NOONG unang panahon may tatlong magkakapatid na nakatira sa kanilang matandang dalagang tiyahin.
Sadyang mahirap ang kanilang buhay. Ginugol ng magkakapatid ang kanilang mga oras sa paghahanap ng paraan kung paano nila maitatawid ang bawat araw at gabi—at kahit anong gawin nilang pagsusumikap, ni minsan ay hindi nagkaroon ng pagkakataon na gumaan ang kanilang kalagayan.
Isang araw, isang malaking gansa ang naligaw sa kanilang lugar at nagpahinga ito sa harap ng kanilang pintuan.
Hinuli ng nakababatang pamangkin ang gansa at dinala ito sa kanilang tiyahin.
“Nanang, tingnan po ninyo kung ano ang nahuli ko: isang napakatabang gansa para sa ating hapunan,” aniya.
Nang makita ng kanilang Nanang ang gansa, tuwang-tuwa ito at nagsimula itong magpakulo ng tubig sa isang malaking palayok.
Ilang sandali pa, ilalagay na sana ng nakababatang pamangkin ang gansa sa palayok, nang biglang bumuka ang tuka nito at nagsalita: “Pakiusap huwag po ninyo akong katayin at kainin! Maawa po kayo saakin… mayroon po akong mga inakay. Hilahin at alisan lang po ninyo ako ng isang maliit na balahibo sa aking buntot, at pangako, magbabago ang inyong buhay.”
Nang marinig ng magkakapatid ang pagsasalita ng gansa, lahat sila ay nagulat, ngunit ang panganay na kapatid, na siyang mahilig sa hayop, ay humakbang palapit sa gansa.
“Isa lang?” mahinang tanong niya.
“Isang maliit na balahibo,” sagot ng gansa.
At kumuha ito ng isang maliit na balahibo mula sa buntot ng gansa, at sa sandaling hinawakan niya ito sa kanyang kamay, ang mala-bulak na balahibo ay naging isang butil ng ginto.
“Palayain na po ninyo ako,” nagmamakaawang pakiusap ng gansa, “at nangangako akong babalik ako bawat buwan para bigyan kayo ng isa pang balahibo….”
Agad na bumulong ang kanilang Nanang: “Huwag kayong palilinlang. ‘Yan na ang ating suwerte kaya huwag na nating pakawalan pa.”
At dahil na rin sa pagmamakaawa ng gansa, sinuway ng nakatatandang pamangkin ang kanilang tiyahin, at agad na pinalaya gansa hanggang sa lumipad ito palayo sa kagubatan.
Sa perang naging kapalit ng isang butil ng ginto, unti-unting naging maalwal ang buhay ng magkakapatid at ang kanilang tiyahin. Nagkaroon sila ng maayos na bahay, at nakakatulog na sila ng payapa nang hindi nag-aalala kung ano ang kanilang kakainin kinabukasan.
Bawat buwan ay bumabalik ang gansa gaya ng ipinangako nito. At sa tuwing dumarating ito, tanging ang panganay na pamangkin ang pumipitas ng maliit na balahibo nito.
Isang gabi, kinausap ng tiyahin ang pangalawa at bunso nitong pamangkin.
“Isang araw ay maaaring hindi na bumalik pa ang gansa, at babalik tayo sa kahirapan,” wika nito sa dalawang pamangkin na may halong pananakot.
Narinig ito ng panganay. “Mali po kayo, Nanang. May isang salita po ang gansa. Kung anuman po ang inyong pangamba ay hindi mangyayari iyon,” pagtitiyak nito sa kanyang tiyahin at sa kanyang dalawang kapatid.
Nagkibit-balikat ang pangalawang kapatid. “Mahirap hulaan kung ano ang binabalak ng isang gansa,” aniya. “Maraming nagsasabi na ang mga ito hindi maaaring pagkatiwalaan, at bigla na lamang sila nawawala at lumilipad kung saang lupalop na kadalasa’y inaabot ng ilang buwan. Minsan, narinig ko, lumipad sila nang tuluyan at ‘di na bumabalik.”
Nang gabing iyon ay hindi makatulog magdamag ang kanilang Nanang dahil nag-iisip ito ng plano kung paano tuluyang makukuha ang mga balahibong nagiging ginto.
“Sa susunod na dumating ang gansa,” sabi niya sa kanyang mga pamangkin, “bubunutin natin ang lahat ng kanyang mga balahibo. Sa ganoong paraan, palagi tayong magkakaroon ng ginto, kahit pa tuluyang hindi bumalik ang gansa.”
“Hindi,” sigaw ng panganay na pamangkin. “Nangako at ibinigay sa atin ng gansa ang kanyang salita—at hindi niya kailanman ito sisirain. At gayun din dapat tayo—hindi natin dapat sirain ang pangako sa kanya.”
“Iniisip ko lamang ang ikabubuti nating lahat,” sagot ng tiyahin. “Kung hindi natin gagawin ito, baka maghirap at magutom tayo ulit balang araw.”
At nang dumating ang araw na magpapakita sa kanila ang gansa, mabilis na niyakap ito ng panganay at binulungan: “Huhulihin ka ng aking mga kapatid—bilis, lipad na!”
Ngunit nang handa na itong lumipad, naghagis ng lambat ang dalawang magkapatid.
Nagpupumiglas ang gansa, pero sadyang wala ito magawa.
“Nanang, narito ang gansa,” sigaw ng dalawa, at tumakbo palabas ng kwarto ang kanilang tiyahin, at dali-daling binunot ang bawat balahibo ng gansa.
“Magsitigil, kayo! Pakiusap, tumigil kayo!” nagmamakaawang sigaw ng panganay habang pinipigilan nito ang kanyang mga kapatid at tiyahin na bunutin ang natitirang mga balahibo ng kaibigang gansa.
At nang naubos ang lahat ng balahibo, itinaas ng tiyahin ang lambat at pinalaya ang gansa.Tumakbo ang panganay at binalot ang gansa ng malaking kumot. Pagkatapos ay tumakbo siya sa kakahuyan bitbit ito.
“Hayaan na ninyo siya,” sabi ng tiyahin sa kanyang dalawang pamangkin. “Tingnan ninyo ito,” at itinaas niya ang mga nadakot na balahibo. Ngunit sa pagkakataong ito ay may kakaibang nangyari. Wala ni isang balahibo ang naging butil ng ginto.
Sa kakahuyan, ilang linggong inalagaan ng panganay ang gansa hanggang sa lahat ng balahibo nito ay muling tumubo—naging mas makapal at mas mayabong.
“Pitasin mo ang pinakamalaki at pinakamahabang balahibo,” wika ng gansa, “at alagaan mong mabuti kung anumang magandang biyaya ang iyong natanggap.”
Nahanap nito ang pinakamalaki at pinakamahabang balahibo—at kanya itong pinitas. Hindi naglaon, ang nag-iisang balahibong iyon ay unti-unti naging isang batong ginto na halos kasing-laki ng isang lukban.
Sa kabila ng gintong hawak, malungkot na pinalaya nito ang gansa.
Ang gansa ay lumipad nang malayo, malayo at kailanma’y hindi na muling nagpakita pa.
PAGTATATWA
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Mabuti na lamang, walang nasaktang gansa sa pagsulat ng kwentong ito.