ANG mga tao sa Kaharian ng Minbasa ay hindi kailanman natuto sa kanilang mga pagkakamali, at muli silang nagpasakop sa isa pang haring maniniil.
Ang bagong Hari ay malupit, walang awa, mabagsik at mapaghiganti. Ngunit higit sa lahat, siya ay isang taong walang pananampalataya sa Poong Bathala.
Bilang bagong hirang na Hari ng Minbasa, ang una niyang kautusan ay ipagbawal ang lahat ng babasahin patungkol sa Poong Bathala sa mga tahanan, paaralan, tanggapan, at lahat ng lugar ng pagsamba—at kahit na ang tagapaghatid ng balita ay pinagbawalang maglabas ng anumang ulat o anunsyo na may kinalaman sa pananampalataya.
Sa isang lugar sa kabundukan ng Sahel, may mga Trapistang monghe na naninirahan at nag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw. Ang Banal na Kasulatan at panalangin ay mahalagang bahagi ng kanilang buhay bilang mga monghe.
Bilang isang komunal na kawan, ang buhay ng mga monghe ay nakasentro sa banal na misa, panalangin, pagninilay, at paglilingkod. Ginagawa rin nila ang mga bagay na karaniwang ginagawa sa labas ng monasteryo—kumanta, magsaka, mag-ehersisyo, magsulat, at magturo.
Pinahahalagahan ng mga monghe ang Banal na Kasulatan, dahil ito ang nagbigay sa kanila ng karunungan at pag-asa sa buhay. Maging sa mga maralita at yaong mga hikahos sa buhay, ang Banal na Kasulatan ang siyang sa kanila’y nagbibigay ng kagalakan at pag-asa.
Ngunit isang araw, ang Hari ng Minbasa ay naglabas ng isang kautusan at nagpasya na kumpiskahin at sunugin ang lahat ng mga bagay na itinuturing na banal.
“Walang sinuman ang pinahihintulutang magmay-ari o magbasa ng Banal na Kasulatan,” ang sabi sa utos. Ang mga mensahero mula sa Palasyo ay naglakbay sa buong kaharian, naghahatid ng pabatid sa lahat—simbahan, paaralan, aklatan, atbp.—at nagsimulang magsunog ng mga bagay na may patungkol kay Bathala.
“Sinumang mahuli na may dala o nagtatago ng Banal na Kasulatan ay buhay ang siyang kapalit,” ani ng walang-pusong hari.
Ang mga pari, pastor at mga ministro—bagaman nalungkot sa balita—ay nagpasyang isara ang kanilang mga kumbento at simbahan, at itago ang lahat ng bagay na itinuturing na banal.
Ang madilim na langit ng Oktubre ay tila mas madilim pa sa delubyo, ngunit ang mga pari’t pastor ay mas gugustuhin na sundin ang utos ng Hari kaysa ipagsapalaran ang kanilang buhay.
Salat sa balita at mga pangyayari sa labas ng monasteryo, ang mga monghe ay walang ideya sa kautusang inilabas ng Hari. Dahil walang kaalam-alam sa nangyayari sa kaharian, ipinagpatuloy ng mga monghe ang kanilang buhay sa gawain at panalangin sa loob ng kanilang monasteryo sa liblib ng kabundukan ng Sahel.
Isang araw, isa sa mga monghe na ang pangalan ay Abhaya (ibig sabihin, “walang takot”), ay inutusan ng Abbot na pumunta sa isang nayon upang magbenta ng ilang sakong butil ng kape. Habang nasa nayon, narinig niya ang pinag-uusapan ng mga tao tungkol sa kautusan mula sa bagong hari, at siya’y tinanong ng kanyang opinyon tungkol dito.
At ang tanging sinabi niya sa kanila ay: “Magkaroon kayo ng lakas ng loob na manindigan para sa inyong pananampalataya.”
Sa halip na sundin ang naging kautusan ng Hari, nagpasya si Abhaya na libutin ang nayon at magtatag ng mga bagong lugar ng pag-aaral. Kumakatok siya sa bawat pinto sa lahat ng nais magkaroon ng Banal na Kasulatan. Binisita niya ang bawat tahanan at hinimok ang mga tao na muling magbasa at humingi ng kaliwanagan mula kay Bathala.
Isang araw, habang naglalakad Si Abhaya sa nayon, hinarang siya ng isang ministro na kanyang nakasalubong sa kalsada.
“Hindi mo dapat gawin ito,” ani ng ministro. “Itinataya mo ang iyong buhay. Kapag nalaman ng mga awtoridad ang iyong ginagawa, tiyak na paparusahan ka ng mga tauhan ng Hari, at malamang na ikukulong nila ang mga sumusunod sa iyong payo. Hindi ka ba natatakot sa mga awtoridad, Abhaya? Ako’y natatakot para sa buhay ng ating mga kanayon, at para sa iyo.”
“Hindi ako natatakot sa kanila,” matapang na sabi ni Abhaya.
“Pero dapat kang matakot! Seryoso ang Hari. Nakatitiyak ako diyan,” dagdag ng ministro.
Napangiti si Abhaya. “Kulang ka ba sa pananampalataya—ano ang iyong ikinakatakot?” tanong niya.
“Paano mo nasasabi iyan?” tanong ng ministro. Nanginginig ito habang nagsasalita, ngunit ngumiti lang muli si Abhaya at sinabing, “Kapatid, magkukuwento ako sa iyo na maaaring makatulong sa iyo na maunawaan ang lahat ng nangyayaring ito sa atin. Halika, samahan mo ako.”
Inakay niya ang ministro patungo sa baybayin ng kalapit na lawa, at doon itinuro ni Abhaya ang tubig.
“Ibabahagi ko sa iyo ang kuwento ng lobo at ng mga isda,” sabi ng monghe.”
Minsan ay may isang lobo na naglalakad sa baybayin ng lawa na ito, tulad ng ginagawa natin ngayon. Tumingin ang lobo sa ibaba at nakita niya ang mga isda na lumalangoy sa tubig. Mahilig kumain ng isda ang lobo, at binalak niyang linlangin ang mga isda para mapawi ang kanyang gutom,” paliwanag niya.
Nagpatuloy sa pagkwento ang monghe: “At ang lobo ay tumingin sa tubig at kinausap ang mga isda. ‘Bakit kayo lumalangoy ng parang balisa?’—ang tanong ng lobo sa kanila. ‘Kami ay lumalangoy upang makaiwas sa mga lambat ng mga mangingisda,’ sagot ng mga isda.”
“Nang marinig ito ng lobo, nagkaroon siya ng ideya. Lumuhod siya sa gilid ng tubig at sinabi: ‘Mga Kaibigan, pumanhik kayo dito sa pampang at titiyakin kong maliligtas kayo mula sa mga lambat. Maaari kayong manirahan sa aking lugar at para lahat tayo’y masayang magkakasama. Bilang aking mga kapatid, tuturuan ko kayo kung paano manirahan sa pampang,'” pagsasalaysay ni Abhaya.
Tiningnan ng ministro si Abhaya, nagtataka kung ano ang kinalaman ng kuwento ng lobo at ng mga isda sa naging kautusan ng Hari. “Hindi ko maintindihan,” aniya.
“Sa palagay mo ba ay tumalon ang mga isda mula sa tubig papuntang pampang?” tanong ni Abhaya.
“Ngunit ang isda ay hindi mabubuhay sa lupa,” sabi ng ministro.
“Totoo ‘yan,” pagsang-ayon ni Abhaya. “At ang mga isda ay mas matalino na huwag pansinin ang palihim na paanyaya ng lobo. Tinitigan nila siya sa mata at sinabi sa lobo: ‘Hindi kami hangal gaya ng pinaniniwalaan mo sa amin. Kung kami man ay nangangamba para sa aming buhay dito sa tubig, mas mararapatin naming suungin ang panganib ng magkakasama dito sa lawa. Dito, kami ay nakakahinga at nabubuhay ng sapat. Anong kapos kapalaran ang naghihintay sa amin sa lupa na batid naming kasama ang isang nilalang na handa kaming kainin anumang oras?”
“Isang napakagandang talinghaga ang iyong kuwento. Ngayon, nauunawaan ko na ang iyong sinasabi,” wika ng ministro kay Abhaya.
Ngumiti ulit si Abhaya. “Sabihin mo sa akin, kung gayon, ano ang iyong natutunan?”
“Oo, kinakatakutan natin ang Hari. Kung tatalikuran natin ang Poong Bathala at susuko sa kagustuhan ng isang haring mapaniil, hinahayaan natin siyang magtagumpay. Maaaring mas natatakot tayo ngayon, ngunit ang ating pananampalataya at lakas ng loob ang siyang sandigan natin ng pag-asa, at siyang nagpapalakas ng ating loob na mabuhay,” sabi ng ministro.
Kaya’t ang dalawa ay lumakad nang magkasama sa mga nayon at mga bayan, at magkasama silang kumatok sa mga tahanan upang hikayating muling basahin ang magandang balita mula kay Bathala.
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Huwag hayaang patahimikin ng sinuman ang iyong budhi dahil lamang sa iyong maling akala na hindi ka magkakasala at makakagawa ng pinsala kung ikaw ay hindi makikibahagi sa isang maling gawain. Ang tanging kailangan ng mga taong likas na masasama ay mga taong ayaw maging bahagi ng kanilang plano’t layunin. Sapat na sa kanila na ang mga mabubuting tao ay huwag makialam at manahimik na lamang, at hayaan na lamang silang magpatuloy ng kasamaan. Sa katunayan, ang pananahimik ng mabubuting tao ang siyang nagbibigay kapangyarihan sa mga taong may masamang balakin. Hindi man batid, mas tinutulungan ng mabubuting tao na magtagumpay ang kasamaan dahil sa kanilang takot na makagawa ng pinsala.
Ang tanging bagay na kailangan para magtagumpay ang kasamaan ay para sa mabubuting tao na walang dapat gawin.