaw na hayop,” agad na singit ni Minyong Kuneho.
“Dahil ako ang pinakamatalino sa ating lima, ako na ang mag-iisip ng paraan kung paano tayo makakaligtas at mabubuhay sa gubat,” ani Dadang Daga.
“At ikaw naman Moymoy, dahil wala kang pakinabang at ang iyong utak ay nasa iyong tiyan, ikaw ang siyang magiging utusan at tagapagsilbi habang tayo ay nandirito sa gubat,” painsultong sabi ni Dadang, sabay tawanan ng lahat.
Lumipas ang mga araw, naging sunod-sunuran lamang si Moymoy kung ano ang ipagawa at iutos sa kanya ng kanyang mga kasamahang hayop.
“Dahil sayang naman kung hindi mapakinabangan ang iyong laki, ipinapaubaya ko na sa iyo ang pagkukumpuni’t pag-aayos ng kamalig,” ani Asyong Kabayo.
“Dahil lagi ka namang nakatingin sa malayo, ipinapaubaya ko na sa iyo ang pagbabantay sa paligid ng kamalig,” pangisi-ngising sabi ni Sebyong Soro.
“At para naman masanay kang lumakad ng matulin, ikaw na ang siyang bahalang mangaso para mayroon tayong makain,” painsultong sambit ni Minyong Kuneho.
“Alam kong hindi kaya ng iyong utak ang mag-isip kaya ayaw na kitang pahirapan pa,” nakangiting sabi ni Dadang Daga. “Mula ngayon, kung ano ang aming iuutos sa iyo, yun lamang ang gagawin mo.”
Tahimik at walang imik na tinanggap ni Moymoy kung anuman ang naging kapasyahan ng kanyang mga kasama. Ano nga ba ang magagawa niya laban sa apat kung siya ay mag-isa?
Muling nanumbalik sa kanya ang mga salita ng matandang kalabaw, na hindi patas at makatarungan kung ibabatay ang mga pamantayan sa katalinuhan at lakas lamang.
Isang araw, habang naghahanap ng makakain sa gubat, aksidenteng nahulog sa isang malalim na pulilan ang dalang karit ni Moymoy. Hindi siya mapakali dahil ang karit na iyon ay pag-aari ni Sebyong Soro.
Lingid sa kanyang kaalaman, nasaksihan ng engkantada ng gubat ang buong pangyayari. At sa mismong oras na iyon ay biglang lumitaw ang engkantada sa ibabaw ng pulilan.
Namangha at hindi makapaniwala ang baboy nang makita ang engkantada.
“Kumusta ka, kaibigan?” ang bungad ng engkantada, “Ako ang tagabantay ng kagubatang ito. Tila malalim ang iyong problema, kaibigan?”
“Nahulog po kasi sa pulilan ang aking dalang karit. Iyon po ay hindi akin. At kung hindi ko po iyon maibabalik sa aking kasamang soro, tiyak na ako ay kanyang kakatayin,” naluluhang paliwanang ng baboy.
“Huwag kang mag-alala. Aking kukunin ito para sa iyo,” sambit ng engkantada at lumabas ang isang ginintuang karit. “Ito ba ‘yun, kaibigan?”
“Naku, hindi po iyan, mahal na engkantada. Ang sa akin po ay simpleng lingkaw lamang,” paglalarawan ni Moymoy.
At muling may lumabas na isang kumikinang na pilak na karit.
“Ito ba ‘yun, kaibigan?” tanong ng engkantada, “natitiyak kong ito na ang iyong nawawalang karit.”
“Naku, hindi po. Ang dala ko po ay lingkaw na gawa lamang sa bakal,” muling paliwanag ni Moymoy.
At sa huling pagkakataon, lumabas ang isang kalawangin at lumang karit na tila pinapurol ng panahon.
“Iyan nga po! Iyan po ang nahulog kong karit. Maraming salamat po, mahal na engkantada,” masayang wika ng baboy.
Napangiti at natuwa ang engkantada sa pagiging matapat ni Moymoy: “Ipinakita ko sa iyo ang isang ginto at isang pilak na karit, ngunit sadyang matapat ka at iyong pinili kung ano ang dala mong lingkaw. Hindi ka nasilaw o natukso sa kinang ng ginto. Bilang pabuya, kunin mo ang dalawang gintong karit na ito.”
Masayang umuwi sa kamalig si Moymoy at ikinuwento niya sa mga kasamang hayop kung gaano kabait ang engkantada ng gubat taliwas sa mga kuwentong napakalupit daw nito.
Kinagabihan, palihim na tinawag ng daga ang kabayo, ang kuneho at ang soro.
“Mukhang naisahan tayo ng baboy,” galit na sambit ng daga na may halong inggit sa kanyang boses. “Hindi ako naniniwalang mayroong engkantadang magbibigay sa kanya ng ang gintong karit—malamang ay ninakaw niya ito o nagsisinungaling siya.”
“Bakit hindi natin puntahan ang sinasabing pulilan? Kung totoo mang may engkantada, pagkakataon na natin itong yumaman at tuluyan nang lisanin ang bukid,” sabi ng soro sa mga kasama.
Kinabukasan, iniwan ng apat si Moymoy sa kamalig at sila’y pumunta sa lugar ng pulilan. Bawat isa ay may dala-dalang karit.
Sinilip muna ng apat sa lugar. Nang maramdaman nilang tahimik na ang paligid, sabay-sabay inihagis ng apat na hayop ang kanilang mga karit sa pulilan.
“Tulong! Tulong!” malakas na sigaw ni Sebyong Soro.
“Paano na kami kakain?! Tulong! Tulong!” paiyak na sigaw nina Asyong Kabayo, Minyong Kuneho, at Dadang Daga.
Di naglaon, lumitaw sa kanilang harapan ang engkantada.
“Kumusta, mga kaibigan?” ang bungad ng engkantada, “Ako ang tagabantay ng kagubatang ito. Ano ang aking maitutulong sa inyo?”
Nagulat ang apat sa nakita. Totoo nga ang ikinuwento ni Moymoy—ngunit iba ang nasa likod ng isip ng mga hayop.
“Pagkakataon na natin ito,” pabulong na sabi ng daga sa kabayo.
“Ano pa ba ang hinihintay mo?” biglang tulak ng kuneho sa soro.
“O mahal na engkantada. Nahulog po sa pulilan ang aming dalang karit. Tulungan mo po kami. Iyon lamang ang aming gamit para may makain sa kagubatang ito,” maiyak-iyak na paliwanag ng soro.
“Huwag kayong mag-alala, kukunin ko ang mga karit ninyo…,” pagtitiyak ng engkantada, sabay nag-alimpuyo ang tubig sa pulilan at lumabas ang iba’t ibang uri ng karit—merong gawa sa ginto, pilak, at iba’t ibang nagkikinangang lingkaw, kasabay ang dalang karit na bakal ng apat.
Nanlaki ang mga mata ng apat na hayop. Abot-tenga ang kanilang mga ngiti.
“Ito ang lahat ng mga karit na nahulog sa pulilan. Kayo na ang pumili kung alinman ang inyong nawalang gamit,” ang malumanay na sabi ng engkantada.
Mabilis na dinampot ng mga hayop ang lahat ng nagkikinangang karit, at ang tanging naiwan ay mga kalawanging lingkaw.
Hindi nagustuhan ng engkantada ang ipinakitang kasakiman ng apat. Sinabi nito na ang lahat ay isang pagsubok sa kanilang likas na katangian—at lahat sila’y nabigong makapasa, maliban sa isa.
Matapos ang tatlumpung araw, bumalik sa bukid ang limang nominado sa pagka-ilustre.
Nakayuko at hiyang-hiyang humarap ang apat na tuso sa Konseho.
“Noong una, lahat kayo ay nagbibigay inspirasyon sa iba’t ibang paraan. Ang bawat isa sa inyo ay may kakayahang maging ilustre, ngunit nagpatalo kayo sa inyong kasakiman,” pahayag ni Kikay Kalabaw.
Tahimik ang lahat maging ang buong konseho.
“Kasakiman ang siyang nagbigo sa inyong apat. Para mabuhay sa gitna ng mabangis na kagubatan, ang pagkakaisa—sa kabila ng mga pagkukulang—ang dapat ninyong layunin. Pinagsamantalahan ninyo ang karupukan ng bawat isa sa halip na unawain at punan ang mga kahinaan at pagkukulang ng inyong mga kasama. Ang inyong mga pagkakaiba-iba ay hindi pinupuksa, hindi pinipigilan, manapa’y dapat ipagtanggol at bigyan ng pagkakataong yumabong,” ang payo ng kalabaw.
At dahil na rin sa hindi mapigilang galak, nagsilundagan ang mga baboy sa kural at kanal.
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
At para sa kapayapaan ng mundo, walang hayop ang nasaktan sa pagsulat ng artikulong ito.
Baboy man si Moymoy, siya ay masipag, mahabagin, at mapagbigay. Mayroon siyang mahusay na konsentrasyon: sa sandaling siya ay magtakdang makamit ang isang layunin, ilalaan niya ang lahat ng kanyang talino’t lakas mapagtanto lang ito. Bagama’t bihira siyang humingi ng tulong, kailanman ay hindi siya tatanggi kung mayroong lalapit at hihingi sa kanya.