Ang Kwento ng Mais at Manok

MINSANG sinabi ng tandang sa inahing manok: “Panahon na ngayon kung kailan hinog na ang mga mais, kaya’t sabay tayong pumunta sa kapatagan at kumain muna tayo nang mabusog na tayo bago maubos ang lahat ng ani ng mga pesteng daga.”

“Oo, susunod ako” sagot ng inahing manok, “magpapaalam muna ako sa ating mga inakay.”

Nang magkagayo’y naunang umalis papuntang bukid ang tandang.

Ang Lunes na iyon ay isang maaliwalas na araw at nanatili ang inahin at tandang sa bukid hanggang sa gabi.

Sa dami nang nakain nilang mais, ayaw na ng inahing manok na maglakad pauwi ng kamalig, at napilitan ang tandang gumawa ng maliit na karwahe mula sa mga sapal, ipa at balat ng mais.

Nang magawa ang maliit na bagon, ang inahing manok ay naupo sa loob nito at sinabi sa tandang, “Maaari mo na isuot ang panali sa iyong leeg para masimulan mo nang hilahin ang Karwahe ng Reyna!”

“Huh?! Reyna?! Hindi ako ang tipo ng manok na iyong uutusan,” sabi ng tandang, “Nanaisin ko pang umuwi nang naglalakad kaysa itali ang aking sarili sa bagon. Hindi, hindi ‘yan ang ating napagkasunduan. Mas gugustuhin ko pang maging kutsero at nakaupo lamang sa kaha, ngunit ang itali ang aking sarili para kaladkarin ito ay hindi ko gagawin.”

Habang nagtatalo ang dalawang manok, isang gansa ang sumigaw sa kanila, “Mga magnanakaw! Sino ang nagsabi sa inyong pakialaman ang aking maisan? Pagbabayaran ninyo ang inyong ginawa!”–at sinunggaban ng gansa ang tandang.

Ngunit ang tandang ay mas maliksi. Buong lakas na pumagaspas ang mga pakpak nito at kinaladkad ang gansa. Sa talas ng nakausbong na tari ng tandang, sugatang nagmamakaawa ang gansa, at bilang kanyang parusa, pumayag itong itali ang sarili sa karwahe.

“Maawa ka sa akin. Tatanawin kong malaking utang na loob kung hahayaan mo akong mabuhay,” umiiyak na pakiusap ng gansa.

At buong yabang na umupo ang tandang sa ibabaw ng kaha bilang kutsero.

“Gansa, tinatamad ka ba? Bilisan mo ang iyong pagtakbo, at kung hindi, makakatikim ka ng kambal na sampal!” anang tandang.

Habang tumatakbo ang karwaheng gawa sa mais, nakasalubong nila ang dalawang estranghero: isang aspile, at isang karayom.

Halos mapudpod ang boses ng aspile at karayom kakasigaw sa karwahe: “Hinto! Huminto kayo!”

At tumigil sa paghila ng bagon ang gansa. Ipinaliwanag ng aspile at karayom na madilim ang kalsadang kanilang dadaanan, delikado at napakaputik. Nakiusap ang mga estranghero kung maaari silang makisakay kahit hanggang sa susunod na nayon.

Ikinuwento ng dalawa na sila’y nanggaling pa sa bayan at sa ‘di inaasahang pangyayari ay nahulog sila mula sa bagahe ng sastre.

Dahil payat at manipis lamang ang dalawa, naawa sa kanila ang tandang at sila’y pinasakay sa karwaheng mais, sa isang kondisyon–na babalutin nila ang matutulis nilang dulo ng dahon upang hindi makatusok.

Inabot na sila ng dilim nang dumating sila sa isang bahay-tuluyan. Pagod na rin ang gansa, at ayaw na rin ng inaheng manok na umuwi sa gitna ng gabi.

Walang bakanteng kwarto noong gabing iyon, at lugod ang pagtutol ng bantay ng bahay-tuluyan na patuluyin ang inaheng manok, at ang tandang. Ngunit dahil sa matamis na pananalita ng tandang, nakumbinse nito ang bantay na sila’y pagpahingahin kahit isang gabi lamang kapalit ng itlog ng inahen at karne ng gansa.

At sa wakas, sila ay pinagsilbihan ng maluwat ng bantay at nabusog sa mga inihanda sa bahay-tuluyan.

Nang sumikat ang araw, habang ang karamiha’y natutulog, ginising ng tandang ang inahing manok, kinuha ang dala nilang itlog, inilaga ito, at sabay nilang kinain, ngunit itinapon nila ang pinagbalatan sa apuyan.

Pagkatapos ay lihim nilang pinuntahan ang karayom na natutulog pa, binitbit ito sa ulo at isinuksok sa unan ng upuan ng bantay, at inilagay naman ang aspile sa tuwalya nito. At walang pag-aalinlangan, tumakas ang dalawa palayo papuntang kabundukan.

Ang gansa–na nanatili lamang sa bakuran ay sa labas ng bahay-tuluyan natulog–ay nakitang umalis ang dalawang mag-asawang manok. Laking tuwa ng gansa dahil iniwan ng dalawa ang kanilang karwahe.

Nakahanap ng batis ang gansa at doon ito masayang nagtampisaw.

Nakatulog nang mahimbing ang bantay kaya ‘di nito napansing umalis na ang tandang at inaheng manok. At nang magising, naghilamos siya at nagpunas ng mukha gamit ang tuwalyang may aspile.

Malalim na gasgas sa mukha ang iniwan ng aspile, kung kaya’t galit-na-galit itong tumungo sa kusina para magkape ngunit nang lumapit ito sa apuyan, biglang sumabog ito at sumambulat ang itinapong mga balat ng itlog diretso sa kanyang mga mata.

“Hay, napakamalas ko naman ngayong umaga,” sabi ng bantay, at galit na umupo ito sa tumba-tumba, ngunit bigla itong sumigaw nang maupuan ang unan kung saan nakatusok ang karayom.

Agad na nagduda ang bantay na kagagawan ito ng dalawang bisitang manok. Hinanap n’ya ang dalawa ngunit wala na ang mga ito.

Mula noon, nangako ang bantay na lahat ng manok na pupunta sa bahay-tuluyan ay babawian n’ya para ‘di na muling makapaminsala.

Kaya isang araw, may isang panabong na tandang ang napadaan sa bahay-tuluyan. Nagtaka ito nang makita ang apat na rebulto ng manok sa may hardin.

“Ginoo, anong meron at bakit may apat na rebulto sa inyong hardin?” tanong ng manok na panabong.

“Ah ‘yan ba?” sagot ng bantay. “Ang mga rebultong ‘yan ay bilang alaala ‘yan sa mga manok na yumao.

“Ano ang nangyari sa kanya?” tanong ng tandang-panabong sabay turo sa unang rebulto.

“Ah, siya ba? Kumain ng mais at makalipas ang ilang minuto, namatay…” malungkot na paliwanag ng bantay.

“At ano ang nangyari sa kanya?” muling tanong nito sabay turo sa pangalawang rebulto.

“Ah, ganun din ang nangyari sa kanya–kumain ng mais at makalipas ang ilang minuto, namatay…” paliwanag ng bantay.

“At sa doon pangatlo? Ano ang nangyari sa kanya?” muling tanong nito.

“Maniwala ka man o hindi, ganun din ang nangyari sa kanya–kumain ng mais at makalipas ang ilang minuto, namatay…” paliwanag ng bantay sa sinapit ng pangatlo.

‘Di lubos maisip ng tandang kung anong klase ng mais ang nakain ng mga ito para sapitin ang ganitong tadhana. Kaya muling nagtanong ito sa bantay.

“At dito sa pang-apat, malamang kumain din s’ya ng mais,” diretsong sabi ng tandang-panabong.

“Ah, ito ba?!” sabay turo ng bantay sa pang-apat na rebulto. “Napisak ang kanyang ulo sa gilingan.”

“Napisak sa gilingan? Bakit?!” tanong ng tandang na labis-labis na nagtaka sa nangyari sa pang-apat na manok.

“Ah, siya ba?” mabilis na sagot ng bantay, “may katigasan kasi ng ulo ang manok na ‘yan… ayaw kumain ng mais!”

PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Ngapala, humina na ang bentahan ng mais sa mga palengke. At mula noon, tanging palay na lamang ang lumalapit sa manok.