Ang Asong-gala at ang Asong-bahay

SA pook ng mga taga-giik. Minsan ay may isang asong-kalye na nangangalahig ng makakain kung saan man merong tambak ng basura sa Taguig. Halos buto’t balat na ito. Ginagalis at halatang may dinaramdam na sakit.

Sa mga pagkakataong mayroong mga itinapong tirang pagkain sa basurahan mula sa isang kalapit na restoran, ang mga mas matatapang at malalaking asong-gala ang laging nauuna, hanggang sa maubos at wala nang makakain pa. At kapag nagsi-alisan na ang ibang mga asong-gala, kontento na lamang itong simutin ang anumang natitirang mumo sa semento.

Isang gabi, nakasalubong ng asong-kalyeng ito ang isang nawawalang asong may lahing labrador. Malusog at matikas at halatang isa itong asong-bahay—mabango at maayos ang pagkakasuklay ng balahibo—bihis na bihis at nakagayak pantao. Sa unang tingin pa lang, halatang hindi bagay sa kalye ang asong ito.

Habang papalapit ito, may nakakagutom na amoy ang dala ng labrador. Agad na nalanghap ng asong-kalye ang amoy ng ulam na parang pinaghalong karne ng manok at baka na nagmumula sa maliit na bulsa sa likod ng damit nito.

Tahimik na bulong ng asong-kalye sa kanyang sarili: “Kung hindi nga lang malakas, may kalakihan, at may katangkaran ang kaharap n’yang aso—baka kanina pa niya sinunggaban ang dala-dalang baon nito.”

Alam niyang katakam-takam ang dalang baon ng labrador, ngunit alam din niyang ang mga kuko nito ay handang mag-iwan ng malalalim na marka sa kanyang manipis na katawan sakaling magkasubukan silang dalawa.

Kung kaya’t nagpasya na lamang itong kausapin nang mahinahon ang labrador, at purihin ang maganda nitong pangangatawan at hitsura: “Kaibigan, sadyang napakapalad mo. Hindi mo kailangang mangalahig sa basurahan upang mabuhay—hindi tulad kong kailangang makipagsapalaran araw-araw.”

“Alam mo, Kaibigan, mayroong kakilala ang aking amo na umaampon ng mga ligaw na asong katulad mo. Maaari ka niyang ampunin at alagaan, pakainin at damitan kung nais mo,” sagot ng asong-bahay na labrador.

Dugtong pa nito: “Malungkot ang buhay mo rito. Bakit ‘di mo lisanin ang kalye? Hindi mo kailangang mabuhay ng mag-isa at makipag-agawan ng pagkain sa ibang mga aso. Tularan mo ako at paniguradong gaganda ang iyong buhay.”

May dalang pag-asa ang mga sinabi ng asong-bahay. Kahit paano, may katotohanan ang mga bagay na binanggit nito.

“Ano ang dapat kong gawin?” tanong ng asong-kalye.

“Halos wala kang kailangang gawin,” sagot ng asong-bahay. “…ang tanging trabaho mo lamang ay makipaghabulan sa mga kuting. Tahulan ang mga taong may dalang tungkod. Habulin ang mga pulubi at makipaglaro sa mga batang makukulit. At kapag nasa loob ng bahay, sumayaw at umarte kapag kaharap ang iyong mga amo. Ganoon lang.”

“Ganoon lang? At ano naman ang kapalit?” muling tanong ng asong-kalye.

“Kapag mabait at masunurin ka sa iyong mga amo, lahat ng masasarap na pagkain ay matitikman mo—atay at buto ng manok, mga piling-piling piraso ng karne, mga matatamis na pagkain ng tao, cake, at marami pang iba. Bukod pa roon, sagana ka sa bagong damit, may malambot na matutulugan sa gabi, may halik at malambing at magiliw na salita, at siyempre pa, may kasamang haplos ng pagmamahal,” pagyayabang ng labrador.

Sa kanyang imahinasyon, napaluha sa kaligayahan ang asong-kalye dahil nakini-kinita na niya ang napakagandang buhay na sa kanya’y naghihintay oras na may taong handang umampon sa kanya.

Ngunit bigla niyang napansin ang balahibo sa leeg ng labrador—halos manipis at nakakalbo, at ang balat nito’y nangangabiyak sa galos—at natitiyak niyang hindi ito galis tulad ng kanyang sugat.

“Ano ‘yang nasa leeg mo?” tanong nito sa labrador.

“Wala ‘yan. Natural na galos lamang ‘yan, Kaibigan,” sagot nito sa tanong na halatang umiiwas sa maaaring susunod na katanungan ng asong-kalye.

Muling nagtanong ang asong-kalye: “Wala? Sigurado ka ba? Pero bakit parang matagal na ‘yang sugat mo sa leeg?”

“Naku, maliit na bagay lang ‘yan!” pagtitiyak ng asong-bahay na labrador.

“Kung maliit ngang bagay ‘yan, bakit ‘di mo sabihin kung anong totoong nangyari sa iyong leeg?” pilit na pakiusap ng asong-kalye.

“Marahil ay nakikita mo ang marka sa aking kwelyo kung saan nakakabit ang pantaling-kadena,” paliwanag ng labrador.

“Kadena?” gulat na sambit ng asong-kalye. “Bakit kailangan mo ng kadena—hindi ka ba nakakapasyal kung saan mo gusto?”

“Hindi naman palagi… Pero anong problema doon? Mahal ako ng aking amo at naipapasyal nila ako sa mga lugar na sigurado akong kailanma’y ‘di mo mapupuntahan,” payabang na sabi ng labrador na natuloy sa isang pakikipagtalo sa asong-kalye.

“Nalulungkot ako para sa’yo, Kaibigan… Dahil, sa totoo lang, malaki ang kaibahan ng pagkakaroon ng tali sa leeg na katulad ng sa iyo sa mga asong walang kadena o taling nakapulupot sa kanilang leeg. Hindi na mahalaga sa akin ang kwento mong masasarap na pagkain o malambot na kama, o ang pagpapalayaw sa iyo ng iyong amo. Ano ang silbi ng lahat ng ‘yan kung wala kang kalayaan? Hindi mo man batid dahil sadyang nabulag ka na sa mga masasarap na bagay sa buhay—subalit habang-buhay kang nakatali na parang isang bilanggong nakakulong sa isang marangyang kulungan,” paliwanag ng asong-kalye.

At tumalikod ang labrador at naglakad palayo.


PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Ani ng pilosopong si Albert Camus: “Ang tanging paraan upang harapin ang isang hindi malayang mundo ay ang maging ganap na malaya—ang mabuhay ng malaya ay isang anyo ng paghihimagsik.”

Walang ni isang asong nasaktan sa kwentong ito.