TAG-ULAN.
Adose ng Agosto. Biglang dumilim ang Kaharian ng Guayana.
Ito ang araw kung kailan nagising ang bulkan. Amoy asupre ang kapaligiran. Kulay abo ang mga ulap. Nangingitim ang bawat patak ng ulan. Makulimlim ang tubig sa lawa.
Ang mga isda sa lawa ay labis na nabagabag sa biglang pagdilim ng tubig. Sila ay sanay sa malabong agwa sa panahon ng tag-ulan, ngunit ang umagang ito ay hindi isa sa mga araw na iyon. Ang hampas ng unos na siyang lumilikha ng alon sa lawa ay kapansin-pansing kakaiba sa nakasanayan nilang kabaliwan tuwing sasapit ang habagat.
Mabagsik ang bugso ng hangin. Dumadagundong ang lupa. Nagsisiliparan ang mga bolang apoy mula sa langit, at sa ilalim ng lawa, madilim.
Ang dati nang maburak na tubig sa lawa ay mas lalo pang pinadilim ng abo hanggang ang mga isda ay tuluyan nang tinanggihan ng liwanag.
Sa ilalim ng lawa ay matatagpuan ang malawak na kasukalan ng mga halamang-tubig. At ang kaliblib-libliban nito ang naging kanlungan ng mga isda hanggang muling luminaw ang tubig sa lawa at bumalik sa kanyang pagtulog ang bulkan.
Matapos ang ilang buwang paglalagi sa batuhan at kasukalan, nagsilabasan na ang mga isda mula sa kani-kanilang pinagtataguan. Muling nagliwanag ang lawa. Minsan pang huminga ang makulay nitong kapaligiran, at nanumbalik ang buhay.
Ngunit, sa kabila ng panunumbalik ng buhay sa lawa, hindi na makuha ng Hari ng Guayana ang maimulat nito ang kanyang mga mata. Naapektuhan ang kanyang mga mata ng asupre at sa lasong dala ng itim na ulan sa kasagsagan ng galit ng bulkan.
Kung kaya’t pinatawag nito ang kanyang pinakamagaling na manggagamot sa kaharian upang alamin kung bakit nawalan siya ng paningin.
“Wala akong maaninag ni konting liwanag,” wika ng hari sa manggagamot. “Ano nga ba ang nangyari sa aking mga mata?”
Sinuri ng manggagamot ang mga mata ng hari at nakitang natuyo ang mga ito dahil sa asupre na mas pinalala ng lasong nakapasok mula sa itim na ulan.
“Ipagpaumanhin po ninyo mahal na hari kung ang aking sasambitin ay mabigat sa iyong kalooban. Walang gamot ang magpapagaling sa iyo kundi ang langis mula sa hasang ng isang lalaking arwana. Mahirap hanapin, ngunit hindi ito imposible,” pahayag ng manggagamot.
Maraming isda sa lawa ng Guayana pero iilan lamang ang arwanang namumugad dito.
Ayon sa manggagamot, sa loob ng tatlong araw ay kailangan mapatakan ng langis mula sa hasang ng lalaking arwana ang mata ng hari, at kung hindi, tuluyan nang mabubulag ito.
Kung kaya’t inutusan ng hari ang kanyang nag-iisang anak na lalaki—ang prinsipeng tagapagmana ng kaharian—na halughugin ang buong lawa at hanapin ang arwana.
Sa unang araw, nabigo ang prinsipe. At kanyang itinuloy ang paglalayag sa ikalawang araw ngunit muli siyang umuwing luhaan.
Sa ikatlong araw, labis ang pagkabalisa ng prinsipe. Alam niyang ito na lang ang huling pagkakataon para mahanap niya ang arwana sa lawa, at kung hindi, ay tuluyan nang mabubulag ang amang hari.
Habang nasa daungan at naghahanda bago pumalaot, may lumapit sa kanyang matandang mangingisda at sa kanya ay nagbigay ng payo.
“Mahal na prinsipe, maraming nangamatay na arwana noong pumutok ang bulkan, at sa aking wari, iilan na lamang sa kanila ang nabubuhay sa lawa. Ang mga arwana ay sadyang maiilap na isda sa panahon ng kanilang pangingitlog. Kung meron pa mang natitira sa kanila ay malamang mahihina na’t wala nang kinang ang kanilang kaliskis. Kung iyong matatagpuan man ang isang lalaking arwana, ang aking tanging hiling ay huwag mong idamay ang bihod na kanyang nililimliman,” pakiusap ng matanda.
“Ang lalaking arwana ay isang huwarang ama na handang magsakripisyo para sa kanyang mga anak. Kanyang hihigupin ang mga maliliit na itlog na iniluwal ng kanyang kabiyak para manatiling ligtas sa loob ng kanyang bibig. Titiisin ng lalaking arwana ang gutom at mga pangungutya ng ibang mga isda. Bilang ama, handa siyang protektahan ang mga itlog mula sa mga isdang mandaragit. Sa kabila ng gutom, hindi niya ibubuka ang kanyang bibig sa loob ng limampung araw hanggang sa mapisa ang mga itlog at makitang handa na ang kanyang mga anak para sa lawa,” patuloy na kwento ng matanda. “
May kurot sa puso ang kwento ng matanda. “Napakapalad ng mga arwana,” pabulong na sabi ng prinsipe.
Mula pagkabata, pinalaki siya bilang isang mandirigma na handang lumaban para sa kaharian. Sa kabila ng yaman at kapangyarihan bilang tagapagmana ng trono, ang prinsipe ay nangungulila sa pagmamahal ng kanyang ama.
“Maraming salamat po sa inyo, Ingkong. Aking tatandaan ang inyong payo,” wika ng prinsipe.
At lumusong siya sa kailalimlaliman ng lawa. Sa di kalayuan, may nakita ang prinsipe na kumikinang na bagay sa pagitan ng mga halamang-tubig. Nilangoy niya ito, at habang papalapit, nagulat siya sa kanyang nakita—isang gintong arwana.
Agad niyang hinuli ito at isinilid sa kanyang dalang kustal at umahon pabalik ng parang.
Inilagay niya ang gintong arwana sa banyera. Natitiyak niyang ito na nga ang lalaking isdang magbabalik sa nawalang paningin ng hari.
Habang pabalik na ang prinsipe sa kaharian, nakita niyang lumuluha ang gintong arwana—mga mata nito’y nakatingin sa kanya parang nangungusap at nagmamakaawa. Napansin din ng prinsipe na may mga itlog sa loob ng bibig ng isda.
“Mahal ko ang aking ama, at ayaw ko siyang mabulag habambuhay. Ngunit sa pagkuha ng iyong hasang para gamutin siya ay kapalit naman ng buhay mo at ng iyong mga anak,” sabi ng prinsipe sa sarili. “Hindi kaya ng kalooban kong tanggalan ng buhay ang isang inosenteng isdang tulad mo at ipagkait sa iyo ang buhay ng iyong mga anak kapalit lamang ng langis para sa mata ng hari. Kung ano ang mahalaga ay hindi nakikita ng mga mata.”
Di alintana kung ano man ang magiging kapasyahan ng hari, pinakawalan ng prinsipe ang gintong arwana pabalik sa lawa.
At ang hari ay tuluyan nang pinagkaitan ng liwanag.
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Seryosong usapan muna tayo.
Sa mga nagtatanong kung tama ba ang naging pasya ng prinsipeng pakawalan ang arwana na sana’y magpapanumbalik sa paningin ng hari. Sa totoo lang po, mahirap sagutin ang mga ganitong bagay lalo na kapag tayo’y naiipit sa isang moral dilemma.
Lahat ng aksyon o desisyon sa buhay ay maaaring magkaroon ng magandang resulta o magdulot ng pinsala. Ang ating damdamin o isip ay hindi palaging maaasahan. Sa ganang akin, dapat nating tingnan ang bawat aksyon o desisyon sa konteksto ng sitwasyong napapalooban ng prinsipe. Malay natin may mas malalim siyang dahilan para pakawalan ang arwana—o di kaya’y may kakilala siyang espesyalista na kayang ibalik ang mga mata ng kanyang ama.