NOONG unang panahon, ang mundo ay hindi pa katulad ng mundong alam natin ngayon. Sa halip na lupa, karagatan at langit, ang mundo ay tanging alapaap at tubig lamang.
Sa itaas ay ang kalangitan kung saan naroroon ang Mundo ng Alapaap, at sa ibaba nama’y ang Mundo ng Tubig.
Sa Mundo ng Alapaap mayroong malawak, asul na espasyo hanggang sa nakikita ng mata, at ang mga nilalang ay naglalakad at lumulutang sa gitna ng mga ulap.
Sa Mundo ng Tubig, mayroon lamang tubig, at ang mga nilalang dito ay lumalangoy at sumisisid.
Isang araw, may isang Batang Diwata mula sa langit ang naisipang mamasyal. Naglakad siya’t nilibot ang langit, at pagkaraan ng kalahating araw, napagod siya. Kaya’t naupo siya upang magpahinga sa isang tambak ng mga ulap, at doon siya nakatulog nang mahimbing.
May nagsasabi na nakatulog ang Batang Diwata nang napakahabang panahon.
Habang siya ay natutulog, napanaginipan ng Batang Diwata ang isang mundong hindi pa nakikita ng sinuman, isang mundong napakakulay at napakasaya—may mga kagubatan at bundok, mga ilog at lambak at malawak na kapatagan.
Nang sa wakas ay nagising siya, nalito ang Batang Diwata sa mga tanawin at tunog at amoy na nakapalibot sa kanya. Ang mga ito ay hindi katulad ng mga tanawin at tunog at amoy ng mundong kanyang napanaginipan. Hindi siya mapakali. Dahil sa kanyang mahabang pagkatulog, naninigas ang kanyang mga paa at hindi siya agad makalakad.
Matapos siyang mahimasmasan, kanyang kinalma ang sarili at nagpatuloy siyang maglakad—ngunit, sumusulong siyang tulala, at naglalakad sa ere na parang nahihilo.
“Naliligaw ako,” paulit-ulit na sabi ng Batang Diwata, “naliligaw ako.” Tumingin siya pataas at pababa, at sa kanyang pagkahilo, bigla siyang bumagsak palabas ng Mundo ng Alapaap.
Mabilis siyang bumulusok papababa—sa pagkahulog, pumihit ang katawan ng Batang Diwata sa pagitan ng dalawang mundo. At sa kanyang pagbulusok, naaninag niya ang Mundo ng Tubig sa ibaba. Buong lakas siyang sumigaw dahil hindi siya marunong lumangoy.
“Tulong! Tulong!” sigaw ng Batang Diwata, “Malulunod ako sa Mundo ng Tubig!”
Kanyang ibinuhos ang lahat ng natitirang lakas sa pagsikad pabalik sa Mundo ng Alapaap, ngunit sadyang napakalayo na ng kanyang pagkahulog. Ang mabangis at malakas na ihip ng hangin ang pansamantalang tumulong sa kanyang magpalutang-lutang sa ere.
“Tulong! Tulong!” humihikbing sigaw niya.
Ilang sandali bago sumadsad ang Batang Diwata sa walang katapusang kalaliman na asul na tubig, narinig ng dalawang Albatros ang kanyang paghingi ng tulong.
Iniangat ng dalawang dambuhalang ibon ang kanilang mga sarili mula sa tubig at lumipad patungo sa palutang-lutang sa ere na Batang Diwata. Ibinuka ng dalawang Albatros ang kanilang mga pakpak, kanila itong pinagsama, at nagsilbi itong lambat.
Nasalo ng mga pakpak ng Albatros ang Batang Diwata bago ito tuluyang bumagsak sa Mundo ng Tubig.
Gamit ang isang pakpak upang hawakan ang Batang Diwata, bahagyang ibinabagwis ng dalawang Albatros ang kanilang magkabilang pakpak dahil maaari rin silang bumagsak sa tubig anumang oras.
Dahil sa takot, nagkatinginan ang dalawang ibon, hindi sigurado kung ano ang gagawin sa kanilang karga-kargang diwata.
“Hindi natin dapat hayaan siyang mahulog sa tubig,” sabi ng unang Albatros. Sumang-ayon ang pangalawa, at nagwika, “Wala akong lakas para ilipad siya hanggang sa Mundo ng Alapaap.”
“Ano’ng gagawin natin?” sabay nilang tanong.
Nakahinga ng maluwag ang Batang Diwata nang nailigtas siya ng dalawang higanteng ibon ngunit hindi pa rin ito mapalagay sa bagong mundo sa kanyang paligid.
“Mayroon bang pantas at matalinong nilalang sa Mundo ng Tubig?” tanong ng Batang Diwata matapos muling mahimasmasan. “Natitiyak kong may nakakaalam kung ano ang gagawin para iligtas ang mga katulad ko.”
“Si Apo Kamariya, ang pantas na balyena!” sabay sigaw ng dalawang Albatros. Si Apo Kamariya ang pinakamatanda at pinakamatalinong nilalang sa Mundo ng Tubig.
Hawak pa rin ang Batang Diwata sa duyan ng kanilang mga pakpak, ang mga Albatros ay lumipad at naglakbay patungo sa lugar kung saan naglalagi ang balyenang si Apo Kamariya.
Nang makita ng balyena ang Batang Diwata na nakahiga sa duyan ng mga pakpak ng mga dambuhalang ibon, agad itong naawa at naunawaan niya ang kalagayan nito.
Ilang sandaling nag-isip ang pantas na balyena. Hinahayaan niyang magkwento ang diwata’t ibon kung anong nangyari at pakinggan ang kanilang mga saloobin.
Nabalitaan ng ibang mga nilalang ang nanyari. Ang lahat ng mga nilalang sa Mundo ng Tubig ay nagtipon-tipon upang tulungan ang diwata, at pakinggan ang sasabihin ni Apo Kamariya kung anuman ang magiging plano. Walang gustong magdusa ang diwata—ngunit wala ding nangahas na magsalita.
Habang nag-iisip si Apo Kamariya, tahimik na naghihintay ang lahat ng sasabihin nito.
At nagsalita ang balyena. “Ibaba ninyo ang Batang Diwata sa aking likuran,” mahinahong sabi niya sa dalawang higanteng ibon.
“At ano po sunod na kailangang gawin?” tanong ng lahat.
“Kailangang may isang sumisid sa pinakailalim ng ating mundo,” wika ng balyena. “Sa pinakamalalim kung saan may lupa at buhangin. Kailangang dalhin ito sa ibabaw ng tubig at itatambak ang buhangin sa aking likod. At dito mamamalagi ang Batang Diwata.”
Sabay hiyaw ng Palaka: “Kokak, kokak! Ako na! Ako ay isang napakahusay na maninisid.”
Ngunit hinarang siya ng Bayawak at sinabing: “Hssss… Hindi ikaw—ako ang pinakamahusay na maninisid!”
Sabay tawa ng Buwaya at tinulak nito ang kabatsoy at butiki: “Ang liliit ninyo, paano kayo makakarating sa kailalimlaliman ng tubig? Ako ang pinakamahusay na maninisid!”
Alam ng karamihan ng nagpapakitang-gilas lamang ang tatlong reptilya.
“Bakit hindi kayo magtulungang tatlo?” tanong ni Apo Kamariya.
At sunod-sunod na sumisid sina Palaka, Bayawak at Buwaya.
Ang iba pang mga nilalang mula sa Mundo ng Tubig ay nagusap-usap sa magiging gantimpala sa tatlo bilang pabuya sa kanila ng diwata, ngunit may biglang lumitaw na isang maliit na kayumangging Pawikan.
“Tutulong din po ako,” bulong nito sa balyena.
Nagtawanan ang lahat maliban kay Apo Kamariya. Tumingin siya nang diretso sa mga mata ng Pawikan at nagtanong, “Sa iyong palagay, makakaya mo bang sumisid sa kailalimlaliman ng Mundo ng Tubig para kumuha ng buhangin?”
“Susubukan ko po, Apo,” sagot ng munting Pawikan, at sumisid siya pababa.
Ilang sandali matapos lumangoy sa tubig ang pawikan, ang Palaka, ang Bayawak at ang Buwaya ay lumundag papalabas sa tubig—humihingal at naghahabol ng hininga. Ngunit wala silang dalang lupa o kahit kaunting buhangin.
“Hindi namin kaya…” napabuntong hininga ang tatlo. “Masyadong malalim—kakapusin kami sa hangin.”
Nadismaya si Apo Kamariya. Maaaninag din sa mga mata ng mga nakapaligid sa diwata ang panghihina ng loob ng lahat—at panghihinayang.
Makalipas ng ilang oras, lumitaw ang Pawikan na may dalang buhangin at kanya itong inilapag sa likod ng balyena.”Ito po ang una kong dala, Apo Kamariya,” ani ng pawikan.
Ang lahat ng mga nilalang ay nagkatitigan at hindi makapaniwala. Hindi nila lubos na maisip na ang isang pawikan ay nakapagdala ng buhangin mula sa kailalimlaliman ng Mundo ng Tubig.
Muling sumisid ang Pawikan at paulit-ulit na bumalik na may dalang lupa hanggang sa napuno ng buhangin ang likod ng balyena.
Ang likod ni Apo Kamariya ay unti-unting naging maliit na pulo. At lumaon, ang Batang Diwata ay nagkaroon ng buhangin na matatayuan, at lupang malalakaran.
“Mabuhay ang Pawikan!” malakas na sigaw ng mga nilalang sa Mundo ng Tubig.
“Maraming salamat sa iyo, kaibigang Pawikan. Dahil sa iyong malasakit at pagtitiyaga, nagkaroon tayo ng isang bagong mundo,” pagmamalaking pahayag ng balyena.
“Tatawagin natin ito Mundo ng Lupa,” sambit ni Apo Kamariya na siyang nagpangalan sa lugar.
Nagtulong-tulong ang mga diwata at ibang mga nilalang mula sa Mundo ng Alapaap at Mundo ng Tubig na bigyan buhay ang Mundo ng Lupa. Doon, sila’y nagtanim—at bumaba mula sa Alapaap ang ibang mga ibon at hayop para sa lupa’y manirahan.
Nagkaroon ng kulay at buhay sa lupa, ngunit nakalimutan na ng lahat ang Pawikan.
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Nabaon man sa limot ang lahat ng ginawang kabayanihan ng Pawikan, ngunit hindi ito nakalimutan ng balyenang si Apo Kamariya at ng Batang Diwata.
Bilang pasasalamat at pagtanaw ng utang na loob, binigyan ng Diwata ang Pawikan ng sariling bahay kung saan madadala nito saan man ito magpunta.
Mula noon, hindi na muling nakita pa ang Pawikan. May nagsasabing tumanda na siya. Ang iba nama’y nagsasabing siya ay yumao sa pagod—ngunit dapat lamang na ang Pawikan ay parangalan. Dahil kung hindi sa kanyang pagdadala ng buhangin, wala tayong matatayuang bahay sa lupa.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]