Ang Munting Agila at ang Ibong Pipit

NOONG unang panahon, sa bulubundukin ng Sierra Madre, bago pumanaw ang Dakilang Agila, tinawag niya ang kanyang paboritong apo at sinabi:

“Aking pinakamamahal na apo, ako ay lilisan na sa mundong ito, ngunit maniwala ka sa akin, iiwanan kitang isang malaking kapalaran na siyang magbibigay sa’yo ng yaman. Ito rin ang iyong magiging sandigan para gabayan ang iyong buhay sa hinaharap. Ngunit bago ang lahat, dapat mong hanapin ang isang Ibong Pipit— kausapin mo siya para mabayaran niya kung anuman ang kanyang pagkakautang sa akin.”

Magkaibigan ang Dakilang Agila at ang Pipit, at minsan nang humiram ng malaking halaga ang munting ibon sa agila. 

At pagkatapos banggitin ng Dakilang Agila ang mga bilin nito sa batang agila, ito ay mapayapang nahimlay at tuluyan nang namahinga.

Umiyak ang Munting Agila sa pagpanaw ng kanyang ingkong, ngunit sadyang kailangang magpatuloy ng buhay.

Kaya matapos ang kanyang pagluluksa, nagsimulang hanapin ng Munting Agila ang Ibong Pipit.

Ang Pipit ay isang maliit na ibon na kadalasang nabubuhay sa mga halamang may nektar, at matatagpuang nagpapahinga sa mga masukal na kagubatan.

Araw-araw na lumilipad at umaaligid sa kagubatan ng Sierra Madre ang Munting Agila para lamang hanapin ang Ibong Pipit—ngunit ni minsan ay hindi niya ito nakita.

Hindi nawalan ng pag-asa ang batang agila. Hindi ito sumuko at patuloy nitong hinanap ang Pipit sa mga palumpong; sa mga puno; sa mga tahanan; sa tainga ng kalabaw. Tinatawid ang bawat ilog. Kumukunyapit sa bawat bundok.

Napakaraming sinubukang paraan ang batang agila—ngunit hindi niya mahanap ang Ibong Pipit—’di niya lubos na maisip kung saan nagtatago ang napakaliit na ibong ito.

Isang araw, nagpasya ang Munting Agila na mamasyal na lamang sa kagubatan at sa mga karatig nayon.

Napadpad siya sa isang kamalig, tinitingnan at hinahangaan ang lahat ng makita niya—ang kagubatan, ilog, lawa, himpapawid—at sa paglipas ng oras, nakita niya ang isang matandang inahing manok na nagkakahig ng lupa.

Nagtataka, tinanong ng Munting Agila ang Inahin: “Ano po ang ginagawa ninyo—hindi ba nasasaktan ang iyong mga kuko’t daliri?”

Sinabi sa kanya ng Inahin: “Anak, likas sa akin ito. Ganito ako nakakakain, at ganito ang aking pamumuhay. Ginagawa ko ito upang pakainin ang aking mga inakay. Sadyang ganito kaming nabubuhay na mga manok.”

“Ah, nakakamangha!” bulalas ng agila. “Siya nga po pala, alam po ba ninyo kung saan makikita ang Ibong Pipit? Matagal ko na siyang hinahanap, mula nang yumao ang aking ingkong, ngunit hanggang ngayon ay walang suwerteng makita ko siya.

“At sumagot ang Inahin: “Hmmm… hinahanap mo si Pipit, di ba? Alam ko kung saan siya matatagpuan. Napakaliit at napakailap niya, ngunit natitiyak kong mahahanap mo ito.”

“Pakiusap po…” wika ng batang agila. “Tulungan mo po akong mahanap siya. May utang siya sa aking ingkong at kailangan ko siyang makita para singilin siya—at para na rin magkaroon ako ng magandang kinabukasan.”

“Sige, sige…” pagtitiyak ng Inahin. “Huwag kang mag-alala—tutulungan kita. Subukan mong magtanong sa nayon kung kailan ang susunod na araw ng palengke.”

“Sa tingin mo ba mahahanap ko ang Ibong Pipit?” tanong ng Munting Agila.

“Pumunta ka na lang sa araw ng palengke, at hanapin mo ang lugar kung saan ibinebenta ang mga saging. Pero asahan mo, walang tutulong sa iyo doon. Maniwala ka sa akin, magpapakita ang Pipit. Lapitan mo siya at kakausapin para maisaayos ninyo kung anuman ang inyong kailangan lutasin sa pagitan ninyong dalawa.”

Lihim na tumatawa ang inahing manok dahil alam na niya kung ano ang magiging reaksyon ng agila oras na magtagpo ang dalawa.

Nagpasalamat ang batang agila sa matandang inahin, at muling bumalik ito sa kagubatan.

At pagdating ng araw ng palengke, may pananabik na gumising nang maaga ang Munting Agila. Sa katunayan, ang batang agila ang pinakaunang hayop na nagising sa kagubatan ng Sierra Madre noong araw na iyon.

Agad na lumipad ang batang agila patungo sa palengke at pumuwesto sa isang sulok upang hindi madaling makita ang Ibong Pipit. Ilang sandali pa ay dahan-dahan nang sumikat ang araw. Nagsimula nang magbukas ang mga tindahan. Nagsimula nang gumalaw ang tao, at sinimulan ng mga tindera ang kanilang araw na sa pagbebenta.

At dahan-dahang lumipad at dumaong ang Ibong Pipit sa pinagtitindahan ng mga saging.

Agad na nakita ng Munting Agila ang Pipit. Lumipad ito papunta sa tumpok ng mga saging—at dahil sa galit—biglang kinalmot nito ng malakas ang maliit na ibon.

“Sa wakas, nahuli na rin kita! Sabi ng aking inkong, malaki ang utang mo sa kanya—at kailangan mo akong bayaran. Kaya, ibalik mo na lang sa akin kung anuman ang iyong pagkakautang, at kung hindi, buhay mo ang kabayaran,” banta ng Munting Agila.

At labis na nagulat ang Pipit sa sinabi ng batang agila.

“Huh, ano ang pinagsasabi mo? Ano ang ibig mong sabihin na ako’y may pagkakautang sa iyong inkong? Wala akong maalalang pagkakautang, at sino ang sinasabi mong ingkong?” tanong ng Pipit habang nangangatog sa takot. 

“Sinong nagsabi sa’yo kung saan mo ako hahanapin?”

“Ako ang apo ng Dakilang Agila. Ang Inahin ang siyang nagsabi sa akin tungkol sa iyong kinaroroonan,” pagsisiwalat ng Munting Agila.

“At ano ang naikwento ng iyong ingkong tungkol sa akin? Nabanggit ba ng Dakilang Agila kung gaano kasinungaling ang nakausap mong inahin?” pahayag ng Pipit na hindi mapigilan ang galit. 

“Halika, ipapakita ko sa iyo kung sino talaga ang may utang sa Dakilang Agila.”

Lumipad sila sa bahay ng Ibong Pipit. At pagdating doon, tinawag ng Pipit ang Munting Agila upang pumasok sa isang silid.

“Pakiusap, pumasok ka sa loob, kahigin mo ang lupa at sabihin mo sa akin kung ano ang iyong nakita,” hiling ng Pipit.

Pumasok ang batang agila sa loob ng silid at nagsimulang magkaykay. Wala siyang mahanap kundi buhangin, maliliit na bato at mga balahibo.

Kaya, sinabi niya sa Ibong Pipit ang kanyang nakita: “tanging mga balahibo lamang ang naroroon.”

“Ang Inahin ay matalik na kaibigan ng iyong ingkong, at siya ang nagdala ng perang hiniram ko sa Dakilang Agila. Ang pera ay pambili ng gamot para sa aking mga magulang na may karamdaman. Ngunit habang kasama namin ang Inahin sa loob ng isang linggo, bigla itong tumakas dala ang pera ng Dakilang Agila. Ako ay humiram ng pera sa iyong ingkong para mapangalagaan ang aking ama at inang may sakit.Ang mga balahibo na iyong nakita ay sa Inahin,” umiiyak na sabi ng Ibong Pipit habang nagkukuwento.

“Naniniwala ako sa iyong sinabi, Ibong Pipit. Malungkot, ngunit hindi kita sinisisi sa nangyari. Ang Inahin ang dapat magpaliwanag at magbayad sa ginawa niya sa iyo, at sa pagnanakaw sa pera ng aking ingkong,” sambit ng batang agila.

“Natutuwa ako’t ika’y naliwanagan. Matagal ko na ring hinahanap ang Inahin, ngunit patuloy niya akong iniiwasan. Alam mo, ako ay isang maliit na ibon lamang at wala akong kapangyarihang kaladkarin ang isang malaking manok. Mas mainam kung ikaw na ang siyang kumausap sa Inahin. At kung anuman ang sinasabi mong pagkakautang ko sa Dakilang Agila ay mabigyang linaw. Ako’y matanda na rin, at hangad kong mamuhay ng mapayapa sa gubat na ito,” giit ng Ibong Pipit.

Humingi ng tawad ang batang agila sa Ibong Pipit. Nagpasalamat ito at lumipad upang hanapin ang Inahin.

Dala ang poot at galit, ang Munting Agila ay tumuloy sa kinaroroonan ng Inahing sinungaling, at nang makita ito, sinunggaban at dinala ng agila ang Inahin sa kasuluksulukan ng gubat—at doon siya nagpakabusog.

Napagtanto ng Munting Agila na ang inahing manok ang may pinakamasarap na karne sa buong kagubatan. At dahil diyan, ang agila ay nagsimulang mandagit ng mga manok at sisiw.

Habang malayang lumilipad ang Ibong Pipit sa kagubatan ng Sierra Madre, may dalang bigat ng konsensya sa kanyang dibdib. Natitiyak ng Pipit na gagawing pagkain ng Munting Agila ang Inahin, ngunit alam niyang marapat lamang na makita ng Inahin ang galit ng agila.

***

PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Ang kwentong ito ay halos kapareha ng mga kwento ng kataksilan sa mundo ng tao. 

Minsan, pera at kasakiman ang dahilan kung bakit nasisira ang tiwala sa pagitan ng mga magkakaibigan. Walang utang na hindi pinagbabayaran. Kaya, maging maingat sa uri ng mga kaibigan na meron ka—lalo pa ang mga hudas at traydor.