“Mahihinang tao lamang ang siyang naghihiganti. Ang malalakas
ang siyang nagpapatawad. At ang matatalino, ‘di pumapatol.” —
Albert Einstein
PAHINTULUTAN po ninyo akong hiramin ang kathang ito tungkol sa pagtatalo ng isang baliw at isang matalino. Narito po ang kwento nila:
Sa isang masiglang kagubatan, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang Asno at Tigre tungkol sa kulay ng damo sa gubat.
Buong paniniwala ng Asno na ang damo ay kulay asul—samantalang iginiit ng Tigre na ito’y berde.
Dahil hindi magkasundo, nagpasya silang dalawa na dumulog sa isang mas mataas na hukom. Kaya’t lumapit sila sa matalino at makapangyarihang Leon.
Habang papalapit sila sa Leon, sinamantala ng Asno ang pagkakataon upang baluktutin ang sitwasyon ayon sa nais nito. Biglang humiyaw ito at nagtanong: “Mahal na Hari, totoo po ba na ang damo ay kulay asul?”
Agad namang tumugon ang Leon nang walang pag-aalinlangan, “Tama ka, ang damo ay asul.”
Tuwang-tuwa ang Asno at muling nagsumbong; “Mahal na Hari, ang Tigre po ay hindi naniniwala sa akin— kinokontra ako, at inaabala pa. Parusahan n’yo po siya, Mahal na Hari!”
Pagkaraan ng ilang sandali, nagsalita ang Hari ng Kagubatan, “Ang Tigre ay paparusahan ng limang taon na walang kausap.”
Tuwang-tuwa ang Asno sa naging pasya ng Leon, at paulit-ulit na kumakanta, “Asul, asul, asul! Ang damo ay asul, asul, asul!”
Bagamat nagtataka, tinanggap ng masunuring Tigre ang parusa at lihim na nagtanong sa Hari: “Mahal na Hari, bakit po ninyo ako pinarusahan gayong ang damo naman po’y berde talaga?”
Sumagot ang Leon: “Tama ka, ang damo ay talagang berde—at hindi asul.”
Nag-usisa pa rin ang Tigre: “Kung gayon, bakit po ako ang kailangang magdusa at hindi ang Asno?”
“Walang kinalaman ang parusa mo sa usapin kung berde o asul ang damo. Ang parusa ay dahil hindi nararapat na ang isang matapang at matalinong nilalang tulad mo ay mag-aksaya ng panahon sa pakikipagtalo sa isang asnong baliw. At higit pa roon, inabala mo pa ako para dito,” pauyam na paliwanag ng Leon.
Dagdag pa nito: “Ang pinakamalaking pag-aaksaya ng oras ay ang makipagtalo sa mga taong sarado ang pag-iisip sa katotohanan, na pinangungunahan ng kayabangan, galit, at sama-ng-loob. May mga tao na kahit anong ebidensiya ang iharap sa kanila, hindi nila ito tatanggapin o kahit maintindihan. Ang tanging nais nila ay ang manalo sa argumento, kahit mali sila.”
“Ako po’y nagpapakumbaba at humihingi ng paumanhin kung nadamay kayo, Mahal na Hari,” wika ng Tigre sa Leon.
Nagpapatuloy ang Leon: “Kapag sumisigaw ang kabobohan at kamangmangan, nagsasara ng pinto ang karunungan. Ang buhay na tahimik at mapayapa ang siyang mas mahalaga kaysa sa mga walang kwentang argumento. Oras ang iyong pinakamahalagang yaman—huwag mong patulan ang baliw,” tugon ng Leon.
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Ang aral ng kwento: Huwag makipagtalo sa mga baliw at hangal.
At para sa kapayapaan ng mundo, walang nasaktan sa away ng tigre at asno.