Ang aral ng gintong palay

SA isang tahimik na lambak, kung saan ang gintong mga palay ay sumasayaw sa ihip ng hangin, nakatira si Kikay Kalabaw—ang pinaka-iginagalang na alagang hayop sa buong hacienda ni Ka Carding.

Ang kanyang sinasakang mga bukirin ang laging pinakamalago; ang kanyang mga butil ang pinakamalusog; at ang kanyang aning palay ang kinaiinggitan ng lahat.

Taun-taon, sa pista ng agrikultura sa bayan, si Kikay Kalabaw ang laging nagwawagi sa paligsahan ng pinakamagandang palay—ang tinaguriang Gintong Palay—sa buong lalawigan.

Isang umaga, dumating si Bloo—ang paboritong alaga ni Ka Carding at ang masigasig na tagapagbalita ng hacienda—at pinuntahan niya ang bukirin na pinangangasiwaan ng kaibigang kalabaw.

“Magandang umaga, Kikay!” masiglang bati ni Bloo habang kumakawag ang buntot. “Isa na namang maganda at masaganang ani ngayong taon! Ano nga ba ang iyong sikreto?”

Ngumiti si Kikay. Ngumuya muna ito ng ilang tangkay ng palay at nagmuni- muni bago sumagot.

“Wala naman kumplikadong sikreto, Bloo. Kung mayroon ka lamang mga magagandang binhi at mga mabubuting kapitbahay—yan ay sapat na.”

Napakunot-noo si Bloo.

“Mabubuting kapitbahay? Kinakailangan bang pagkatiwalaan ang iyong mga kapitbahay, at ibahagi sa kanila ang iyong pinakamagandang binhi kahit pa sila’y iyong mga kakumpetensya?” tanong nito.

Sa puntong ito, nagsalita si Estela, ang mataba at palakomentong inahing manok mula sa kalapit na sakahan. “Iyan din ang aming pinag-uusapan! Bakit mo ibinibigay ang iyong pinakamagandang butil? Pati na ang iyong sikreto?”

Bago pa man makasagot si Kikay, sumingit si Lising, ang mapanuksong kambing.

“Naku, mahirap paniwalaan ‘yang kuwento mo, Kikay. Parang napakapambihira na wala kang madilim na intensyon sa kabila ng ipinapakita mong kabutihang-loob,” pangutyang sabi ni Lising, “at kung ako ang nasa iyong posisyon, itatago ko ang pinakamagandang butil para sa sarili ko. ‘Yan ang batas ng kalikasan—ang pinakamalakas ang dapat mabuhay at manaig!”

Natawa na lamang si Kikay.

“Ah, mga kaibigan,” aniya, “iniisip ninyo ang pagsasaka na parang isang paligsahan kung saan isa lang ang nagwawagi. Pero hindi ganyan ang takbo ng kalikasan. Ang hangin ay hindi kumikilala ng hangganan. Dinadala nito ang mga magagandang butil mula sa isang bukirin patungo sa iba pa. Kung mahinang klase ang butil ng palay ng aking mga kapitbahay, madadamay rin ang aking pananim, at kalaunan, bababa ang kalidad ng aking ani.”

Mabilis na napaisip si Bloo: “Ibig mo bang sabihin, na ang iyong pagtulong sa iba ay mapapaganda ang ani ng iyong kapitbahay, natutulungan mo rin ang iyong sarili?”

“Ganun na nga,” ani ng kalabaw.

“Hindi lahat ng bagay sa buhay ay isang paligsahan. Para sa isang magsasaka, ang kanyang ani ay nakasalalay sa kung ano ang kalalabasan ng ani ng iba. Ang kanyang kapalaran ay kaugnay sa magiging kapalaran ng iba,” dagdag nito.

“Malalim na kaisipan iyan, Kikay. Pero para lang ba ito sa palay?” tanong ni Estel Manok.

Umiling si Kikay Kalabaw, “Hindi, kaibigan. Ito’y totoo sa lahat ng aspeto ng buhay. Kung nais nating mamuhay nang maayos, kailangan nating tulungan ang iba na mamuhay nang maayos. Kung nais natin ng kapayapaan, dapat nating tulungan ang iba na makamit ito. Kung nais natin ng kasiyahan, dapat natin itong ipamahagi.”

“Ibig sabihin, kung gusto kong makahanap ng pinakamatabang uod, dapat ko ring tulungan ang iba kong kasama na makahanap ng matatabang lupa?” tanong ng manok.

Natawa ang kambing. “O kung gusto kong makahanap ng pinakamayabong na damo, dapat ko rin itong sabihin sa ibang kambing?”

Ngumiti na lamang si Kikay. “Salamat naman at ngayon ay naiintindihan na ninyo.”

“Higit pa ito sa aral sa pagsasaka—isa itong pilosopiya ng buhay!” pahayag ni Bloo.

At mula noon, dinala ng mga hayop ng lambak ang karunungang ito sa kanilang puso.

Lalong gumanda ang ani sa hacienda, naging mayayabong ang kalapit na mga sakahan, at ang aral ni Kikay Kalabaw ay nanatiling buhay—na ang kapakanan ng isa ay konektado sa kapakanan ng lahat.

***

PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Ang tunay na tagumpay at wagas na kaligayahan ay sa pusong mapagbigay nagmumula.

Kung paano ibinabahagi ng magsasaka ang pinakamagandang binhi upang mapabuti ang ani ng lahat, gayon din dapat tayo sa pagtulong sa kapwa.

Ang isang makabuluhang buhay ay nasusukat sa mga tao na ating nakakaugnay, sapagkat ang ating buhay at ang ating kapakanan ay konektado sa kapakanan ng iba.