ANG “Balon ng Katotohanan” ay isang nakakatuwang kuwentong-bayan tungkol sa tatlong matalik na magkakaibigan: ang Kambing, ang Tandang, at ang Kabayo.
Ang kwento ay ganito…Noong unang panahon, nagpasya ang isang kambing, tandang, at kabayo na subukan ang kanilang kapalaran sa pagsasaka.
“Kung magtutulungan tayo, maaari nating palaguin ang anumang bagay!” paghihikayat ng Kambing sa kanyang mga kaibigan.
“Ano nga ba ang dapat nating itanim?” tanong ng Tandang.
“Maaari siguro nating subukang magtanim ng brokuli?!” mungkahi ng Kabayo. “Mahilig akong kumain ng brokuli.”
Kung kaya, silang tatlo ay nagpasyang linisin ang bukid, magbunot ng mga damong-ligaw, mag-bungkal at mag-araro ng lupa, at magtanim ng mga maliliit na buto ng brokuli.
At nang naisayos na nila ang pagtatamnang lupa, ang tatlong magkakaibigan ay masipag na nagdidilig sa bukid araw-araw. Hindi nagtagal, nagsimulang lumago’t lumaki ang tanim nilang mga brokuli.
“Maaari na ba natin silang anihin?” tanong ng naiinip ng Kabayo.
“Hindi. Hindi pa,” sigaw ng Tandang.”
Kung maghihintay tayo, ang mga brokuli ay magiging mas masarap, mas malutong, at mas malasa,” sabi ng Kambing.
Pagkaraan ng ilang linggo, lumaki ang brokuli.
“Maaari na ba natin silang anihin?” naiinip na tanong ng Kabayo.
“Hindi. Hindi pa,” wika ng Tandang.
“Kaunting panahon na lang at magiging mas masarap, mas malutong, at mas malasa ang ating mga brokuli—at walang kawangis sa ibang mga tanim sa bukid,” pagkukumbinsi ng Kambing.
Makalipas ang ilang araw, bumalik sa bukid ang tatlong magkakaibigan.
“Siguradong maaari na natin itong anihin ngayon,” udyok ng Kabayo.
“Isang araw pa at sigurado akong ito na ang pinakamalasang brokuli sa buong nayon,” pakiusap ng Tandang.
“Oo, at bukas ay magkakaroon tayo ng isang malaking pista ng mga brokuli!” pagtitiyak ng Kambing.
“Bukas?!” angal ng Kabayo. “Kailangan pa ba nating maghintay hanggang bukas?”
“Isang gabi na lang naman,” ani ng Tandang.
“Bukas, tiyak na mas malasa at malulutong ang ating mga brokuli!” pagkukumbinsing sabi ng Kambing.
Kung kaya, napagkasunduan ng tatlo na sabay silang pupunta sa bukid kinaumagahan. At ang Kabayo, ang Tandang at ang Kambing ay umuwi muna sa kani-kanilang kwadra’t kamalig. Ngunit hindi makatulog ang Kabayo. Patuloy nitong iniisip ang mababangong amoy na brokuli.
Dahil hindi mapakali, kinumbinsi niya ang kanyang sarili: “Pupunta ako sa bukid at titikim lang ako ng isang brokuli para malaman ko kung ano ang lasa ng aming itinanim.
Nang makarating ang Kabayo sa bukid, kumagat siya ng isang brokuli.
“Hmmm… napakasarap! Napakalasa!” aniya. “Isang kagat na lang at uuwi na ako.”
At pagkatapos ay sinabi niya sa kanyang sarili: “Hmmm… walang makakapansin kung kakain ako ng isa pa.”
Kaya nagpatuloy siya sa isa pang kagat, at isa pang kagat—at nadagdagan pa ng ilang kagat.
Hindi napigilan ng Kabayo ang sarili na tumigil. Bagama’t paulit-ulit niyang sinasabi, “Isang kagat na lang”—hindi nagtagal ay nakain na niya ang buong bukid ng brokuli.
Kinaumagahan, tumilaok ang Tandang kasabay ng pagsikat ng araw. Lumabas sila sa kamalig ng Kambing para katukin ang kwadra ng Kabayo.
“Hoy, gising na! Ito na ang araw na pinakahihintay natin. Tara na sa bukid!” sigaw ng dalawa.
Ngunit ang Kabayo ay hindi makuhang bumangon dahil nagkaroon ito ng matinding pananakit ng tiyan.
Mula sa loob ng kanyang kwadra ay napaungol ang Kabayo: “Hindi maganda ang pakiramdam ko ngayon. Sige na’t pumunta na kayo. Kainin na ninyo ang inyong bahagi, at ilaan na lang ninyo ang para sa akin.”
Nang makarating ang Tandang at Kambing sa bukid ng brokuli, hindi sila makapaniwala sa kanilang nakita.
“May kumain ng mga brokuli natin!” sigaw ni Tandang.
“Malamang ang Kabayo—wala ng iba pa,” galit na sabi ng Kambing.
Tumakbo ang dalawa pabalik sa kwadra ng Kabayo, kinalampag ang pinto, at nagmamadaling pumasok.
Naroon ang Kabayo na nakahiga sa mga tuyong dayami at namamaga ang tiyan.
“Alam naming ikaw ang kumain at umubos ng lahat ng tanim nating brokuli,” paratang ng Tandang.
“Tingnan mo kung gaano kalaki ang iyong tiyan,” pagsang-ayon ng Kambing.
“Naku, hindi ako ‘yon. Malamang isa sa inyong dalawa ang kumain ng brokuli,” pagtatanggi ng Kabayo.
“Natitiyak kong isa sa atin ang nagsisinungaling. Kung gayon, dapat natin itong idaan sa isang pagsubok,” paghahamon ng Tandang.
“
Puntahan natin ang ‘Balon ng Katotohanan’. At lahat tayo ay tatalon sa ibabaw ng balon,” paliwanang ng Kambing.”
Ang sinumang nagsisinungaling ay mahuhulog, at mananatili sa balon ng dalawang buwan at isang gabi,” sabi ng Tandang.
Nang makarating sila sa Balon ng Katotohanan, ang Tandang ang naunang lumapit dito.
Aniya, “Upang patunayan na hindi ako kumain ng brokuling tanim, ang Balon ng Katotohanan ay aking tatalunin. Kung ako ma’y nagsisinungaling sa isa at sa lahat, sa balon ay tiyak na ako’y babagsak.”
Tumalon ang Tandang at madaling nakatawid sa balon.Ang Kambing ang sumunod. Siya ay sumumpa sa parehong panata: “Upang patunayan na hindi ako kumain ng brokuling tanim, ang Balon ng Katotohanan ay aking tatalunin. Kung ako ma’y nagsisinungaling sa isa at sa lahat, sa balon ay tiyak na ako’y babagsak.”
Tumalon din ang Kambing sa balon at ito’y nakatawid ng walang naging problema.
Pagkatapos ay ang Kabayo na ang susunod. Kinakabahan itong tumingin sa Balon ng Katotohanan.
“Sige, tumalon ka na!” panunuya ng Tandang.
“Oo, ikaw na lamang ang hinihintay,” sabi ng Kambing sa Kabayo.
Tulad ng iwinikang panata ng dalawa, napilitang manumpa ang Kabayo ngunit pautal-utal ito: “Upang patunayan… na hindi ako kumain… ng brokuling tanim… ang Balon ng Katotohanan… ay aking tatalunin…Kung ako ma’y nagsisinungaling… sa isa at sa lahat… sa balon ay tiyak… na ako’y babagsak…”At nang tumalon si Kabayo, tuluyan na itong nahulog sa Balon ng Katotohanan, at doon siya nanatili ng dalawang buwan at isang gabi.
***
PAGTATATWA: Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Sa kwentong ito, naging isang mapait na aral para sa Kabayo ang kanyang pagiging sakim at dahil dito, kanyang sinira ang tiwala ng kanyang mga kaibigan. Huli na nang mapagtanto niya ang kanyang ginawang pagkakamali. Laging lalabas ang katotohanan kahit na ito ay mula pa sa kailalimlaliman ng isang balon.Ang klasikong kuwentong-bayan na ito ay nagtuturo ng mahahalagang aral sa buhay sa mga pagpapahalaga ng karakter tungkol sa pagbabahagi ng magandang kapalaran, pananagutan sa ating mga aksyon, pati na rin ang pagiging patas at pagiging katiwa-tiwala sa iba.