Ang Kwento ng Ahas at ng Lagari

“ANG pagpapatawad ay katangian ng matapang.” —Mahatma Gandhi

ANG siping ito ay hango sa malalim na pag-unawa tungkol sa poot at pagpapatawad, galit at pagpaparaya.

Marahil magtataka kayo kung ano ang kinalaman ng lagari o ng ahas sa siping ito.

Para sa mga patuloy na lumiliyab sa galit sa kanilang dibidb, narito ang buong kwento…

Isang gabi, may ahas na napadpad sa lungsod para maghanap ng makakain. Sa kanyang paglalakbay, napadpad ito sa isang bodega.

Madilim ang lugar, at halos hindi nito makita kung ano ang nasa loob ng pintungan.

Ang may-ari ng bodega—na kilalang isang burara—ay iniwanang nagkalat ang ilan sa kanyang mga kagamitan sa sahig. Ang isa roon ay ang lagari.

Madilim ang daanan, at sa pag-ikot ng ahas sa bodega, bigla itong napatid at nabangga sa isang nakabalandrang manipis ngunit mahaba na bagay. Hindi alam ng ahas na lagari pala ang kanyang nabangga.

Bahagyang nasaktan ang ahas, agad na naisip nito na siya’y nahaharap sa isang panganib.

Dahil nagalusan ang kanyang katawan, galit na pumaigting ang ulo ng ahas, at sinakmal nito ang lagari.

Sinubukan ng ahas na kagatin ang lagari. Muling tumama ang mga talim nito sa kanya—at mas nadagdagan ang kanyang mga sugat sa bibig.

Dahil madilim, hindi maintindihan ng ahas ang nangyayari sa kanya.

Kaya pumulupot ang ahas sa lagari, at muling tumusok ang mga talim sa kanyang laman. Habang pumupulupot, mas lalong kumikirot ang mga sugat sa kanyang katawan.

Sa pag-aakalang sinasaktan siya ng lagari, bumuwelo ang ahas at buong lakas na kinagat nito ang nakahilerang mga talim hanggang sa nagsimulang dumugo ang bibig niya.

Dahil dito, labis na nagalit ang ahas. Kaya’t nagpasya itong magpagulong-gulong at puluputan ang lagari para pisain ito. Habang mahigpit na pinipisil ng ahas ang lagari ay nararamdaman niyang mas nasasaktan at lumalalim ang kanyang mga sugat sa katawan.

Naisip ng ahas na sasaktan muli siya ng lagari kaya lalo nitong hinigpitan ang kanyang pagkakapulupot dito. Nagpatuloy ang ahas sa pagpulupot hanggang sa siya’y unti-unting nanghina habang nakakapit sa lagari.

Kinaumagahan nang pumasok sa pintungan ang may-ari ng bodega, nagulat ito nang makita ang isang patay na ahas—putol ang kalahating katawan, at katabi ng isang duguang lagari.

***
Mga kaibigan, may isang napakahalagang mensaheng dala ang kwento ng ahas at lagari.

Dahil sa kanyang galit, ang ahas ay binawian ng buhay nang hindi nito nalaman na ang lagari ang kanyang itinuring na kalaban. Namatay siya dahil sa kanyang pagiging padalus-dalos.

Ang galit ay isang natural na reaksyon na umiiral sa atin. Kapag tayo ay nagagalit, ang unang pumapasok sa ating isipan ay kung paano makabawi’t makapanakit. Kapag nasasaktan tayo, ating itinuturing ang mga nakapaligid sa atin bilang mga “panganib” o mga “kaaway”—at tayo’y bigla na lamang nagagalit kahit hindi naman kinakailangan.

Kadalasan tayo ay basta na lamang nagagalit para gantihan ang inaakala nating mga nanakit sa atin. Naniniwala tayo na sila’y mananakit din kaya handa tayong gumanti—ngunit hindi natin namamalayan na sa kalauna’y sinasaktan natin ay ang ating mga sarili.

Ang galit ay isang likas na reaksyon kapag tayo ay nasaktan, nasugatan o kapag naharap sa mga komplikadong sitwasyon.

Katulad ng kwento ng ahas, inakala nitong sinasaktan siya ng lagari ngunit ang totoo ay dahil sa maling akala kung kaya siya ay napahamak.

Ang pag-aakala na ang lagari ang kanyang “kaaway” ay nagmula sa maling pananaw ng ahas. At dahil na rin sa pagiging bulag niya sa kanyang kinatatayuang sitwasyon, mas pinairal niya ang kanyang emosyon kaysa sa kanyang isip.

Kung ating ihahambing ang ating buhay sa kwento ng ahas at lagari, kailangan nating suriin ang ating isipan upang makita kung saan nanggagaling ang galit na ito. Ang hindi pagkakaunawaan at ang maling pagtukoy kung sino o ano ang tunay na kalaban ay maaaring magresulta sa malalang kahihinatnan.

Ang mundo ngayon ay punong-puno ng galit. Ang bawat isa sa atin ay may nagtatagong anino ng poot na kapag nakawala’y bumabalot sa ating pagkatao. Kahit man likas sa atin ang magalit, ang mahalaga ay kaya nating pangibabawan ang ating emosyon. 

Sakaling may mga taong hindi mapawi ang lumiliyab na poot sa kanilang puso, palawakin na lamang natin ang ating pang-unawa, at pilitin natin silang intindihin. Hindi natin alam kung ano ang pinagdadaanan ng isang tao o kung ano ang kanyang kinahaharap na mga pagsubok sa buhay.

Ang galit ay isang lason. Ito ay mapanakit—matalim, matalas, mapaminsala. Unti-unti ka nitong pinapatay sa loob.

Sa mga panahong pilit na kumakawala ang poot at galit sa ating dibdib—at makailang beses man sinusubok ang lalim ng ating pagtitimpi—dito rin nasusukat kung hanggang saan aabot ang ating pasensya’t pang-unawa. Malaking bagay ang pag-unawa’t pagpapatawad.

‘Ika nga ni Tata Lino: “Walang magandang patutunguhan ang poot at galit—kung anuman ang nagawang pinsala nito sa iba, ay gayundin ang dalang pinsala nito sa ating sarili. Mas mabuting magpatawad, at magpakita ng awa sa taong gumawa sa atin ng mali.”

***

PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Ngapala, napatawad na ng lagari ang ahas.