Ang Binata at ang Soro (Part 1)

NOONG unang panahon, mayroong isang hari na nagmamay-ari ng napakagandang hardin sa gitna ng Kastilyong Puti.

At sa hardin na ito’y may nakatayong isang puno na namumunga ng mga gintong mansanas. Ang mga mansanas na ito’y palaging binibilang ng hari, at inimamarka sa kalendaryo ang panahon kung kailan sila nagsimulang mahinog.

Subalit napansin ng hari na tuwing sumasapit ang hatinggabi, mayroong isang gintong mansanas ang misteryosong nawawala.

Dahil dito, nagalit nang husto ang hari, at inutusan ang kanyang pinagkakatiwalaang hardinero na buong magdamag magbantay sa ilalim ng puno.

Matanda na ang hardinero ng hari, kaya inutusan nito ang kanyang panganay na anak na bantayan ang puno; ngunit nang sumapit ang alas-dose ng gabi, ito ay nakatulog—at kinabukasan, isa na namang gintong mansanas ang nawawala.

At dahil nabigo ang kanyang panganay na anak, inutusan ng hardinero ang kanyang pangalawang anak na bantayan nang mahigpit ang puno. At nang sumapit ang alas-dose ng gabi, ito rin ay nakatulog—at kinabukasan, isa na namang gintong mansanas ang nawala.

Lubhang nadismaya ang hardinero sa pagiging iresponsable ng kanyang dalawang anak. Kung kaya, nag-alok ang bunsong anak na siya na lamang ang magbabantay, ngunit ayaw pumayag ng hardinero dahil may pangamba itong mabibigo rin ang kanyang bunsong anak—gayunpaman, dahil walang ibang mapagkakatiwalaan, napapayag din ito.

Nagdala ang bunsong anak ng banig, at inilatag ito sa ilalim ng puno. Nang sumapit ang alas-dose ng hatinggabi, nakarinig ang binata ng kaluskos na nagmumula sa mga dahon, at nakita niya ang isang ibong ginto na pumipitas ng gintong mansanas.

Biglang bumalikwas sa pagkakahiga ang anak ng hardinero, at nagpakawala ito ng palaso.

Tinamaan ang ibon, ngunit hindi nito ininda ang palaso. Isang balahibo mula sa kanyang buntot ang tanging nahulog, at pagkatapos ay lumipad ang ibon palayo.

Kinabukasan, dinala ng hardinero ang ginintuang balahibo sa bulwagan ng palasyo. Nang nakita ng hari ang kakaibang balahibo, pinatawag nito ang buong konseho upang humingi ng opinyon.

Nagkasundo ang buong konseho na ang ginintuang balahibo ay higit na mahalaga kaysa sa lahat ng kayamanan ng kaharian.

Ngunit hindi sumang-ayon ang hari: “Ang isang balahibo ay walang silbi sa akin. Ang kailangan ay mapasaakin ang buong ibon.”

May kasamang pabuya kung mahuhuli ito ng buhay, itinalaga ng hari ang kanyang hardinero na pumili ng mga kusang magpapatala para hulihin ang gintong ibon.

At nang mabalitaan ng anak na panganay ng hardinero ang pabuya ng hari, tiniyak nito sa kanyang ama na alam niya kung paano mahuhuli ang gintong ibon. Nagsimulang maglakbay ang panganay. ‘Di naglaon, may nakita itong namamahingang soro sa gilid ng kakahuyan. Kaya, kinuha niya ang kanyang busog at palaso, at nakahanda na itong panain ang soro. “Huwag, huwag po ninyo akong patayin,” pagmamakaawa ng soro—”alam ko po ang inyong sadya, at kapalit ng aking buhay, bibigyan ko po kayo ng payo kung paano mahuhuli ang gintong ibon.”

Sumang-ayon ang anak ng hardinero sa mungkahi ng soro kapalit ng mahalagang impormasyon.

Wika ng soro: “Pagdating ng gabi, mararating mo ang isang nayon. Pagdating mo roon, mayroong dalawang magkatapat na bahay-panuluyan. Ang isa ay napaka-kaaya-aya at maganda—huwag po kayong pumasok doon. Sa halip, doon po kayo magpahinga sa kabilang panuluyan, kahit na ito’y masikip, mabaho at hindi kaaya-aya.”

Ngunit napaisip ng malalim ang panganay na anak ng hardinero at nagwika: “Anong nalalaman ng isang ligaw na nilalang na tulad mo ang tungkol sa mga bagay na ito?”

Kaya’t tuluyang pinana nito ng kanyang palaso sa soro, ngunit ‘di niya tinamaan ito. Mabilis na kumaripas ang soro sa loob ng kagubatan.

At nagpatuloy sa paglalakbay ang panganay na anak ng hardinero, hanggang sumapit ang dilim. Nakarating siya sa isang nayon kung saan naroroon ang dalawang magkatapat na bahay-panuluyan. Napansin ng binata na ang mga naroroon ay tila pistang umaawit at nagsasayawan; samantalang sa kabilang panuluyan, ang mga tao ay mukhang gusgusin, napakarumi at maaaninag ang lungkot sa kanilang mga mukha.

“Ha, ha, ha! Uto-uto lamang ang maniniwala sa mga sinabi ng soro,” panunuya ng anak ng hardinero—”at bakit naman ako tutuloy sa isang nabapabaho’t napakaruming lugar?”

Kaya’t pumasok siya sa magandang bahay-panuluyan—nakisalo sa pista, nagpakabusog, at nagpakalasing hanggang sa nakalimutan na nito ang kanyang pakay sa gintong ibon.

Lumipas ang mga araw, hindi na bumalik ang panganay, at walang balitang narinig tungkol sa kanya.

Sunod na lumuwas ang pangalawang anak, at gayon din ang nangyari rito.

Nakaharap nito ang soro pero pinagbantaan din nito na papatayin kung hindi siya nito tutulungan. Kaya, nagbigay ng payo ang soro ng katulad din ng payong ibinigay nito sa naunang kapatid.

Ngunit nang dumating ang pangalawang anak ng hardinero sa nayon kung saan naroroon ang magkatapat na bahay-panuluyan, kanyang nakita ang panganay na kapatid na nakatayo sa bintana kung saan naroroon ang pagsasaya, at tinawag siyang pumasok.

Hindi niya mapaglabanan ang tukso, kaya pumasok siya sa loob, nakisalo sa kasayahan, at tuluyan nang nakalimutan ang kanyang pakay tungkol sa gintong ibon.Lumipas muli ang ilang linggo, nagpaalam ang bunsong anak na hanapin ang gintong ibon, pati na rin ang kanyang dalawang nawawalang kapatid—ngunit hindi ito pinayagan ng kanyang ama.

Tanging ang kanyang bunsong anak na lamang ang naiwan, at natatakot ito na sapitin din nito ang naging masamang kapalaran ng dalawa niyang anak.Gayunpaman, nakumbinse ng bunso ang kanyang ama na siya’y payagan.

Pagdating ng bunso sa kagubatan, nakaharap nito ang soro, at nakinig siya sa parehong payo na inibahagi nito sa kanyang naunang dalawang kapatid.

Dahil sa naging dalisay na payo ng soro, lubos-lubos ang kanyang pasasalamat, at hindi niya tinangkang saktan ang soro katulad ng ginawa ng kanyang mga kapatid. Kaya, sinabi ng soro: “Umupo ka sa aking buntot, at mas mabilis kang makapaglalakbay.”

Kaya’t siya ay naupo, at ang soro ay nagsimulang tumakbo palayo. Sila’y tumawid at lumundag sa ilang mga munting burol na bato nang napakabilis—ang kanilang buhok ay tila sumipol sa hangin.

Pagdating nila sa nayon, sinunod ng bunso ang payo ng soro. Nagtungo siya sa mabahong bahay-panuluyan at doon nagpahinga sa buong magdamag.

Kinabukasan, muling nagpakita sa kanya ang soro at sinalubong siya habang siya ay naghahanda para sa kanyang paglalakbay.

“Tawirin mo ang ilog, hanggang sa makarating ka sa isang lumang Kastilyong Asul kung saan nakahimpilang isang buong hukbo ng mga kawal. Aabutan mo silang mahimbing na natutulog at humihilik. Huwag mo silang pansinin, ngunit pumasok ka sa kastilyo hanggang sa makarating ka sa isang silid. Doon makikita mo ang gintong ibon na nakadapo sa loob ng isang hawlang kahoy. Malapit dito ay may isang napakagandang gintong hawla; ngunit huwag mong susubukang alisin ang ibon mula sa sira-sirang hawla para ilipat sa hawlang ginto, kung hindi ay magsisisi ka,” babala ng soro.

Pagkatapos ay iniunat muli ng soro ang kanyang buntot, at ang binata ay naupo, at tumalon sila sa ibabaw ng mga bulubunduking bato hanggang sa sumipol ang kanilang buhok sa hangin.

Sa harap ng pultahan ng Kastilyong Asul, nasilip ng bunso ang pulutong ng mga kawal na natutulog. Pumasok ang bunsong anak ng hardinero at natagpuan ang silid kung saan nakabitin ang gintong ibon sa isang sira-sirang hawla na gawa sa kahoy.

Sa ibaba nito ay naroroon din ang gintong hawla, at ang ilang dosenang gintong mansanas na nawala sa hardin.

Napaisip ng malalim ang bunsong anak ng hardinero: “Sadyang kaawa-awa ang kalagayan ng isang napagandang ibon sa loob ng sira-sirang hawla na ito…”

Kaya, binuksan niya ang hawlang kahoy at inabot ang gintong ibon para ilipat sa hawlang ginto.

Ngunit biglang nagpakawala ng napakalakas na hiyaw ang gintong ibon—sapat na para magising ang lahat ng mga natutulog na kawal.

Hindi na nakawala pa ang binata, at dinala siya ng mga kawal sa harap ng hari.

(ITUTULOY)