MAKARAAN ang ilang araw, bumalik ang tatlong daga at nagkwento sa kanilang nakita at namasdan. Ayon sa mga daga, palihim na ninanakaw ng unggoy ang pakaing rasyon sa mga kasamahang hayop, at ibinebenta sa may-ari ng kalapit-bukid.
Di nagustuhan ni Kikay ang resulta ng ulat ng tatlong daga, kung kaya’t nagpatawag ng agarang pulong ang matandang kalabaw para maghirang ng bagong Ilustre.
“Mga kasamahan… napag-alaman natin na sa loob ng anim na linggong ating ibinigay kay Iking Matsing para iparating sa ating amo ang ating mga kahilingan, ni minsan ay hindi niya ipinaabot ang ating mga hinaing, o ipinanindigan ang ating hiling na dagdag na pakain. Ang masaklap, binibigyan natin siya ng bahagi ng ating kakapiranggot na rasyon dahil umaasa tayong lahat na gaganda ang ating buhay rito sa bukid dala ng kanyang pagiging malapit sa ating amo.
“Siya ay isang sinungaling at bulaang kinatawan. Hindi siya karapat-dapat bilang Ilustre,” madiin na pahayag ng kalabaw.
“Kung gayon, kailangan nating pumili ng bagong Ilustre,” sambit ng kabayo.
“Tama. ‘Yung may karanasan sa negosasyon,” dugtong ng kambing.
“Dapat mabilis kumilos,” ani ng kuneho.
“Para sa akin, ‘yung may puso para sa kapwa-hayop!” sigaw ng kuting.
Pumagitna si Kikay Kalabaw at nagwika kay Iking Matsing: “Sa pamamagitan ng kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ng Konsehong ito, ang iyong pagiging Ilustre ay pormal nang tinatanggal, at aming binabawi ang gintong singsing na sa iyo’y ipinahiram.”
Humarap si Kikay sa mga kasamang hayop at nagsabi: “Ngayong araw, tayong lahat ay maghihirang ng bagong kinatawan. Umaasa akong tayo ay pipili ng karapat-dapat na kasama na siyang tunay na magsusulong ng ating boses at interes. Mangyaring pumunta dito sa harapan ang sinumang nais na maging susunod na Ilustre, at ating pakinggan ang kanyang plano para sa susunod na anim na linggo.”
Biglang naging tahimik ang paligid. Walang bahid ni konting alingasngas ng balahibo. Bawat isa tila ayaw huminga.
Halata ang takot sa mukha ng bawat hayop. Nakatingin sa malayo ang mga mata. Walang gustong magprisinta dahil kilala nila ang kanilang amo—malupit, mabagsik, walang-habag.
Ang lalim ng katahimikan ay biglang binasag ng matining na hiyaw sa di kalayuan—mula sa isang mestisong unggoy galing sa kabilang kapitbahayan.
“Ako ang karapat-dapat!” bungad ng mestisong matsing. Maamo ang kanyang mukha. Malambing ang boses, at higit sa lahat, mala-rosas ang kulay ng kanyang mga palad—ang kawalan ng kalyo ay patunay lamang na di ito naambunan ng mabibigat na trabaho.
“Bago ako ibinenta, matagal akong nanirahan sa bahay ni Ka Carding. Kilala ko sya. Isang matandang matigas ang ulo, ngunit sa pamamagitan ng isang positibong diyalogo at maayos na pakikipag-usap, sigurado akong kaya kong mabago ang kanyang isip… Kung ako ang pipiliin ninyo bilang Ilustre, hihikayatin ko ang ating amo na doblehin ang ating pakain. Titiyakin kong walang ni isang hayop ang magtatrabaho sa bukid. Walang hayop na ibebenta, at kukumbinsihin ko ang ating amo na magtayo ng mas malaking kamalig na masisilungan ng lahat ng hayop,” sambit ng mestisong matsing.
Nang marinig ang mga saliting ito mula sa isang mestisong tsonggo, di masukat ang tuwa ng mga hayop sa bukid at lahat ay nagsigawan. Napuno ang kamalig ng hiyaw, ingay ng bagwis at palakpakan. Ang lambing ng boses at kinis ng palad ng tsonggo ang siyang kinagiliwang batayan ng karamihan.
Nagalak ang lahat maliban sa aso.
“Mga kasama, na-unggoy na tayo ng isang sinungaling. Bakit kailangan nating pakinggan ang isa na namang nagmamagaling? Di pa ba tayo nadala sa tamis ng dila noong una at muli na naman tayong bibilugin ng pangalawa? Di pa ba sapat na alam nating nakinabang siya sa mga ninakaw na pakain na sa atin sana?” bitaw na sigaw ng aso.
“Kung gayon, inihahain ko ang aking sarili bilang Ilustre,” paangil na singhal ng aso.
“Kung pipiliin ninyo akong Ilustre, susubukan kung kumbinsihin ang ating amo na ibigay kahit isa sa ating mga kahilingan: bawasan niya ang ating trabaho sa bukid o dagdagan niya ang pakain. Alam nating lahat na matigas ang ulo ni Ka Carding at mahirap baguhin ang kanyang isip. Ganunpaman, araw-araw ko siyang lalapitan kahit lagi niya akong sisipain palabas ng bahay. Maubos man ang kanyang pasensya sa aking kakulitan, ang mahalaga, makumbinsi ko siyang ibigay kahit isang bagay man lamang,” aniya.
Tahimik ang lahat. Alam nilang may katotohanan ang sambit ng aso. Ngunit hindi ‘yun ang gusto nilang marinig. Karamiha’y may pagdududa at ‘di nagustuhan ang pahayag nito. Para sa kanila, hindi iyon ang hangad at nais ng mga hayop sa bukid. Kung ang aso ang magiging Ilustre, patuloy pa rin silang magtatrabaho at walang katiyakan kung mangyayari ang dagdag pakain sa kanila.
Pero kailangan nang pumili. Bawat isa ay boboto, maliban sa mga kasama sa Konseho.
Sa botohan, ang lahat ng hayop sa bukid ay napuno ng pag-asa. Di na nila kailangan pang magbungkal at magtrabaho sa batawan, o mangambang ibenta ang pinakamataba at pinakamalusog na alagang hayop sa hanay nila. Meron na silang ibobotong bagong Ilustre na kaisa nila sa pangarap ng magandang buhay—iyong magbibigay ng gusto nilang pagbabago: Isang kasama na siyang magdadala sa bukid ng kulay at bubuo ng mga pangarap nila sa buhay.
At naganap na nga ang botohan sa likod ng punong kamiring: Nahalal muli ang isang matsing, suot ang kumikinang na gintong singsing.
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
At para sa kapayapaan ng mundo, walang hayop ang nasaktan sa pagsulat ng artikulong ito.
(Okey, may isang napilay. Pero sa tingin naman ng editor ay makakalakad naman ito sa tulong ng saklay. ‘Yan daw talaga ang napapala ng mga maliliko’t maiingay.)
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]