Labimpitong taong gulang yata ako noon.
Hulyo iyon, malinaw ko pang naaalala ang kwento ng “Maya”.
Kaninang umaga lang, naalala ko ang kwento tungkol sa ibong ito habang balisa ako kagabi dahil nasa biyahe ako at alam kong malayo ako sa bahay, at wala rin ako para ipagdiwang ang “Araw ng mga Tatay”.
Pahintulutan po ninyo akong lumihis muna mula sa karaniwang paksa para maisalaysay ko ngayon ang isang kwentong naging malapit sa aking puso.
Nagsimula ang kuwento sa isang 80 taon-gulang na lalaki na nakaupo sa isang bangko sa isang parke kasama ang kanyang 45-anyos na anak na lalaki nang may biglang dumapong maya malapit sa isang gawang-taong lawa.
Tinanong ng matanda ang kanyang anak, “Ano iyon?” biglang turo sa isang maliit na ibon.
Sumagot ang anak, “Maya po ‘yan, ‘Tay”.
Pagkaraan ng ilang minuto, lumipad ang maya papalayo ng lawa, ngunit bumalik muli ito.
Dumapo ito malapit sa ilang mga paso ng bulaklak sa parke.
Tinanong ng ama ang kanyang anak sa pangalawang pagkakataon, “Ano iyon?”
Sumagot ang anak na lalaki, “‘Tay, ‘di ba sinabi ko na ngang, ‘Maya po ‘yan.”
Ang ibon ay tumagal pa ng ilang minuto at tumuka ng maliliit na bato mula sa paso, at pagkaraan ng ilang sandali, muling tinanong ng matanda ang kanyang anak sa ikatlong pagkakataon, “Ano ‘yon?”.
Sa oras na ito, ang anak na lalaki ay sumagot nang may pagkairita at sinabi niya sa kanyang ama ng may kalapastanganan at walang pakundangang bumulyaw: “Maya nga—Maya!”.
Ilang sandali pa, muling tinanong ng ama ang kanyang anak sa ika-apat na pagkakataon, “Ano ‘yon, anak?”
Nangyayari ito ng makailang beses pa at sa bawat pagkakataon, inis na inis ang anak.
Dahil sa pagka-pika nito, sinigawan ng anak ang kanyang ama. “Bakit paulit-ulit mo akong tinatanong?! Ilang beses ko nang sinabi sa iyo na ‘Maya ‘yan—MAYA, MAYA, MAYA!!!’ Ang kulit mo. Hindi mo ba ako maintindihan?”
Nang makauwi na sila ng kanilang bahay, tinulungan ng anak ang kanyang ama pabalik sa kanyang silid.
Dumiretso ang kanyang ama sa istante ng libro, at napansin ng anak na binuksan ng kanyang ama ang isang karton kung saan nakalagay ang mga personal na talaan at mga talaarawan ng matanda na matiyagang inalagaan nito mula nang isilang ang kanyang anak na lalaki.
Iniabot ng matanda sa kanyang anak ang isang lumang talaarawan na punit-punit ang pabalat, at hiniling sa kanyang anak na buklatin ang mga pahina.
Nakahanap ang anak ng isang pahina na pinamagatang, “Maya”.
Hiniling ng matanda sa kanyang anak na basahin ang pahinang iyon, at pinagbigyan nito ang ama—at kanyang binasa ang talaarawan kasunod ng mga nakasulat dito:”Ngayon ang aking maliit na anak na lalaki na tatlong taong gulang ay nakaupo kasama ko sa sopa, habang may isang maya ang paikot-ikot sa bintana.
Tinanong ako ng anak ko ng 23 beses kung ano ang tawag sa ibong ‘yun, at sinagot ko siya ng 23 beses na ito ay ‘Maya’.
Sinisigurado ko na sa tuwing magtatanong siya ng tungkol sa ibon, malugod kong sasagutin siya.
Ganoon ko kamahal ang aking anak, at niyayakap ko siya sa tuwing paulit-ulit niyang tinatanong ang parehong tanong.
Lagi akong nandyan para sa anak ko.
Masaya ako dahil mapalad akong may mga ganitong pagkakataon na kasama ko ang aking anak.
Maliit na bagay ito kung tutuusin para ipakita at iparamdam ko sa kanya ang aking pagmamahal.
“Habang binabasa ng anak ang bawat salitang nakasulat sa talaarawan, nangingilid ang luha sa kanyang mga mata.
Niyakap nito ang kanyang ama ng napakahigpit, at humingi ng tawad.
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Sa pagtanda ng ating mga magulang, huwag natin silang tanggihan o tingnan silang bilang isang pabigat.
Kausapin sila ng maayos at may paggalang. Maging magalang sa iyong mga magulang.
“Mahalin mo ang iyong mga magulang at tratuhin sila nang may pagmamahal dahil malalaman mo lang ang kanilang halaga kapag nakita mo nang bakante ang kanilang silya…”